ANG MADUGONG TRES DE ABRIL

Isang kasaysayan ng pag-aalsa sa siyudad ng Sugbo, April 3, 1898

(Salin ng Cebuanong orihinal ni Vicente Rama at pinagbatayan din ang saling Ingles ni Rudy Villanueva/Renato Madrid.)

Ang Abril ang isa sa pinakamakasaysayang buwan sa Sugbo. Noong Abril dumating at lumapag dito ang mga Kastila. Sa buwan ding ito naganap ang Pag-aalsang Tres de Abril, na siyang naghudyat sa paghihiwalay ng mga Sugbohanon sa pamahalaang Kastila.

 

Nangyari ang pag-aalsang ito noong Abril 3, 1898. Ayon sa ating pakikipagpanayam sa mga kasapi ng mga “Salin sa Kagubot”-na nabubuhay pa ngayon-balak talagang isagawa ang paghihimagsik sa Biyernes Santo, Abril 8, 1898. Bentahe sa mga maghihimagsik ang kanilang pagkabatid sa plano ng mga Kastila para sa Biyernes Santo. Kanilang nalamang lalahok sa prusisyong Santo Entierro ang Kastilang gobernador na si Adolfo Montero, ang kanyang mga ayudante, ang kasadores, mga guwardiya sibil, mga karabinieros at mga boluntaryong lokal. Habang idinadaos ang prusisyon, sasalakay naman ang mga manghihimagsik. Lulusubin din nila ang mga kuwartel at bahay ng mga sundalo. Ito ang naging plano ng mga manghihimagsik.

 

Bakit Linggo ng Palaspas?

Hindi natupad ang nasabing balak, sapagkat nabisto ito noon pang Abril 3, 1898, Linggo ng Palaspas. Gawa ito ng pagkakadakip noong bisperas ng Domingo de Ramos kina Florencio Gonzales at Teopisto Cavan, dalawa sa pinaniniwalaang manghihimagsik sa Sugbo. Naaalala pa ng nagsusulat na ito, dinala noong Sabado ang dalawa sa Kalye Infanta (Magallanes sa kasalukuyan), mula sa San Nicolas, at ginapos ang kanilang mga braso sa hugis “Numero 8” ng apat na guwardia sibil.

 

Tila bombang sumabog sa paanan ng mga Katipunero sa Sugbo ang balitang pagkakahuli sa dalawa nilang lider. Nagulantang ang buong Sugbo; naipinta ang pangamba sa mukha ng marami. Sa hapon ng Sabadong iyon, ilang oras matapos ang pagkakahuli kina Gonzales at Cavan, nagkaroon ng mga pagpupulong ang mga manghihimagsik sa San Nicolas; umabot hanggang gabi ang mga pagpupulong iyon. Sa mga bahay ni Tan Kandiro (Candido) Padilla, at kay Insik Lucio at Jacinto Pacana, sa Labangon, at sa iba pang mga bahay, doon nagkasundo ang mga manghihimagsik sa mga dapat gagawin.

 

Kasama si Leon Kilat sa mga dumalo sa pagpupulong. Ayon sa isang lider:

“Mga kapatid, hindi na natin maaaring mahintay pa ang Biyernes Santo sa ating pagaalsa laban sa pamahalaan ng Espanya. Kaninang tanghali, hinuli ang dalawa nating kapatid at ginapos sila sa hulmang “numero 8.” Nasa kuwartel ng guwardiya sibil ngayon. Ang Diyos na lang ang nakakaalam kung anong nangyayari sa kanila ngayon. Maaaring binabayoneta na sila ng mga guwardiya sibil habang pilit na pinapasalita kung sino pa ang ating mga kasamang mag-aalsa. Nasa kanilang mga kamay ang talaan ng marami nating mga kapatid, kasama na lahat tayong naririto. Ito ay dahil pinatulong natin silang gumawa ng listahan ng mga sasali sa pag-alsa. Kung makakarating ito sa guwardiya sibil ni General Montero, hindi na natin maabutan pa ang Biyernes Santo dahil pinagdadakip at pinagpapatay na tayo noon.”

