Baha

(Sa alaala ng mga nasawi at napinsala noong unos ng Setyembre 26, 2009)

I.
Noong unang panahon,
ayon sa aming pinananiwalang
salaysay ng Pinagmulan,
ang mundo’y  muntikang magunaw.
Nang sa takda ng nagngangalit na si Yahweh,
Ito ay kumutan ng tubig.
Aniya, “Lahat ng bagay sa Daigdig ay nabahiran na ng Putik.
Tanging  delubyo lang ang makakalinis sa aking Nilikhang Planeta.”
Sinakop ang lahat na pook, bagay o nilalang: tuktok ng bundok,
dalisdis ng libis, pisngi ng talampas, lawas ng kapatagan;
Damulag man o kulisap, puno man o palumpong ay natangay, naanod sa agos.
Nagsanib pa itong agos sa iba pang daluyong, uli-uli at daloy
hanggang sa ang buong mundo’y  karagatan.
Walang natira,
Maliban lamang sa ilang pinili na lulan sa higanteng arko.
Silang wari’y hindi nabahiran ng putik kaya pinili Niyang iligtas.
Matapos ang 40 araw-gabi na unos, marahil Siya ay nahabag o natuwa’t
Nalinis ang daigdig.

Kaya’t ipinangako sa mga iniligtas na Hindi na niya
Lilipulin pa ang mundo sa pamamagitan ng tubig
Upang ito ay mahugasan ng putik.
At sa hudyat na iyon ay unang nakita umano
Ang bahaghari. Sarikulay na Tanda ng Banal na Pangako.

II.

Madalas  nang mawaglit
Sa aming mga libro, dyaryo,  kalendaryo at utak
Ang alaala nitong Delubyo,
At kahit na ang gunita ng mga manaka-nakang
Pagbaha.
Lumipas ang mga taong dumalang ang pagdalaw
Ng mga unos.
At sa halip inaanod lang kami ng mga balita’t problema
hinggil sa pagtatastas ng bulsa,pagpapataasan ng ihi ng aming mga lider,
pagbubuklod
o pagbubukod sa pamilya’t
kapisanan at iba pa.
Hanggang sa gugulantangin  kami ng mga ulat na
May gumuhong bundok sa isang malayong lalawigan.
At minsan-minsan pa ay mahahabag pa kami sa balitang
Naghalo ang gubat, lupa, at ilog  habang nilamon
ang ilang nayon sa isang kalapit na lalawigan.
Subalit, kinayayamutan lamang namin ang
mga panahong nagiging sapa ang aming mga
kalye at eskinita:
“Naku mahuhuli ako sa pasok.
Peste talagang bahang ito, basang-basa na sapatos ko.
Oh my god, maputik na naman ang kalsada sa village namin.”

III.

Dito sa lungsod, destiyero sa disyerto  ang aming
Mga mata, utak at paa
Sa paghahanap mga mga ilog, sapa at batis.
Dati umanong makikita ang mga ito
Sa aming Malaking Lungsod.
Hanggang sa tabunan ng mga kalsada, riles, eskinita at bangketa,
At tinubuan pa ng mga gusali’t bahay.
Ngunit muling babangon paminsan-minsan,
Kapag napalakas ang buhos ng ulan.
Bagama’t naalala pa ng ilan sa amin
Ang paglublob sa sapa o pagligo sa ilog,
Mas madalas hanap-hanapin namin ngayon
Ang balde, batsa, tabo, o kung papalarin, shower,
Alang-alang sa dikta ng aming nagmamadaling mga talampakan
at orasan.
Kaya’t lingid sa aming kaalaman
ang poot ng nagngangalit na tubig.

IV.

