ANG MADUGONG TRES DE ABRIL

Isang kasaysayan ng pag-aalsa sa siyudad ng Sugbo, April 3, 1898

(Salin ng Cebuanong orihinal ni Vicente Rama at pinagbatayan din ang saling Ingles ni Rudy Villanueva/Renato Madrid.)

Ang Abril ang isa sa pinakamakasaysayang buwan sa Sugbo. Noong Abril dumating at lumapag dito ang mga Kastila. Sa buwan ding ito naganap ang Pag-aalsang Tres de Abril, na siyang naghudyat sa paghihiwalay ng mga Sugbohanon sa pamahalaang Kastila.

 

Nangyari ang pag-aalsang ito noong Abril 3, 1898. Ayon sa ating pakikipagpanayam sa mga kasapi ng mga “Salin sa Kagubot”-na nabubuhay pa ngayon-balak talagang isagawa ang paghihimagsik sa Biyernes Santo, Abril 8, 1898. Bentahe sa mga maghihimagsik ang kanilang pagkabatid sa plano ng mga Kastila para sa Biyernes Santo. Kanilang nalamang lalahok sa prusisyong Santo Entierro ang Kastilang gobernador na si Adolfo Montero, ang kanyang mga ayudante, ang kasadores, mga guwardiya sibil, mga karabinieros at mga boluntaryong lokal. Habang idinadaos ang prusisyon, sasalakay naman ang mga manghihimagsik. Lulusubin din nila ang mga kuwartel at bahay ng mga sundalo. Ito ang naging plano ng mga manghihimagsik.

 

Bakit Linggo ng Palaspas?

Hindi natupad ang nasabing balak, sapagkat nabisto ito noon pang Abril 3, 1898, Linggo ng Palaspas. Gawa ito ng pagkakadakip noong bisperas ng Domingo de Ramos kina Florencio Gonzales at Teopisto Cavan, dalawa sa pinaniniwalaang manghihimagsik sa Sugbo. Naaalala pa ng nagsusulat na ito, dinala noong Sabado ang dalawa sa Kalye Infanta (Magallanes sa kasalukuyan), mula sa San Nicolas, at ginapos ang kanilang mga braso sa hugis “Numero 8” ng apat na guwardia sibil.

 

Tila bombang sumabog sa paanan ng mga Katipunero sa Sugbo ang balitang pagkakahuli sa dalawa nilang lider. Nagulantang ang buong Sugbo; naipinta ang pangamba sa mukha ng marami. Sa hapon ng Sabadong iyon, ilang oras matapos ang pagkakahuli kina Gonzales at Cavan, nagkaroon ng mga pagpupulong ang mga manghihimagsik sa San Nicolas; umabot hanggang gabi ang mga pagpupulong iyon. Sa mga bahay ni Tan Kandiro (Candido) Padilla, at kay Insik Lucio at Jacinto Pacana, sa Labangon, at sa iba pang mga bahay, doon nagkasundo ang mga manghihimagsik sa mga dapat gagawin.

 

Kasama si Leon Kilat sa mga dumalo sa pagpupulong. Ayon sa isang lider:

“Mga kapatid, hindi na natin maaaring mahintay pa ang Biyernes Santo sa ating pagaalsa laban sa pamahalaan ng Espanya. Kaninang tanghali, hinuli ang dalawa nating kapatid at ginapos sila sa hulmang “numero 8.” Nasa kuwartel ng guwardiya sibil ngayon. Ang Diyos na lang ang nakakaalam kung anong nangyayari sa kanila ngayon. Maaaring binabayoneta na sila ng mga guwardiya sibil habang pilit na pinapasalita kung sino pa ang ating mga kasamang mag-aalsa. Nasa kanilang mga kamay ang talaan ng marami nating mga kapatid, kasama na lahat tayong naririto. Ito ay dahil pinatulong natin silang gumawa ng listahan ng mga sasali sa pag-alsa. Kung makakarating ito sa guwardiya sibil ni General Montero, hindi na natin maabutan pa ang Biyernes Santo dahil pinagdadakip at pinagpapatay na tayo noon.”

 

“Ang mabuti pa, palitan na natin ang planong sa Biyernes Santo tayo mag-aalsa. Bukas na natin gagawin itong paglusob sa mga Kastila at paglaban para sa ating kalayaan, kahit ano na ang mangyari. Hindi na natin maantay pa ang Biyernes Santo. Kung gayon kasi, para tayong mga asong gala na pagbabarilin ng mga sundalo ni General Montero. “

 

Ito ang maalab na talumpati ng isa sa mga pinuno ng Katipunan noon. Hindi na lang natin ipapangalan sapagkat buhay pa siya at atin naman siyang kaibigan. Mula sa pulong na iyon, ang lahat na naroon ay nag-alab at sumang-ayong sa susunod na araw, Linggo ng Palaspas, isasagawa ang pag-aalsa sa halip na sa Biyernes Santo.