Baha

•Oktubre 25, 2009 • Mag-iwan ng Puna

(Sa alaala ng mga nasawi at napinsala noong unos ng Setyembre 26, 2009)

I.
Noong unang panahon,
ayon sa aming pinananiwalang
salaysay ng Pinagmulan,
ang mundo’y  nagunaw.
Nang sa takda ng nagngangalit na si Yahweh,
Ito ay kumutan ng tubig.
Aniya, Lahat ng bagay sa Daigdig ay nabahiran na ng Putik.
Tanging  delubyo lang ang makakalinis sa aking Nilikhang daigdig.
Sinakop ang lahat na pook, bagay o nilalang: tuktok ng bundok,
dalisdis ng libis, pisngi ng talampas, lawas ng kapatagan.
Damulag man o kulisap, puno o palumpong ay natangay, naanod sa agos.
Nagsanib pa itong agos sa iba pang daluyong, uli-uli at daloy
hanggang sa ang buong mundo’y  karagatan.
Walang natira,
Maliban lamang sa ilang pinili na lulan sa higanteng arko.
Silang wari’y hindi nabahiran ng putik kaya piniling iligtas Niya.
Matapos ang 40 araw-gabi na unos, marahil Siya ay nahabag o natuwa’t
Nalinis ang daigdig.

Kaya’t ipinangako sa mga iniligtas na Hindi na niya
Lilipulin pa ang mundo sa pamamagitan ng tubig
Upang ito ay mahugasan ng putik.
At sa hudyat na iyon ay unang nakita umano
Ang bahaghari. Sarikulay na Banal na Pangako.

II.

Madalas  nang mawaglit
Sa aming mga libro, dyaryo,  kalendaryo at utak
Ang alaala nitong Delubyo,
At kahit na ang gunita ng mga manaka-nakang
Pagbaha.
Lumipas ang mga taong dumalang ang pagdalaw
Ng mga unos.
At sa halip inaanod lang kami ng mga balita’t problema
hinggil sa pagtatastas ng bulsa,pagpapataasan ng ihi ng aming mga lider,
pagbubuklod
o pagbubukod sa pamilya’t
kapisanan at iba pa.
Hanggang sa gugulantangin  kami ng mga ulat na
May gumuhong bundok sa isang malayong lalawigan.
At minsan minsan pa ay mahahabag pa kami sa balitang
Naghalo ang gubat, lupa at ilog  habang nilamon
ang ilang nayon sa isang kalapit na lalawigan.
Subalit, kinayayamutan lamang namin ang
mga panahong nagiging sapa ang aming mga
kalye at eskinita:
Naku mahuhuli ako sa pasok.
Peste talagang bahang ito, basang-basa na sapatos ko.
Naku maputik na naman ang kalsada sa village namin.

III.

Dito sa lungsod, tigang na parang  ang aming
Mga mata, utak at paa
Sa paghahanap sa mga ilog, sapa at batis.
Dati umanong makikita ang mga ito
Sa aming Malaking Lungsod.
Hanggang sa tabunan ng mga kalsada, riles, eskinita at bangketa.
At tinubuan pa ng mga gusali’t bahay.
Ngunit muling susupling paminsan minsan
Kapag napalakas ang buhos ng ulan.
Bagama’t naalala pa ng ilan sa amin
Ang paglublob sa sapa o pagligo sa ilog,
Mas madalas hanap-hanapin namin ngayon
balde, batsa, tabo, o kung papalarin, shower,
Alang-alang sa dikta ng aming nagmamadaling mga talampakan
at orasan.
Kaya’t lingid sa aming kaalaman
ang poot ng nagngangalit na tubig.

IV.

At marahil ganoon na lamang
ang aming pagkagulat, pagkasindak, pagkabigla
Nang aming Lungsod ay halos malunod
sa walang humpay na ulan isang araw na balot sa dagim:
Isang buwang pagpapala sana’y
Ngaing anim na oras na ibibuhos na poot at galit. Tila hindi nasagap
Ng aming mga siyentista at pantas na magiging mabagsik ang
kararating lang na unos.
(Bagama’t maaaring napuna na ng ilan
ang muling pagdalas na pagdalaw
ng mga sigwa’t unos, kidlat at kulog.)
Tulad ni Kamatayan, patas ang pagtrato ng baha
sa amin.
Umapaw muli ang aming mga patay na’t libaging sapa at ilog
upang rumagasa sa mga mararangyang tahanan
at lamuning parang kaning-itik ang mga barung-barong.
Tinatangay ang sinumang madatnan
na walang pagtatangi sa bigat ng apelyido at bulsa:
binatang apo ng mambabalot,
kapatid ng isang artista,
estudyante, bata,
Lahat tungo sa malagim, tahimik at maputik na wakas.
Mapalad pa ang ilan sa aming napililitang maitulog muna
sa kani-kanilang mga opisina, bagama’t daan daan din
ang sa bubungan naghintay ng kaligtasan.
Tila naghihintay ng kalapating magpapahiwatig
sa katapusan ng unos.