At marahil ganoon na lamang
ang aming pagkagulat, pagkasindak, pagkabigla
Nang aming Lungsod ay halos malunod
sa walang humpay na ulan isang araw na balot sa dagim:
Isang buwang pagpapala sana’y
Naging anim na oras na ibinuhos na poot at galit. Tila hindi nasagap
Ng aming mga siyentista at pantas na magiging mabagsik ang
kararating lang na sigwa.
(Bagama’t maaaring napuna na ng ilan
ang muling pagdalas na pagdalaw
ng dagim, hangin, kidlat at kulog.)
Tulad ni Kamatayan, patas ang pagtrato ng baha
sa amin.
Umapaw muli ang aming mga patay na’t libaging sapa at ilog
upang rumagasa sa mga mararangyang tahanan
at lamuning parang kaning-itik ang mga barong-barong.
Tinatangay ang sinumang madatnan
na walang pagtatangi sa bigat ng apelyido at bulsa:
binatang apo ng mambabalot,
kapatid ng isang artista,
estudyante, bata,
Lahat tungo sa malagim, tahimik at maputik na wakas.
Mapalad pa ang ilan sa aming napililitang maitulog muna
sa kani-kanilang mga opisina, bagama’t daan-daan din
ang sa bubungan naghintay ng kaligtasan.
Tila nag-aapuhap ng kalapating magpapahiwatig
sa katapusan ng unos.

V.

Tumigil din ang pag-ulan, humawi rin ang ulap,
Subalit wala kaming napansing kalapating  may kagat na tangkay
o kahit man lang bahaghari sa panganorin.
Sa halip, ulit-ulit umaalingawngaw sa telebisyon, radyo, mga kwentuhan at kamustahan
ang mga panaghoy, paghibik, pananalangin at pagmamakaawa
Ng mga kababayan naming muntik nang tangayin ng baha.
Ulit-ulit din naming naririnig ang pagduduro na ng daliri
ng mga kinauukulan at may alam
kung bakit hindi naiwasan ang pagsapit ng ganitong trahedya.
Hanggang sa kami’y mabingi.
Namimigay na ang mga pinagpalang kamay ng mga binalot na karidad ,
Naipalibing na ng mga tumatangis na kamag-anak ang mga dinagit ng baha,
Namumulot na ang ilan sa amin ng mga nabahang gamit
na pwede bang mapapakinabangan,
upang makapagsimula muli.
Subalit matagal pa bago makatkat nang tuluyan
Ang batik ng putik at kandila sa aming mga sahig at puso.

VI.

Ang ulan raw pag pumapatak ay tikatik
Nagpapaputik.
Subalit ngayon, ang ulan na tila sambuwan ang buhos
Putik ay kasama na sa bumabahang agos.

Bagot

Kakaapak muli ng kaniyang mga paa sa pasilyo ng opisina sa tila ika-sanlibo’t isang pagkakataon, kaka-time in pa lamang niya sa logbook, at kakasalakpak pa sa kaniyang utak ang mga tatapusing artikulo at pag-aaralang mga dokumento ay hinahatak na siya ng kaniyang guni-guning lumagi na lamang sa kama, hindi kaya ay makipaglandian sa bote at babae sa beerhaus, o di kaya’y maglimayon sa iba’t ibang lunan at panahon sa kompyuter at aklat.

Wikang Filipino at Bahasa Indonesia

Kasalukuyan kong tinatapos basahin sa Googlebooks ang librong The Indonesian Language: Its history and role in modern society (2003). Isinulat ito ng lingguwistang si James Sneddon; tinatalakay at isinalaysay rito ang ebolusyon ng Bahasa Indonesia bilang wikang pambansa . Bagamat sinasabi ng mga eksperto na ito rin ang wikang Malay na siya ring sinasalita sa karatig bansang Malaysia, sumailalim na ang Bahasa Indonesia ng mga pagbabago pagdating sa ortograpiya at mga salita dulot na rin ng paglalahok ng mga salita mula  na ng iba’t ibang wika (Javanese, Sundanese, Acehenese etc.). Pinagkasunduan lamang itong gamitin ng mga intelektwal at manunulat noong dekada 1920 at 1930 sa gitna ng  kilusang makabayan sa Indonesia upang makalaya mula sa pamumuno ng mga Olandes (Dutch).

Kahanga-hanga ang mga detalyeng tinalakay ni Sneddon sa libro. Kabilang dito ang paglahad sa naging pagbabago ng wikang Malay mula sa klasiko nitong anyo  (High Malay)patungong wika na sinasalita ng mga taong-mula sa iba pang pangkat etniko ng Indonesia (Low Malay at Creole Malay). Tampok rin sa librong ito ang baliktaktakang pangwika na naganap sa Indonesia lalo na yaong panahon ng pananakop ng mga Olandes (noong ang bansa ay tinawag pang Netherlands East Indies) hanggang sa makamit nito ang kasarinlan noong 1949.

