HOMETOWN TALKS: Sampaloc, Manila

“Wala ka nang mapuntahan
Hindi malaman kung saan
‘Di ko malaman kung saan”- Eraserheads, 68 Sixto Antonio Avenue.

Manilenyong napadpad siya sa iba’t ibang dako ng bansang minumutya (pero pinuputa ng iba): minsan sa Cebu, minsan sa Kyusi, minsan sa timog Luzon Subalit, kurot sa puso at gunita ang alaala ng kamusmusan, kabataan sa lugar na ito ng Maynila.

Kataksilan pala ang paglayo sa kinagisgnang lugar, kahit dahil sa ilang mga pangyayaring wala na siyang kontrol.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya mabura sa isipan ang mga imahen ng mga naglaho, lumisan, o yumaong tao. O nawalang mga tindahan at pananda ng lugar:

Pagpunta sa Misa sa UST Chapel.

Pagdaan sa A.H. Lacson / “Porbes” sa tapat ng UST bago dumalo sa Misa sa UST Chapel

Pagkakita sa pagupitan ni Madam Auring (sikat na manghuhula noong 90s) sa A.H. Lacson

Pagbili ng tinapay sa Panaligan’s Bakery (sa may P. Florentino)

Pagbili ng mga pang-snacks sa tindahan ni Aling Patreng

Si “Clinton” na taga-Iligan pero laging Sampaloc

Pagpunta sa bahay nila lolo at lola sa kalye ng Ma. Cristina.

Pagpapagupit sa barberya sa may kanto ng Ma. Cristina at Espnaya (na naging Esperanza Place)

Pagbili ng inumin at iba pa sa nawala nang 711 sa may kanto ng Espanya / M.Dela Fuente (Trabajo).

Pagtunghay sa nawala na ring sinehan ng Baron na naging Savemore.

Pagpunta sa pamilihan ng Trabajo kasama ang yumao nang lola sa ama.

Siya ay muling bumalik, tila sa huling pagkakataon, nang mag-aral sa kolehiyo:

Pagtambay sa Burger King sa Dapitan (na naging bookstore at naging ibang establisyemento paglaon).

Pagkain sa “Hapag” na lutong-bahay na kainan sa may V-Concepcion (O Asturias)

Pagprint sa nawala na ring Netopia na computer shop (bandang V-Con-Dapitan).

Pagbili at pagkain ng hot peanuts sa Dapitan pag walang klase

Pagtambay sa SM San Lazaro o Robinsons’ Ermita (!) pag walang klase.

Pagpunta sa Wendy’s o KFC sa Dapitan kung may natirang ipon o may natira sa honorarium sa pagiging campus journalist sa USTe.

Pagtunghay sa mga bus na pa-Ilocos sa terminal ng Maria de Leon (sa kanto ng Dapitan at Gelinos yata).

Pagbili sa Tinapayan sa may Dapitan din,

Isang libo’t isang piraso ng gunita ang naglalaro sa gunita hanggang ngayon sa kanyang tila. Para siyang batang pilik ibalik sa buo ang mga pirasong ito.

Pag-usapan natin, Mindanao.

Sa totoo lang, marami pang pag-usapan tungkol sa ating nakaraan.

May mga detalyeng pwedeng iclarify o dagdagan ng detalye.

Pananglitan mga higala, Mindanao. Halimbawa mga kaibigan, Mindanao. Tinuod man na daghan pang pwede idiskurso sa karaan sa Mindanao. Totoo, marami pang pwedeng pag-usapan sa kasaysayan ng Mindanao.

Una, mangangailangan dito ng maraming primary o secondary sources. Mga official documents mula panahon ng Kastila hanggang sa kasalukuyan hinggil sa mga usaping administratibo.

Dahil sa malakas na bisa ng mga kulturang Moro at Lumad, mas may advantage kung may kaalaman ka sa kanilang paraan ng paggunita ng nakaraan: mga tarsila, mga pasalitang tradisyon.