V.

At nagwakas din ang unos
sa aming Malaking  Lungsod.
Subalit wala kaming napansing kalapating  may kagat na tangkay
o kahit man lang bahaghari sa panganorin.
Sa halip, ulit-ulit umaalingawngaw sa telebisyon, radyo, mga kwentuhan at kamustahan
ang mga panaghoy, paghibik, pananalangin at pagmamakaawa
Ng mga kababayan naming muntik nang tangayin ng baha.
Ulit-ulit din naming naririnig ang pagduduro na ng daliri
ng mga kinauukulan at may alam
kung bakit hindi naiwasan ang pagsapit ng ganitong trahedya.
Hanggang sa kami’y mabingi.
Namimigay na ng mga binalot na karidad ang mga pinagpalang kamay,
Naipalibing na ng mga tumatangis na kamag-anak ang mga dinagit ng baha,
Namumulot na ang ilan sa amin ng mga nabahang gamit
na pwede bang magamit,
upang makapagsimula muli.
Subalit matagal pa bago makatkat nang tuluyan
Ang batik ng putik at kandila sa aming mga sahig at puso.

V.

Ang ulan raw pag pumapatak ay tikatik
Nagpapaputik.
Subalit ngayon, ang ulan na tila sambuwan ang buhos
Putik ay kasama na sa bumabahang agos.

Bagot

•Oktubre 18, 2009 • Mag-iwan ng Puna

Kakaapak muli ng kaniyang mga paa sa sahig ng pasilyo ng opisina sa tila ika-sanlibo’t isang pagkakataon, kaka-time in pa lamang niya sa scanner, at kakasalakpak pa sa kaniyang utak ang mga tatapusing artikulo at pag-aaralang mga dokumento ay hinahatak na siya ng kaniyang guni-guning lumagi na lamang sa kama, na makipaglandian sa bote at babae sa beerhaus na katapat ng opisina, o di kaya’y maglimayon sa iba’t ibang lunan at panahon sa Internet at aklat.

Wikang Filipino at Bahasa Indonesia

•Oktubre 9, 2009 • Mag-iwan ng Puna

Kasalukuyan kong tinatapos basahin sa Googlebooks ang librong The Indonesian Language: Its history and role in modern society (2003). Isinulat ito ng lingguwistang si James Sneddon; tinatalakay at isinalaysay rito ang ebolusyon ng Bahasa Indonesia bilang wikang pambansa . Bagamat sinasabi ng mga eksperto na ito rin ang wikang Malay na siya ring sinasalita sa karatig bansang Malaysia, sumailalim na ang Bahasa Indonesia ng mga pagbabago pagdating sa ortograpiya at mga salita dulot na rin ng paglalahok ng mga salita mula  na ng iba’t ibang wika (Javanese, Sundanese, Acehenese etc.). Pinagkasunduan lamang itong gamitin ng mga intelektwal at manunulat noong dekada 1920 at 1930 sa gitna ng  kilusang makabayan sa Indonesia upang makalaya mula sa pamumuno ng mga Olandes (Dutch).

Kahanga-hanga ang mga detalyeng tinalakay ni Sneddon sa libro. Kabilang dito ang paglahad sa naging pagbabago ng wikang Malay mula sa klasiko nitong anyo  (High Malay)patungong wika na sinasalita ng mga taong-mula sa iba pang pangkat etniko ng Indonesia (Low Malay at Creole Malay). Tampok rin sa librong ito ang baliktaktakang pangwika na naganap sa Indonesia lalo na yaong panahon ng pananakop ng mga Olandes (noong ang bansa ay tinawag pang Netherlands East Indies) hanggang sa makamit nito ang kasarinlan noong 1949.