 

“Ang mabuti pa, palitan na natin ang planong sa Biyernes Santo tayo mag-aalsa. Bukas na natin gagawin itong paglusob sa mga Kastila at paglaban para sa ating kalayaan, kahit ano na ang mangyari. Hindi na natin maantay pa ang Biyernes Santo. Kung gayon kasi, para tayong mga asong gala na pagbabarilin ng mga sundalo ni General Montero. “

 

Ito ang maalab na talumpati ng isa sa mga pinuno ng Katipunan noon. Hindi na lang natin ipapangalan sapagkat buhay pa siya at atin naman siyang kaibigan. Mula sa pulong na iyon, ang lahat na naroon ay nag-alab at sumang-ayong sa susunod na araw, Linggo ng Palaspas, isasagawa ang pag-aalsa sa halip na sa Biyernes Santo.

 

ARTEMIO ARANAS

(Mula sa orihinal na Cebuano ni Vicente Rama-kuwentista, peryodista, at pulitiko mula Cebu- at pinagbatayan din ang salin sa Ingles ni Renato Madrid/ P. Rodolfo Villanueva. Kontekstong historikal ng kuwento ang cholera epidemic noong 1902, na tumama rin sa Cebu. Mapapansin ang tunggalian ng tradisyonal na paniniwala sa mga “bago” noong konsepto na hatid ng medisinang Kanluranin na dinala ng mga mananakop noong Amerikano. Bukod pa rito ang tunggalian sa nakatatanda at mga kabataan, sa loob ng mga pagbabago sa pulitika, mga wikang opisyal, at kultura sa kapuluan )”Hello boomers, 1900s version!”. At may kritikal na patutsada ang katha sa mga pahayagan sa Cebu noong mga panahon iyon; dapat itong suriin pa sa isang pag-aaral na pangkasaysayan)

1

Tahimik ang bayan, gayon din ang mga nakatira rito. Walang maririnig sa mga bahay; takot ang namamayani sa loob ng mga iyon. Hindi naman maririnig sa mga kalsada ang ingay na dating masusumpungan sa mga araw na nagdaan. Nawalan ng sigla ang mukha ng mga tao at marami sa kanila ay nakasuot ng itim na panluksa.

 

Ano kaya ang nangyari?

 

Isang malaking kalamidad ang dumating; isa itong kaparusahang ipinadala ng Langit sa mga tao. Ngayon ay lumaganap ang kalamidad: ito ang kolera. Nakamamatay ang sakit: bigla’t biglang bumabagsak na lang at di bumabangon ang mga tao, na wala nang panahon upang humingi ng tulong sa Simbahan o sa mga manggagamot ng Sanidad.

 

Isang umaga, sa gitna ng pagsisiyasat ng mga opisyales ng sanidad at ng bayan, nakita nila ang isang kabataang estudyante ng hayskul na nakadungaw sa bintana ng bahay. Mukha siyang napakalungkot. Kabilang sa kanila ang isang manggagamot. Nang mapansin ng manggagamot ang dilaw na banderang nakasabit na pananda ng kwarantina, tumigil siya at nagtanong sa estudyante.

 

“Ilan ang namatay sa bahay na ito?”

 

“Apat. Ang aking ama, ina, at dalawang kapatid na babae.”

 

“Ano ang nangyari?”

 

“Pumunta sina Tatay at Nanay sa tiyangge para bumili ng makakain sa hapunan. Nakauwi silang may dalang tinapa, sunlutan (sea slug) at kinilaw. Tinanong ko sila kung saan nila nabili ang kinilaw, lalo na at ipinagbawal ng Sanidad ang pagbenta nito. Sumagot sila Tatay at Nanay, kanilang nabili ito sa isang kakilalang babae na patagong nagbebenta ng mga pagkaing ipinagbabawal ng Sanidad. Pipigilan ko sana sila sa pagkain, pero sabay na sumagot ang Tatay at Nanay:

 

