GUSTONG BUMALIK NG ILOG

(Pasintabi kay Khalil Ghibran)

Sinasabi daw na kinakabahan ang ilog,

sa sandaling sasanib na ito sa dagat.

Bago lumabas sa wawa, kanyang ginugunita ang tinahak na landas.

Ginugunita ang payak na pinagmulang bukal,

sa dibdib ng bundok,

Ang kabataang muslak ng aliw-iw nang ito ay batis

at ang banayad pang paglakbay sa kagubatan, parang, at patag,

Kanyang naalala ang mga natangay na dahon, tangkay, bato, lupa.

At paglaon, pati mga plastik at lata, at kung ano pang latak ng sibilisasyon.

At sa pagkatigulang ng ilog, dala-dala pa ang mga lasong

itinatapon ng lungsod.

Ngayon, kaharap ang malaon na ding nadungisang look,

Tinatanggap ng ilog ang tadhana, sa ngayon:

Ang magsanib sa tubig-alat ng dagat.

At umaasa, na sa katagalan, salamat sa init ng araw

At lambing ng ulap.

Maghuhunos ito bilang ulan.

Na maaaring bumagsak,

Sa dibdib ng bundok,

Sa pinagmulang bukal.

ORIHINAL

The River Cannot Go Back

Khalil Ghibran                                                                                        

It is said that before entering the sea
a river trembles with fear.
She looks back at the path she has traveled,
from the peaks of the mountains,
the long winding road crossing forests and villages.
And in front of her,
she sees an ocean so vast,
that to enter
there seems nothing more than to disappear forever.
But there is no other way.
The river can not go back.
Nobody can go back.
To go back is impossible in existence.
The river needs to take the risk
of entering the ocean
because only then will fear disappear,
because that’s where the river will know
it’s not about disappearing into the ocean,
but of becoming the ocean.

LA FAMILIA ANTIGUA (1)

Sila ay mga anino lamang sa maulap ko nang gunita. Di ko na maalala ang kanilang kabuuan ng hitsura o aura ng mga mukha. Di ko maalala kung lubusan ba akong masaya kasama sila? O ako ay nadala lang ng alon ng pakikisama. Nakasilid sa kaibuturan ng mga selula ng aking utak ang mga hulagway ng minsang masayang mga kasalan, binyag, birthday party, o Christmas party

Ngayon, wala na nga, wala.

Basta ang alam ko, nagmula sa isang angkang malaki sila. Silang minsan naging kamag-anak, kahit sa mga okasyon lamang. Sabi taga-Morong ang isang ninuno. Ang sabi ng iba, taga-Intramuros ang ninunong ito. Basta, lumawak ang sanga ng angkang ito. May umabot sa dulo ng Luzon, lagpas, lagpas pa ng magayong bulkan ng Mayon. At balita ko, umusbong sila sa bayang iyon na di pa nararating ng aking mga talampakang lumaki sa lungsod.

May balita ba ako sa kanila?

Wala. Wala pa nga, wala.

Iba rin ang nagagawa pag mas malawak pa sa kapatagan ng Camarines ang agwat ninyo sa mayayamang kadugo.