Ikalawa, interesanteng tingnan paano napapanatili ng mga Moro at Lumad ang kanilang mga konsepto ng “pamayanan” sa gitna ng mga pagpataw ng mga political boundaries simula ng panahon sa Katsila (Kastila). Interesanteng alamin paano nahati sa mga kasalukuyang lalawigan ang mga dating malalaking probinsiya ng Zamboanga, Misamis, Agusan, Surigao, Davao, at Lanao.

Yung Misamis pa nga noong Spanish period dati sakop ang mga lugar bandang Dapitan-Dipolog-Lubungan hanggang sa silangang bahagi ngayon ng Misamis Oriental. Kasama pa dati rito ang Iligan at karatig na mga lugar hanggang ihiwalay ang mga ito noong panahon ng mga Amerikano.

Panghuli. May historical bases ang pagkakabuo ng BARMM. Naniniwala ako na kinilala bilang batayang heograpikal at pulitikal ang ilang mga teritoryo ng mga sultanato ng Sulu, Maguindanao, Buayan at ang mga sultanato sa may Lanao Lake. Subalit kinilala rin ang mga political borders na nabuo simula panahon ng Amerikano hanggang panahon ng Third Republic (simula ng paghahati sa mga lalawigan sa Mindanao), Martial Law (pagbubuo ng mga regional governments sa Western at Central Mindanao, na iba sa original na nakasaad sa Tripoli Agreement) at ang ARMM na pormal na nabuo noong 1989.

*Maraming guro at historyador ang pinag-aralan/pinag-aaralan na ito. Suliranin na lang ang paghahanap sa ilang mga naunang akda, at sana ay mas maging accessible sila ngayong social media age.

Mga epidemya, pandemya, at kasaysayan

Noong kalagitnaan ng 2020, matapos ang mga unang ECQs at ang mga paghihigpit sa paggalaw, nagkaroon kami ng pagkakataon upang hanapan ng katumbas sa kasaysayan ng pandemyang nagsimula sa taong iyon. Maaaring balikan ang serye ng mga epidemya na tumama sa Cebu noong 1900s (sa pagdating ng mga Amerikano, pagkalupig ng Unang Republika, at ang pagtatag ng bagong kaayusan). Natalakay ko ang ilang tala sa pananaliksik hinggil sa kolera sa Cebu noong 1900s at pati ang pagdating doon ng 1918 Spanish flu pandemic, sa time stamp na 00:46:30-01:16:15. Link: https://www.facebook.com/CebuCityCHAOffice/videos/238617167417174.

Nasa panitikan na rin ang gunita ng epidemya. May isang katha sa wikang Sugbuanon si Vicente Rama, ang Artemio Aranas, na naglalarawan sa naging kalagayan ng Cebu, Cebu noong mga epidemya ng cholera ng 1900s. Isinalin ito sa Ingles ni Renato Madrid at may pagtatangkang salin ng mga tekstong ito sa wikang Filipino.

Samantala, noong 2009 pa, si Dr. Francis Gealogo naman ay gumawa rin ng pag-aaral sa naging karanasan ng Pilipinas sa paglaganap noong 1918 ng Spanish flu. May isang link (pero di accessible pag wala kang account) tungkol dito: https://www.jstor.org/stable/4263401. Maghahanap ako ng kopya o detalye mula rito.

ANG MADUGONG TRES DE ABRIL

Isang kasaysayan ng pag-aalsa sa siyudad ng Sugbo, April 3, 1898

(Salin ng Cebuanong orihinal ni Vicente Rama at pinagbatayan din ang saling Ingles ni Rudy Villanueva/Renato Madrid.)

Ang Abril ang isa sa pinakamakasaysayang buwan sa Sugbo. Noong Abril dumating at lumapag dito ang mga Kastila. Sa buwan ding ito naganap ang Pag-aalsang Tres de Abril, na siyang naghudyat sa paghihiwalay ng mga Sugbohanon sa pamahalaang Kastila.