Mahalagang kapulutan natin ng mga aral ang librong ito lalo na sa kabanatang 6 ,7 at 8. Nakatuon sa mga nasabing yugto ang usapin sa modernisasyon ng wikang Bahasa Indonesia. Kabilang dito ang pagkilala sa naging papel ng mga Indonesian na mula sa sari’t saring pangkat etniko at antas sa lipunan upang mabuo at mapormalisa ang wikang Bahasa Indonesian.-Kung iuugnay natin ito sa sitwasyong kinahaharap ng Filipino, nabanggit na pala ni Virgilio Almario sa isang panayam noong Marso 2009 na malaki rin ang naging papel  ng mga delegadong di Tagalog sa pagpapanukala at pagsasakatuparan ng wikang pambansa.- Bukod pa rito ang usapin sa kung paano tatanggapin ang mga salitang teknikal at Kanluranin habang tinataguyod ang mga katutubong salita. Ganito rin ang naging suliranin ng mga dalubwika (linguists) natin simula nang pormalisahin ang pagbuo ng isang wikang pambansa noong 1930s. Yamang ang kaibhan lamang ay patuloy pa nating pinagdedebatehan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang wika na nakabatay sa Tagalog (o sa anupamang wika ng bansa)  sa kabila ng ilang pagpupunyagi na itaguyod ang wikang pambansa.

May mga puntos na inihain si Snodden kaya madali umanong natanggap at lumaganap ang Bahasa bilang wikang pambansa sa Indonesia. Aniya, matagumpay lamang na maipapalaganap ang isang wikang pambansa kung ito ay tanggap na ng karamihan sa mga mamamayan. Kaugnay rito ang pananaw na hindi papapabor sa isang pangkat etniko ang pagtaguyod sa wikang pambansa habang kinaliligtaan naman ang iba pang mga wika. Matatandaang ganito rin ang naging  opinyon ng iba pang mga manunulat at dalubahasa sa Pilipinas na may pagdududa pagdating sa pagpapalaganap ng Filipino bilang wikang pambansa. Ani Snodden, naging bentahe ng Malay (na pinagbatayan sa Bahasa) dahil hindi ito ang wika ng isang pangunahing pangkat etniko sa Indonesia.

Mahalagang isaalang-alang ang puntong ito lalo na’t karamihan sa mga Filipino ay nagsasalita ng ibang wika na bukod sa Tagalog. Kailangan din isaalang alang ang potensyal ng mga wikang ito na makaaambag sa Filipino. Napatunayan na ng ilang proyekto gaya ng “Ambagan” ng U.P Sentro ng Wikang Filipino na kung saan nagmumungkahi ang mga eksperto ng mga salita mula sa ibang mga wika natin na maaaring isama sa Filipino. Kailangan lamang sigurong gamitin ang mga ito upang mapaunlad pa ang ating wikang pambansa.

Narito ang link ng librong The Indonesian Language: Its history and role in modern society:

http://books.google.com/books?id=A9UjLYD9jVEC&printsec=frontcover&dq=Indonesian+history&lr=#v=onepage&q=&f=false

Pasasalamat at Paalala

•Oktubre 3, 2009 • Mag-iwan ng Puna

Nagpapasalamat po ako sa mga bisitang tumitingin sa aking mga akda, lalo na po iyong mga rebista (book review) ko ng mga akdang pampanitikan. Ikinalulugod kong may mga kapwa tayong blogger or Internet user na interesado ring magbasa ng mga artikulo o post na tungkol sa panitikan o kasaysayan ng Pilipinas. Salamat rin sa mga nagbigay ng kanilang mga puna o komentaryo sa aking mga post, lalo na kay G. Bobby Anonuevo. Dahil sa inyo ay nabigyan ako ng kumpiyansang magblog pa hinggil sa mga akda at usapin sa ating panitikan.

Paalala ko lamang po sa mga kapwa blogger o Internet user na sisipi sa mga post ko. Kung maaari po lamang ay  pakicite din po ang mga awtor at akda na aking nasuri o nabanggit sa aking post. Ito po ay bilang paggalang sa intellectual property rights ng ating mga kapwa manunulat.

Sana po ay hindi kayo magsawang bumista sa aking blog.

Ang Pulubi at si Kristo

•Setyembre 20, 2009 • 1 Puna
matapos ang pintang “Pagkasubsob” ni Joey Velasco

At muli Siyang napatda sa pagpasan
ng kurus sa gitna ng daan. Dumadaloy
na naman sa kanyang likuran ang dugo
habang nakatiim naman
sa kanyang noo ang mahapding pagpapakilala
na Siya umano ang hari ng mga Hudyo.

Sa Kanyang pagkakayuko ay muling
hinanap niya ang mga disipulong
Kaniyang inaasahang sasamahan
Siya sa oras ng matinding
Pangangailangan. Ngunit ni isa’y wala.
Kahit anak ng Ama’y iniiwan rin
ng Kaniyang mga disipulo
kapag oras na ng kagipitan.
Marahil ay naibulong niya sa kanyang sarili.
Pakiwari naman niya ay sumilay sa kanyang malay
Ang hulagway ng muling pagkabuhay,
Nang madama niya ang pagpahid ng isang batang
Pulubi sa kanyang nagdurugong noo.