‘Bakit ka maniniwala sa mga taga-Sanidad?; basahin mo ang mga bagong dating na dyaryo, hindi mo ba masasabing ang kolerang ito ay gawa-gawa lamang ng mga inspektor para mayroon naman silang magawa at hindi mapagalitan o maalis sa tungkulin? Sa tiyangge, ganito ang usap-usapan lalo na ng makita nilang si Kadong, isa sa kanila, na kumain ng sunlutan, tihi-tihi, puso, at iba pang ipinagbabawal na pagkain, at pagkatapos naman ay uminom ng tuba. Bakit, walang nangyaring masama sa kanya? Ang di maganda sa inyong kabataan, porke’t natututo kayo ng kaunting Ingles at nakakasalita ng dis is a bol, sa sarili niyo na lang kayo naniniwala at di sa inyong nakatatanda. Dati, wala namang sanidad, inspektor, nars, doktor, o pinikada (disinfectant), pero dumarating minsan lang sa isandaan na taon ang kolera. Ngayong may tinatawag kayong kaunlaran, nariyan na sa atin ang kolera.’

 

“Ginoo, di na po ako sumagot sa kanila at ako’y kumain na lamang ng hapunan,” tugon ng estudyante. “Napakalungkot ng nangyari kinagabihan. Namatay ang aking ama, ina, at ang aking dalawang kapatid na babae na pinilit nilang kumain.”

 

Nagtanong ang manggagamot:

 

” Ano ba ang akala ng mga tao sa bayan?-na ang mga manggagamot at inspektor ng sanidad ang nagdala ng kolera?”

 

“Maraming tao ang hindi naniniwala sa ganyan. Pero, ang aking ina, naniwala gaya ng iba naming kapitbahay. Nakabasa sya sa isang dyaryo ng isang artikulong nagsabi na ang mga kawani ng Sanidad, para masabing may magawa, ay nagpapakalat ng sakit gaya ng kolera, para magkagulo ang bayan at tumaas ang kanilang sweldo.”

 

Napailing ang duktor at nagsabing: “Ang laki ng kasalanan at pinsang naidulot ng nasabing mga pahayagan!”

 

Tumuloy ang manggagamot sa pagsisiyasat sa ibang mga bahay. Nakita niya sa tatlo pang tahanang napuntahan ang parehas na sitwasyon: may mga namatay sa kolera dahil hindi sumunod sa mga inutos ng sanidad at naniwala sa mga sabi-sabi na hindi naman nakahahawa ang kolera at sa halip ay gawa-gawa lamang ito ng mga duktor para masabing may magawa sila para sa bayan.

 

Anim na raan ang namatay sa bayan gawa ng kolera. Sa loob ng dalawang linggo, maririnig ang malungkot na bagting ng kampana ng agoniyas. Walang tigil naman ang padre kura sa pagbibigay ng ispiritwal na tulong sa mga naapektuhan.

 

Lumipas ang isang buwan nang humupa ang epidemyang labis na nagpatahimik sa bayan. Subalit, nag-iwan ito ng hindi masukat na pighati at pagluluksa sa maraming tahanan.

 

Sa panahong tila kumukulog at kumikidlat na sa kalangitan, doon lamang sila nananalig kay Santa Barbara. Ganoon din ang nangyari sa bayan. Ang mga tao ay napilitang lumayo sa kaligayahan, luho, at pang-aaliw dahil kanilang nabatid ang parusa’t paghuhukom ng Bathalang Makatarungan.

 

Kung gayon, maraming nakatatanda ang sumasali sa prosesyon tuwing gabi. Tinatawag ding mga antipon at aurora ang nasabing mga prosesyon. Ang mga taong pumunta rito ang siyang pumapalit sa kumukunting bilang ng kabataang sumasali, na dati-rati ay mga katuwang ng nakatatanda sa mga prosesyon at ibang gawain sa Simbahang Katoliko.