 

Nangyari ang pag-aalsang ito noong Abril 3, 1898. Ayon sa ating pakikipagpanayam sa mga kasapi ng mga “Salin sa Kagubot”-na nabubuhay pa ngayon-balak talagang isagawa ang paghihimagsik sa Biyernes Santo, Abril 8, 1898. Bentahe sa mga maghihimagsik ang kanilang pagkabatid sa plano ng mga Kastila para sa Biyernes Santo. Kanilang nalamang lalahok sa prusisyong Santo Entierro ang Kastilang gobernador na si Adolfo Montero, ang kanyang mga ayudante, ang kasadores, mga guwardiya sibil, mga karabinieros at mga boluntaryong lokal. Habang idinadaos ang prusisyon, sasalakay naman ang mga manghihimagsik. Lulusubin din nila ang mga kuwartel at bahay ng mga sundalo. Ito ang naging plano ng mga manghihimagsik.

 

Bakit Linggo ng Palaspas?

Hindi natupad ang nasabing balak, sapagkat nabisto ito noon pang Abril 3, 1898, Linggo ng Palaspas. Gawa ito ng pagkakadakip noong bisperas ng Domingo de Ramos kina Florencio Gonzales at Teopisto Cavan, dalawa sa pinaniniwalaang manghihimagsik sa Sugbo. Naaalala pa ng nagsusulat na ito, dinala noong Sabado ang dalawa sa Kalye Infanta (Magallanes sa kasalukuyan), mula sa San Nicolas, at ginapos ang kanilang mga braso sa hugis “Numero 8” ng apat na guwardia sibil.

 

Tila bombang sumabog sa paanan ng mga Katipunero sa Sugbo ang balitang pagkakahuli sa dalawa nilang lider. Nagulantang ang buong Sugbo; naipinta ang pangamba sa mukha ng marami. Sa hapon ng Sabadong iyon, ilang oras matapos ang pagkakahuli kina Gonzales at Cavan, nagkaroon ng mga pagpupulong ang mga manghihimagsik sa San Nicolas; umabot hanggang gabi ang mga pagpupulong iyon. Sa mga bahay ni Tan Kandiro (Candido) Padilla, at kay Insik Lucio at Jacinto Pacana, sa Labangon, at sa iba pang mga bahay, doon nagkasundo ang mga manghihimagsik sa mga dapat gagawin.

 

Kasama si Leon Kilat sa mga dumalo sa pagpupulong. Ayon sa isang lider:

“Mga kapatid, hindi na natin maaaring mahintay pa ang Biyernes Santo sa ating pagaalsa laban sa pamahalaan ng Espanya. Kaninang tanghali, hinuli ang dalawa nating kapatid at ginapos sila sa hulmang “numero 8.” Nasa kuwartel ng guwardiya sibil ngayon. Ang Diyos na lang ang nakakaalam kung anong nangyayari sa kanila ngayon. Maaaring binabayoneta na sila ng mga guwardiya sibil habang pilit na pinapasalita kung sino pa ang ating mga kasamang mag-aalsa. Nasa kanilang mga kamay ang talaan ng marami nating mga kapatid, kasama na lahat tayong naririto. Ito ay dahil pinatulong natin silang gumawa ng listahan ng mga sasali sa pag-alsa. Kung makakarating ito sa guwardiya sibil ni General Montero, hindi na natin maabutan pa ang Biyernes Santo dahil pinagdadakip at pinagpapatay na tayo noon.”

 

“Ang mabuti pa, palitan na natin ang planong sa Biyernes Santo tayo mag-aalsa. Bukas na natin gagawin itong paglusob sa mga Kastila at paglaban para sa ating kalayaan, kahit ano na ang mangyari. Hindi na natin maantay pa ang Biyernes Santo. Kung gayon kasi, para tayong mga asong gala na pagbabarilin ng mga sundalo ni General Montero. “

 

Ito ang maalab na talumpati ng isa sa mga pinuno ng Katipunan noon. Hindi na lang natin ipapangalan sapagkat buhay pa siya at atin naman siyang kaibigan. Mula sa pulong na iyon, ang lahat na naroon ay nag-alab at sumang-ayong sa susunod na araw, Linggo ng Palaspas, isasagawa ang pag-aalsa sa halip na sa Biyernes Santo.