Marahil muli Niyang naalala ang isang
matagal nang naiturong aral sa madla:
“Tularan niyo ang mga bata
upang kayo’y makapasok sa
Kaharian ng aking Ama.”

Sa rebulto ni Benavides

•Setyembre 20, 2009 • Mag-iwan ng Puna

Nakaduro sa malayo
Ang daliri ng rebulto
Nitong butihing arsobispo.
Waring may gustong
Siyang ipahiwatig,
Sa sinumang nagmamasid
Sa kaniyang inililok na katawan.
Kung estudyante, marahil binabalaan ito
Na baka sa ibang pamantasan
Ang kaniyang kahahantungan,
Kung pag-aaral ay hindi niya aayusin.
Kung guro naman, marahil ay gustong
Sa kaniya’y ipahayag
Na ikalat ang kaniyang mga nalalalaman
Sa mga mag-aaral na kailangang
Mawisikan ng karunungan.
Kung turista naman, siguro’y
Gusto nitong ipagmalaki
Ang halos apat na raang taong kasaysayan
Nitong unibersidad.

Ngunit, tila walang nakatitiyak
Sa hantungan ng itinuturo ng daliri
Nitong rebulto
Ng arsobispo.

Sa halip,
Tayong mga nagmamasid na lamang
Ang lumililok ng kahulugan
Sa ating isipan,
Ng kaniyang pagduro sa malayo.


Malayo na ang ating pagtanaw.

“Mene Mene Tekel Phares”

•Setyembre 20, 2009 • Mag-iwan ng Puna

Itinatanghal sa ilang mga pader tuwing umaga
Sa sinumang nagdaraan ang samu’t saring
Mga guhit, linya, pangalan, símbolo o dibuhong
Waring walang kahulugan.
(O walang kahulugan ayon sa ating mga
Nandarayuhang mata?)
Maaaring ang mga ito ay pangalan ng isang gang,
O hindi kaya’y panambitan ng isang binata
Para sa kanyang nililigawang pansinin naman
Ang kanyang pagsamo sa pag-ibig?
Pupuwede rin na babala ito ng isang grupo
Sa mga “taga-labas,”
Na huwag silang umasta na parang kung sino
Sa kanilang teritoryo at umayos sila ng kinikilos,
At kung anu-ano pang mga hakang pilit gumuguhit
Ng gatla sa ating bagong-sariwang malay.
Pero ano nga ba ang mapapala natin kung ating mawawari
Na ang mga iginuhit na larawan
Ay sa dragon demonyo o hindi kaya ay titik ‘D”
O kung ano pang mga hindi pa mabatid na imahe ng mga obrang
Nagkakaroon lamang ng hugis
Sa sementadong kambas tuwing hatinggabi?
(Gumagana lang ba sa ganitong oras
Ang kanilang malikot na pag-iisip?)
Sa halip, mas tumitiim sa ating haraya
Ang mga hulagway
Ng mukha ng iyong nagngangalit mong boss
Dahil late ka na naman sa pagpasok sa opisina,
O ng girlfriend mong nagsisimangot
Dahil hindi ka lang nakakapagtext sa kanya gabi-gabi
O ang palaisipan kung sino ang mas maganda
kina Angel Locsin o Marian Rivera.
Hanggang sa tuluyan na nating pahiran ang ating malay
Ng maputing pintura ng paglimot
Ang mga larawan ng  samu’t saring mga guhit, linya, símbolo o dibuhong
Tuwing umaga ay itinatanghal sa atin ng ilang mga pader.

Plastic cup

•Setyembre 6, 2009 • Mag-iwan ng Puna

Inmortal ito kung ating ituring.

Sa pagkakaalam natin
hindi ito nalulusaw ng sinag ng araw,
nadudurog ng buhos ng ulan,
o nangangatngat ng mga gutom na uod
kapag naitabon na ito sa ga-bundok na lupa.

(bagama’t maaari namang gupitin at pisain ito).

Ito ay matapos ang sansaglit lang na paglapit
sa kaniyang buhay na tila walang-hanggan
kapag iniinom natin
ang alok nitong tubig, juice  o soft drink.

Hindi na natin nakikita ang kaniyang katawan
Kapag itinapon na natin ito sa basurahan,
o sa kung saan-saan.