 

2

Isang araw, nagkagulo ang mga mamamayan sa kabesera ng lalawigan. Ito’y gawa ng sabay-sabay na pagpuna, paghamon, at pagpula ng apat na pahayagan sa Opisina ng Sanidad sa pamamagitan ng araw-araw na pagpapalathala ng mga artikulo. Lumitaw paglaon na naging reaksyon iyon ng mga pahayagan sa isang sinasabing ulat ng duktor ng Sanidad. Ang nasabing ulat ay naipalimbag sa ibang peryodiko at siyang dahilan ng pagkapahiya ng ilang manunulat.Ayon sa ulat:

 

Maaari nang makahinga nang maluwag ang bayan gawa ng aming pagsisikap na masugpo ang kolera. Sasabihin ko na ang dahilan ng maraming kamatayan sa epidemya: hindi kasi naniniwala ang mga tao sa mga rekomendasyon at utos ng mga tauhan ng Sanidad at tumatakas kapag nakakakita ng inspektor. Naniwala rin kasi ang mga tao sa mga walang basehang pahayag sa El Defensor del Pueblo. Ipinagkakalat ng pahayagan na di nakakahawa ang kolera, di dapat ito katakutan, at dinala ito ng mga kawani ng Sanidad. Pinuntahan ko ang lahat ng mga bahay ng mga namatayan. Nabatid kong nagpalala sa pagkalat sa sakit ang pagsuway ng mga tao sa mga utos ng Sanidad, pagsuway na ginatungan ng nasabing pahayagan. Iniiwasan ang mga nars, samantalang ang mga lider sa pamayanan at pulis, di rin sila makatulong sa amin sapagkat ayaw nilang maging kalaban ang mga mamamayan.

 

Sa aking pag-unawa, marapat lamang na idala ang usapin sa hukuman, upang litisin ang mga manunulat na iresponsable at walang nalalaman.

 

Gawa ng ulat na ito, sabay-sabay na pinulaan ng apat na pahayagan ang Sanidad. Sigaw ng ilan:”WALISIN ANG MGA HUWAD SA SANIDAD!” Ang iba naman ay humihinging: “MAGBITIW, MGA EKSPERTONG MAHANGIN!” Karamihan sa mambabasa naman, na nagbabasa lamang para makasagap ng mga balita patungkol sa mga pagdukot at ibang kagila-gilalas na gawain, at ang paglantad sa mga itim na lihim ng ilang personalidad, nagustuhan at pinaniwalaan ang mga pag-atake. Subalit, ni bulong ay magsasambit sila kapag patungkol na sa malalaking usaping patungkol sa ating Lupang Pinagmulan. Paglaon, ang mga opinyon ng nakararami ay nahati sa dalawa: ang isa ay pumanig sa Sanidad, samantalang kakampi naman ng mga pahayagan ang isa pang panig.

 

3

Nagsawalang-bahala ang mga pinuno ng lalawigan sa mga nangyari; sila’y nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan. Ang mga tumakbo noon sa halalan, pinanigan ngayon ang apat na lathalain at nakisali sa pagpula sa Sanidad. Pahayag pa ng ilan:”Posibleng walang kasalanan ang Sanidad, pero ano ang makukuha natin kung kakampi tayo diyan? Wala pang 20 ang mga kawani nito, at ang 3 pa nga ay mga walang-silbi! Kaya, bomba! Bomba! Dahil ang bayan, kahit saang bahagi nito, kaaway ang Sanidad.”

 

Naging mainit ang mga debate, sa mga sinehan man o botika, sa mga nagbebenta ng sorbetes o maski sa mga barberohan. Sa isang barberohan, ang may-aring barbero, sa gitna ng mainit na debate, kinuha ang kanyang gunting at nagbantang sasaksakin ang taong magtatanggol sana sa Sanidad. At nagdagdag sa malakas na boses: “Iyang mga inspektor! Malaking abala ang kanilang binigay sa akin! Labingdalawang taon na akong nanggugupit, at di ako gumamit ni mainit na tubig, palanggana, o stove. Hindi ko rin hinihugahasan ang mga gunting at labaha, at hanggang ngayon, di ko masasabing marumi ako. Pero ngayong may ipinapataw nang buwis, nagpapakita sa akin at nagtatanong…’Nasaan na ang mainit na tubig, disinpektante, malinis na tuwalya at kupo, kasi kailangang maghugas ng kamay, dapat linisin sa mainit na tubig ang labaha, suklay, gunting’ at kung anu-ano pa! Hala, labanan itong sanidad dahil sila naman ang nagdalaw ng mga mikrobyo!”