 

SALIN-SERYE (2)LOS BANOS

Los Banos (ayon sa pagsasalaysay ng kronika ni Fransiskanong si Felix de Huerta
(Lokasyon, klima, transportasyon at komunikasyon, at topograpiya ng Los Banos)

Esta enclavado 14 (degree) 9 (minutos) 12 (segundos) latitud en un llano entre la falda N(orte). del Monte Maquiling y la costa S. de la gran Laguna de Bay. Confina por norte con dicha laguna por ENE. (Este Norte Este) con el pueblo de Bay , a una y media legua; por S. (Sur) citado con el citado monte Maquiling, que forma la divisoria de esta la provincia con la de Batangas, y por ONO. (Oeste Norte Oeste) con el pueblo de Calamba, distante una legua corta.

El clima es calido y humedo, resguardado de los vientos del S. y combatido por los N. y O. Las enfermedades mas comunes son las tercianas. Se surten de aguas de un rio llamado Dampalic, cuyas aguas son de las mejores que un conocen en Filipinas. Tiene una regular calzada en direccion al pueblo de Bay, con otra para el (pueblo) de Calamba, la cual se debe principalmente a los conocimientos y laboriosidad del R.P. (Reverende Padre) Juan Carillo quien, hallandose de cura en este pueblo por los anos 1849 consiquio, por medio de minas, volar la parte necesaria para dicha calzada en el monte Lalacay, que es todo de roca viva. El correo se recibe los jueves por la manana y lunes por la tarde, saliendo los mismos dias.

SALIN SA TAGALOG/FILIPINO
Saklaw (ang Los Banos) ng lokasyong 14 digri, 9 minutos at 12 segundo latitud. Matatagpuan ito sa isang kapatagan sa may hilagang paanan ng Bundok Makiling at sa timugang dalampasigan ng malawak na Lawa ng Bae. Sa hilaga ng bayan ay ang nasabing lawa samantalang sa silangang-hilaga-silangan ay matagpuan ang bayan ng Bae (at may layong) isa’t kalahating legua. Sa timog ng pueblo ng Los Banos ay ang nabanggit nang Bundok Makiling, na siyang nagsisilbing hangganan sa probinsya ng Batangas. Sa kanluran-hilagang kanluran naman ay ang pueblo ng Calamba, na may layong isang legua.

Mainit at maalinsangan ang klima, gawa ng pagkakaharang ng hangin mula sa timog habang dinadaanan (?) ng hangin mula hilaga at silangan. Madalas ang sakit sa mga tercianas. Ang tubig sa isang ilog na may pangalang Dampalic (Dampalit?), ay kabilang sa mga katubigang kilala sa buong Pilipinas. Mayroon ding maayos na kalsadang patungong bayan ng Bae, at may isa pang papuntang pueblo ng Calamba. Gawa naman ng foresight at pagsisikap ni. Reverende Padre Juan Carillo, na siyang naging kura ng pueblo noong 1849, ginawa ang isang calsada sa may bundok ng Lalacay. Samantala, dumarating naman ang koreyo/liham tuwing umaga ng Huwebes at hapon ng Lunes; ipinapadala naman sa Maynila ang ibang liham sa nasabi ding mga araw,

SALIN SERYE (1) LOS BANOS

 

Sapagkat natetengga, kinailangan maghanap muna ng paraan para di mangalawang ang skills, o maurat.

Isang pagsasanay muna.

Ang lahok tungkol sa Los Banos sa isang kronika ng mga pook na nasasaklaw ng mga Pransiskano noong Spanish period (Felix de Huerta, 1865).