Mahalagang kapulutan natin ng mga aral ang librong ito lalo na sa kabanatang 6 ,7 at 8. Nakatuon sa mga nasabing yugto ang usapin sa modernisasyon ng wikang Bahasa Indonesia. Kabilang dito ang pagkilala sa naging papel ng mga Indonesian na mula sa sari’t saring pangkat etniko at antas sa lipunan upang mabuo at mapormalisa ang wikang Bahasa Indonesian.-Kung iuugnay natin ito sa sitwasyong kinahaharap ng Filipino, nabanggit na pala ni Virgilio Almario sa isang panayam noong Marso 2009 na malaki rin ang naging papel  ng mga delegadong di Tagalog sa pagpapanukala at pagsasakatuparan ng wikang pambansa.- Bukod pa rito ang usapin sa kung paano tatanggapin ang mga salitang teknikal at Kanluranin habang tinataguyod ang mga katutubong salita. Ganito rin ang naging suliranin ng mga dalubwika (linguists) natin simula nang pormalisahin ang pagbuo ng isang wikang pambansa noong 1930s. Yamang ang kaibhan lamang ay patuloy pa nating pinagdedebatehan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang wika na nakabatay sa Tagalog (o sa anupamang wika ng bansa)  sa kabila ng ilang pagpupunyagi na itaguyod ang wikang pambansa.

May mga puntos na inihain si Snodden kaya madali umanong natanggap at lumaganap ang Bahasa bilang wikang pambansa sa Indonesia. Aniya, matagumpay lamang na maipapalaganap ang isang wikang pambansa kung ito ay tanggap na ng karamihan sa mga mamamayan. Kaugnay rito ang pananaw na hindi papapabor sa isang pangkat etniko ang pagtaguyod sa wikang pambansa habang kinaliligtaan naman ang iba pang mga wika. Matatandaang ganito rin ang naging  opinyon ng iba pang mga manunulat at dalubahasa sa Pilipinas na may pagdududa pagdating sa pagpapalaganap ng Filipino bilang wikang pambansa. Ani Snodden, naging bentahe ng Malay (na pinagbatayan sa Bahasa) dahil hindi ito ang wika ng isang pangunahing pangkat etniko sa Indonesia.

Mahalagang isaalang-alang ang puntong ito lalo na’t karamihan sa mga Filipino ay nagsasalita ng ibang wika na bukod sa Tagalog. Kailangan din isaalang alang ang potensyal ng mga wikang ito na makaaambag sa Filipino. Napatunayan na ng ilang proyekto gaya ng “Ambagan” ng U.P Sentro ng Wikang Filipino na kung saan nagmumungkahi ang mga eksperto ng mga salita mula sa ibang mga wika natin na maaaring isama sa Filipino. Kailangan lamang sigurong gamitin ang mga ito upang mapaunlad pa ang ating wikang pambansa.

Sanggunian:

The Indonesian Language: Its history and role in modern society: 2003

Pasasalamat at Paalala

Nagpapasalamat po ako sa mga bisitang tumitingin sa aking mga akda, lalo na po iyong mga rebista (book review) ko ng mga akdang pampanitikan. Ikinalulugod kong may mga kapwa tayong blogger or Internet user na interesado ring magbasa ng mga artikulo o post na tungkol sa panitikan o kasaysayan ng Pilipinas. Salamat rin sa mga nagbigay ng kanilang mga puna o komentaryo sa aking mga post, lalo na kay G. Bobby Anonuevo. Dahil sa inyo ay nabigyan ako ng kumpiyansang magblog pa hinggil sa mga akda at usapin sa ating panitikan.

Paalala ko lamang po sa mga kapwa blogger o Internet user na sisipi sa mga post ko. Kung maaari po lamang ay  pakicite din po ang mga awtor at akda na aking nasuri o nabanggit sa aking post. Ito po ay bilang paggalang sa intellectual property rights ng ating mga kapwa manunulat.

Sana po ay hindi kayo magsawang bumista sa aking blog.