Pagkatapos

•Setyembre 6, 2009 • Mag-iwan ng Puna

Mabuti na rin at ibang klaseng trabaho naman ang pinasukan ko ngayon. Para akong nakalanghap ng sariwang hangin. Hindi baleng buong araw akong nagtatype sa aking workstation ng mga artikulong inorder ng kung sinong dayuhan, at least magsesearch na lang ako sa Internet ng mga kinakailangan kong impormasyon. (Bagama’t sasakit nga lang ang aking mga mata sa kasusuyod sa mga websites ng mga datos na hinahanap ko.) Pagod na ang utak ko at napapagal naman ang aking mga paa sa paghabol sa mga balitang kailangang maisulat agad bago matapos ang araw. (At pagkabasa naman ng mga readers bukas ay ano naman ang mangyayari? Marahil ay mababad trip lang sila sa mga ibinalita kong pagpapalaya sa mga may-kayang salarin o hindi kaya’y pagbulsa ng ating mga butihing politiko ng mga pondong laan sana sa pagapapagawa ng isang tulay.)

Mabuti na rin at researcher-writer ang trabaho ko ngayon. Nakaupo lang sa loob ng opisinang may nakainstall na aircon, at kung antukin sa bagal ng orasan ay may coffeemaker akong malalapitan sa pantry. (bukod pa rito ay may Starbucks sa ibaba ng gusaling pinagrerentahan ng aming opisina.) Sa wakas, hindi ko na kailangan pang kumain sa labas ng karinderya pagsapit ng ala-una ng hapon, at habang nginunguya ko pa ang ulam ay tatawagan na ako ng aking editor na puntahan ko kaagad ang isang nagaganap na dispersal sa harap ng U. S. Embassy (for the nth time na ang ganitong mga eksena).

Mabuti na rin at ibang klase na ang aking pinasukang trabaho. Kahit 9-6 ang oras ng aking pasok at uwian pa ako sa Kalookan mula rito sa Ayala Avenue, mabigat pa rin sa bulsa ang paycheck ko. Hindi tulad noon, katatanggap ko pa lang ng aking payslip, gagagaan na ito sa mga utang ko na dapat bayaran: kay Mang Berto na may-ari ng canteen sa aking dating opisina, sa mga kasamahan sa aking beat na pinagkautangan ko sa panahong naghihigpit pa ako ng mahigpit nang sinturon,  at sa finance department para mapunan ang buwanang hulog ko sa isang cash advance ko nang magkasakit ang aking Dad. Rumaraket pa nga ako noon, kahit ibig sabihin noon ay hindi nakapangalan sa akin ang pinapublish na artikulo (dahil nga sa bawal sa aming mag-sideline sa iba pang mga news agency). Ngunit sa huli ay mga ilang daang piso ang nadaragdagan sa aking bulsa, sa panahon ngayon ang isang daang piso ay “barya” na lamang.

Mabuti at iba na ang aking trabaho. Kailangan ko nang idibdib ang pagsasaliksik-pagtatype ng artikulo para makausad na ako mula sa ngayon pa lang na nagwawakas na pagtatapos sa nauna kong trabaho.

Panaginip

•Setyembre 6, 2009 • Mag-iwan ng Puna

Sa kaniyang guniguni: Nagsusulat na siya ng balita sa isang pahayagan. Pumaroo’t pumarito na ang kaniyang mga paa sa mga press conference, dala-dala niya’y notbuk, bolpen, laptop at katanungan.

Sa kaniyang guniguni: Bumabaon sa utak niya ang matatalim na titig ng orasan at ang matalas na batas ng kaniyang bossing: Huwag na huwag kang magpapalate sa pagsubmit ng mga balita mo.

Sa kaniyang guni-guni: gumigising siya matapos ang limang oras na pagtulog makapunta lang sa isang coverage. Hinahabol ng kaniyang mga tainga at daliri ang bawat salitang masasagap. Kasimpagal na ng kaniyang utak ang mga paang buong araw na palakad-lakad sa mga opisina’t bulwagan. Gayunman, ikinalulugod ng puso niya ang trabahong ito kahit manipis pa rin ang kaniyang bulsa. Natupad na ang aking ginugustong trabaho.

Subalit nababasag ang pagmimithing ito ng pag-aalalang mabagal humalik sa tiklada ang kaniyang mga daliri, mapagbulay ang kaniyang isipan at balat-sibuyas na damdamin sa mga taong “may-dating.”

Kaya limang beses sa isang linggo, gumigising siya tuwing hapon, magbibihis at mag-aayos, upang muling harapin ang tinanggap na tungkuling makinig sa mga mainipin at naiinis na tinig mula sa ibayong dagat at oras habang binebenta ang inilalakong produkto ng kaniyang kumpaniya.

Balang araw makakapagsulat din ako….