LOS BANOS
(Excerpts)
Este pueblo toma su denominacion de los Banos termales que existen en su termino. Antiguamente era una visita llamada S. Nicolas de Tolentino perteneciente al pueblo del Bay, cuando este se llaba a cargo de los RR. PP. agustinos calzados quienes, por escritura publica, otorgada el escribano D. Luis Vela en 17 de Setiembre de 1613, cedieron la administracion de dicha visita, compuesta entonces de solos cuarenta tributos, a esta apostolica provinicia de San Gregorio, a la cual tenia ya fundano un Hospital en dichos Banos quedando este aquella fecha como sirvientes del referido Hospital, bajo nuestra administracion, y no llegando a formalizarse en pueblo hasta el ano de 1640 en que fue nombrado primer capitan o gobernadorcillo D. Juan Castaneda.”

ISANG SALIN SA TAGALOG/ FILIPINO
“Ang bayang ito ay ipinangalan sa mga mainit na bukal na kilala rin sa ganitong pangalan (Banos). Nauna itong naging visita ng bayan ng Bae, at may pangalang San. Nicolas de Tolentino. Pero inilipat din ng mga RR. PP. Agustinos Calzados-sa bisa ng escritura publica at ipinagtibay ng escribanong si D. Luis Vela noong 17 Setyembre 1613- ang pamamahala sa naturang visita-na binubuo ng 40 tributos- sa kamay ng Apostolica Provincia ng San Gregorio…. Subalit, noon lamang 1640 ginawang pueblo ang Los Banos nang mahirang ang unang capitan o gobernadorcillo na si D. Juan Castaneda. ”

PIPINUHIN PA ITO PARA SA MGA SUSUNOD NA PAGSASANAY

ABALA  

Lagi’t lagi tayong humahabol sa mga petsa. Lagi’t lagi tayong hinahabol ng mga alalahani’t pangamba.

Nasanay na ang ating mga utak, daliri, sikmura, at paa
sa paulit-ulit,    tila naka-script
nang mga pagkilos, sapagkat

Lagi’t lagi tayong humahabol sa mga petsa,
Lagi’t lagi tayong hinahabol ng mga alalahani’t pangamba.

Inakala nating gulong na patuloy ang pag-ikot
ang buhay-trabaho,
Habang sinisipag tayo sa pagkamit ng maski

kakarampot mang ginhawa.

Hanggang sa kumakalat na ang nakahahawang sakit, na may di pangkaraniwang epekto.
Relos na nawalan ng baterya ang ating buhay. Kotseng naubusan ng gasolina ang ating mga plano. Ibinaba na rin ang mga utos, upang di pa lumaganap ang virus. Subalit, sumusulpot ang mga pangamba’t walang katiyakan.

Kaya ngayon,

Lagi’t lagi pa rin tayong humahabol sa mga petsa,
Lagi’t lagi pa rin tayong hinahabol ng mga alalahani’t pangamba.

Dandaniw (mga salin ng tulang Iloko ni Junley Lazaga)

Magandang basahin ang salin sa Filipino ni Junley Lazaga ng mga tulang Iloko sa akdang Dandaniw. (Ibang usapin yun sa ortograpiya at di ako ang tamang taong tatalakay sa naging-nagiging emosyonal na isyu na ito). Naitatampok dito ang ebolusyon ng mga pasulat na tula sa Iloko (“daniw”), mula noong panahon ng Kastila hanggang kontemporanyong mga taon .Actually, isa lamang ang “daniw” sa iba pang mga uri ng taal na panitikan ng mga Ilokano; bukod dito nariyan pa ang “badidit,” “dinaoay,” at “suayan.” Tinampok sa kalipunan ang mga akda ng mga Ilokano gaya nina Leona Florentino, ang anak niyang si Isabelo delos Reyes, si Marcelino Crisologo Pena at ang mga mas kontemporanyong manunulat gaya nina Reynaldo Duque (SLN), awtor ng literary epic tungkol sa pag-aalsa sa Candon noong Marso 1898, at Linda Lingbaoan-Bulong. Interesante ang kalipunan dahil sa mga tula na patungkol sa mga emosyon, mga usaping pulitikal at pati ang pandarayo sa Hawaii at North America. Sana ay mas accessible ito ng mga interested na mambabasa.