 

Bukod pa rito, naiulat din sa apat na lathalain ang kinasapitan ng isang inspektor ng sanidad. Nagbigay siya ng tinapay sa isang bata na anak ng pulubi. Tuloy, hinabol siya ng mga tao gamit ang mga kahoy, bahi, korta, mga patalim at iba pang sandata. Sabi pa nila, nanlason ang ispektor at siya pa ang nagpapakalat ng kolera.

 

Paglaon, sa pagpapatuloy ng kampanya ng apat na lathalain, sila ay nagpatawag ng pulong sa bayan. Layunin ng pulong ang paghingi sa pagpapalit sa Pinuno ng Sanidad pati na ang duktor na nagpadala ng ulat dahil sa hindi nila pagsangguni sa saloobin ng bayan at sa pagtuligsa sa isang pahayagang kilala sa pagiging patas, tagapaglaban sa kapakanan ng madla, at sa taglay nitong kaalaman.

 

Habang inihahanda ang pulong, pinapadala na ang mga telegrama ng balita sa Maynila. Sinisisi naman sa Pinuno ng Sanidad ang lahat ng maling maaaring masisi sa opisina.

 

4

At sumapit na ang araw ng pulong. Napupuno ang plaza ng mga taong nais manood. Pinangunahan ang pulong ng patnugot ng apat na dyaryo, kasama na ang kanilang mga tagasunod at mga empleyado.

 

Nagsimula sa maaanghang na pananalita ang lahat ng nagtalumpati. Lahat sila, tinutuligsa ang mga hakbang ng Sanidad, at nagkasundong ibunton ang lahat ng sisi sa opisinang iyon. Mayroon isang konsejal, na kilala sa pagkamaingay at pagkatuso sa usaping pananalapi, ang sumigaw ng “Vox populi, vox Dei!” Ito ay para makilala siya ng mga botante sa darating na halalan. Ngayon, ang “Vox populi, vox Dei” ay mga katagang kanya lamang nabasa sa isang librong ipinamana ng lolo niya. Hindi kinalimutan ng konsehal ang mga katagang iyon, lalo na at dahil sa wikang Latin, kanyang magagamit ito sa mga miting.

 

Natapos na ang lahat ng talumpati, at may binubuo nang resolusyon laban sa Sanidad. Subalit, tumayo ang isang kabataang nakasuot ng Amerikanang itim. Ipagtatanggol niya umano ang mga ginawang pagkilos ng Sanidad. At siya ay nagsalita: aniya, maling sabihing hindi napaglingkuran ng Sanidad ang kapakanan ng bayan. Mali rin umano sabihing na ang tinig ng apat na pahayagan ay tinig na ng bayan sa kabuuan.

 

Subalit, di lahat ng mga nanonood ay nakinig sa kanya. Mayroong mga sumigaw laban sa kabataang iyon. Tumayo naman ang kilalang konsehal at sumigaw muli: “VOX POPULI VOX DEI!” Subalit, di siya marinig gawa ng ingay mula sa mga nanonood. Pinahintay muna ng kabataan na humupa ang unos. Muli siyang tumayo at nagsalita:

 

“Mga Ginoo: kaya niyo ba talagang supilin ang karapatan ng isang tao? Ito ba ang inyong klase ng katarungan na huwag pakinggan at subukang pababain ang isang nagsasalita? Ito ba ang sinasabi ninyong bayang maayos at mabait? Hindi, hindi. Ang bayang naniniwala sa katotohanan ay di nanunupil at nakikinig sa lahat.” Tila tigreng humiyaw ang mga tao. “Kung kayo ay makatwiran, bigyan niyo ako ng pagkakataong magsalita pa kahit sandali.”

 

Nagpatuloy ang kabataan: “Akin namang sasabihin sa inyo na walang kasalanan ang Sanidad sa nangyayari ngayon. Sa halip, ang mga may-sala ay ang dyaryong inyong pinanigan.” Siya namang ipinakita niya ang kopya ng nasabing pahayagan.

 

“Totoo ang ulat ng manggagamot ng ating bayan sa pagsasabing lumaganap ang kolera gawa ng pagpapaniwala ng mga tao sa mga maling detalye at mga haka-haka sa mga pahayagan. Naniwala ang mga tao na hindi makakahawa ang kolera, at ang sakit ay gawa-gawa ng mga inspektor at duktor.”