MARIANO PERFECTO

Tubong Ligao, Albay at nag-aral sa seminaryo sa Nueva Caceres, kilala si Perfecto bilang manlilimbag sa Bikol at Hiligaynon noong huling mga dekada ng dantaon 19. Nagsulat siya ng mga almanac (mga librong mala-sinaunang “Google” na gabay sa tamang panahon ng pagsasaka, paggawa ng bahay etc) sa naturang mga wika. Naglabas din siya ng mga akdang relihiyoso sa Hiligaynon, lalo na ang mga gabay sa tamang asal sa batan-on ( kabataan) na Ilonggo. Magiging gobernador siya ng Ambos Camarines ( noong pinaghugpong muli ang Camarines Norte at Sur). Nabuhay siya sa panahong mas madali nang makalipat-lipat ng pook, gawa ng pagka-uso ng mga steamship. Timing din na humigput ang ugnayan ng Iloilo at Bikol dahil sa abaca trade. Isa rin siya sa mga manunulat at ibang intelektwal ( in the broadest sense) noong early 20th century na lumahok sa pulitika; kauri niya sila Vicente at Filemon Sotto at Sergio Osmena ng Cebu, Lope K. Santos ( taga-Pasig pero nahirang na gobernador ) Epifanio “EDSA” Delos Santos ( tubong Malabon pero nahalal ding gubernador ng Nueva Ecija) at siyempre, Isabelo delos Reyes ( taga-Vigan na later on magiging folklirist at konsehal ng Maynila at senador pa ng bansa!)

Paggunita sa mga Luna at ilang suliranin

*kuha ng may-akda ang dalawang litrato sa post

Matatagpuan sa bayan ng Badoc, Ilocos Norte ang shrine para sa magkapatid na Luna: Antonio at Juan. Kapwa makulay at kontrobersyal ang kanilang mga naging papel sa kasaysayan ng Pilipinas. Sinasabing mahusay-husay na heneral noong Digmaang Pilipino-Amerikano si Antonio, pero siya ay may mga nakaaway dahil sa kanyang init ng ulo at walang kompromisong tindig para sa kasarinlan ng Pilipinas. Pero noong 1896, sa kasagsagan ng paghuli ng mga awtoridad sa mga pinaghihinalaang Katipunero, nahuli si Antonio Luna at nagbanggit sa mga Kastila ng ilang detalye na siyang nagdiin kay Jose Rizal sa mga kasong subersyon.

Samantala, larawan ng late 19th century “Pinoy Pride” si Juan Luna. Kasama ni Felix Resurreccion Hidalgo, nanalo sila ng mga medalya sa Exposicion Bellas Artes sa Espanya. Ang kanilang pagwawagi ay nagbunsod kay Rizal upang bigkasin ang talumpating Brindis. Subalit, may madilim ding aspeto sa buhay ni Juan. Mainitin din ang ulo at may negatibong pagtingin sa buhay, at sinalamin ang mga ito sa ilan sa mga sumunod niyang pinta. Malalagay sa malaking gulo si Juan Luna noong 1892, nang patayin/mapatay niya ang asawang si Paz at ang kanyang mother-in-law. Sinasabing sukdulan na ito ng naipon ding insecurities at pagseselos ni Juan sa mas mayamang asawa, sa gitna din ng inaakala ni Juan na di matapat sa kanya ang esposa.

Di lamang sa mga bayani, heto ang suliranin sa paggunita. Alin ba ang mas pipiliin natin: ang iilang positibong pangyayari o ang mas marami, at mas bumabalik-sa-gunita na mga di kanais-nais na events?