 

“Hetong suot ko ngayong maitim na damit, galing yan sa mga kalokohan ng mga pahayagan, galing yan sa mga iresponsableng mga manunulat ng mga iyon. Hindi sana namatay ang aking mga magulang at kapatid kung hindi nila nabasa ang maling mga akala sa bahaging Bisaya ng nasabing maruming pahayagan. Kahit anong parusa ang pwedeng ipataw sa mga manunulat na ito, hinding-hindi nila mababayaran ang mga buhay na nawala at ang pinsalang naidulot sa ating bayan. Itong pahayagan, pati na ang mga kapwa dyaryo nito, pinapaniwala ang mga tao na hindi nakakahawa ang kolera at gawa–gawa ito ng mga duktor at inspektor ng Sanidad. Dahil dito, hindi naniwala ang mga tao sa mga utos ng Sanidad kaya sila-pati ang aking pamilya- sinalanta ng kolera at namatay. Ito ang malaking krimen!”

 

“Kung naghahanap kayo ng taong mapaparusahan, kung naghahanap kayo ng mga may kasalanang sa mga kahindik-hindik na pangyayari sa atin, puntahan ninyo ang tanggapan ng pahayagan. Hindi ang Sanidad na siyang nagligtas sa atin, at nagsugpo pa sa kolera.”

 

5

Dahil nakakadala ang talumpati ng kabataan, dahil kampante siya sa kanyang tindig, napahiyaw na lamang ang mga tao ng “Mabuhay ang sanidad!” at “Mamatay na ang mga hangal na manunulat!” Nabihag ang mga tao sa pananalita ng kabataan. Nakaantig din ang kanyang pagsasalaysay sa kamatayan ng kanyang mga magulang, mga kapatid, at iba pang mamamayan.

 

Samantala sa ibaba, ang mga tao ay di mapakali, hinahanap ang mga nag-organisa ng pagpupulong dahil di na sila makita. Ang tanyag na kagawad, muling sumigaw ng “Vox Populi, Vox Dei!” subalit siya ay pinagsisigawan ng mga tao, at tinapunan pa siya ng upos.

 

Lumapit naman sa kagawad ang isang lalaking namatayan ng asawa dahil sa kolera. At nagsalita ang lalaki:”Tinitingala lang namin ang mga manunulat na kagalang-galang at may dangal. Subalit, ang mga manunulat at kaaway ng sanidad, na nagkakalat lamang ng kasinungalingan at naging sanhi ng kamatayan ng maraming tao- nararapat sa kanila ang pagkamuhi ng mga tao sa bayan!.”

 

Nabigo sa kalaunan ang pagpupulong gawa ng pagtakas ng mga nag-organisa nito. Subalit, nahubaran na ng mga tao ang maskara ng kanilang panlilinlang, salamat na rin sa matapang na pagbunyag ng estudyanteng hayskul na iyon na nagngangalang Artemio Aranas. At doon natatapos ang pangyayari.

 

 

 

SALIN-SERYE (2)LOS BANOS

Los Banos (ayon sa pagsasalaysay ng kronika ni Fransiskanong si Felix de Huerta
(Lokasyon, klima, transportasyon at komunikasyon, at topograpiya ng Los Banos)

Esta enclavado 14 (degree) 9 (minutos) 12 (segundos) latitud en un llano entre la falda N(orte). del Monte Maquiling y la costa S. de la gran Laguna de Bay. Confina por norte con dicha laguna por ENE. (Este Norte Este) con el pueblo de Bay , a una y media legua; por S. (Sur) citado con el citado monte Maquiling, que forma la divisoria de esta la provincia con la de Batangas, y por ONO. (Oeste Norte Oeste) con el pueblo de Calamba, distante una legua corta.

El clima es calido y humedo, resguardado de los vientos del S. y combatido por los N. y O. Las enfermedades mas comunes son las tercianas. Se surten de aguas de un rio llamado Dampalic, cuyas aguas son de las mejores que un conocen en Filipinas. Tiene una regular calzada en direccion al pueblo de Bay, con otra para el (pueblo) de Calamba, la cual se debe principalmente a los conocimientos y laboriosidad del R.P. (Reverende Padre) Juan Carillo quien, hallandose de cura en este pueblo por los anos 1849 consiquio, por medio de minas, volar la parte necesaria para dicha calzada en el monte Lalacay, que es todo de roca viva. El correo se recibe los jueves por la manana y lunes por la tarde, saliendo los mismos dias.

SALIN SA TAGALOG/FILIPINO
Saklaw (ang Los Banos) ng lokasyong 14 digri, 9 minutos at 12 segundo latitud. Matatagpuan ito sa isang kapatagan sa may hilagang paanan ng Bundok Makiling at sa timugang dalampasigan ng malawak na Lawa ng Bae. Sa hilaga ng bayan ay ang nasabing lawa samantalang sa silangang-hilaga-silangan ay matagpuan ang bayan ng Bae (at may layong) isa’t kalahating legua. Sa timog ng pueblo ng Los Banos ay ang nabanggit nang Bundok Makiling, na siyang nagsisilbing hangganan sa probinsya ng Batangas. Sa kanluran-hilagang kanluran naman ay ang pueblo ng Calamba, na may layong isang legua.

Mainit at maalinsangan ang klima, gawa ng pagkakaharang ng hangin mula sa timog habang dinadaanan (?) ng hangin mula hilaga at silangan. Madalas ang sakit sa mga tercianas. Ang tubig sa isang ilog na may pangalang Dampalic (Dampalit?), ay kabilang sa mga katubigang kilala sa buong Pilipinas. Mayroon ding maayos na kalsadang patungong bayan ng Bae, at may isa pang papuntang pueblo ng Calamba. Gawa naman ng foresight at pagsisikap ni. Reverende Padre Juan Carillo, na siyang naging kura ng pueblo noong 1849, ginawa ang isang calsada sa may bundok ng Lalacay. Samantala, dumarating naman ang koreyo/liham tuwing umaga ng Huwebes at hapon ng Lunes; ipinapadala naman sa Maynila ang ibang liham sa nasabi ding mga araw,

SALIN SERYE (1) LOS BANOS

 

Sapagkat natetengga, kinailangan maghanap muna ng paraan para di mangalawang ang skills, o maurat.

Isang pagsasanay muna.

Ang lahok tungkol sa Los Banos sa isang kronika ng mga pook na nasasaklaw ng mga Pransiskano noong Spanish period (Felix de Huerta, 1865).

LOS BANOS
(Excerpts)
Este pueblo toma su denominacion de los Banos termales que existen en su termino. Antiguamente era una visita llamada S. Nicolas de Tolentino perteneciente al pueblo del Bay, cuando este se llaba a cargo de los RR. PP. agustinos calzados quienes, por escritura publica, otorgada el escribano D. Luis Vela en 17 de Setiembre de 1613, cedieron la administracion de dicha visita, compuesta entonces de solos cuarenta tributos, a esta apostolica provinicia de San Gregorio, a la cual tenia ya fundano un Hospital en dichos Banos quedando este aquella fecha como sirvientes del referido Hospital, bajo nuestra administracion, y no llegando a formalizarse en pueblo hasta el ano de 1640 en que fue nombrado primer capitan o gobernadorcillo D. Juan Castaneda.”

ISANG SALIN SA TAGALOG/ FILIPINO
“Ang bayang ito ay ipinangalan sa mga mainit na bukal na kilala rin sa ganitong pangalan (Banos). Nauna itong naging visita ng bayan ng Bae, at may pangalang San. Nicolas de Tolentino. Pero inilipat din ng mga RR. PP. Agustinos Calzados-sa bisa ng escritura publica at ipinagtibay ng escribanong si D. Luis Vela noong 17 Setyembre 1613- ang pamamahala sa naturang visita-na binubuo ng 40 tributos- sa kamay ng Apostolica Provincia ng San Gregorio…. Subalit, noon lamang 1640 ginawang pueblo ang Los Banos nang mahirang ang unang capitan o gobernadorcillo na si D. Juan Castaneda. ”

PIPINUHIN PA ITO PARA SA MGA SUSUNOD NA PAGSASANAY