“INA”

Malaki ang papel ng ina sa kasaysayan at kulturang Pilipino. Mula sa mga epiko hanggang sa mga teleserye, mula sa mga dasal para sa Birheng Marya hanggang sa mga karaniwang kataga, mababakas kung gaano kalalim ang pinag-ugatan ng mga nanay sa atin. Kung si HesuKristo ay may Mariang nagtataghoy noong siya ay nagpaalam para tupdin ang Kanyang bokasyon, at iniluha ang pagkapako sa Krus, makikita rin na mga nanay ang nag-alaga sa mga bayani ng mga epiko natin (Sandayo, Lam-ang, mga anak ni Labaw Donggon, atbp). Kaya, kahit ang katagang “mama’s boy,” na madalas pantuya sa mga lalaking tila nalalabis ang pagsandig sa kanilang mga nanay, ay pagkilala (sa sukdulang paraan) ng papel ng ating mga nanay. Kaya rin siguro, pag dinadamay ang nanay sa pagmumura (na nagmamaliit, di iyong pabigla at patawa), dinadamdam natin ito na daig pa sa pagyurak sa sariling pagkatao. Kaya, kapag ang mga anak ay napapahamak (dahil sa sariling mga kilos o dahil sa mga hakbang o pagpapasya ng iba), kadalasan ang ina ang pinakatatamaan ng pait, ng sakit, ng hinagpis. Tignan ang mga nanay ng mga pinaslang na kriminal o napagkakamalaan/pinaghihinalaang kriminal. Tandaan din ang dinanas ni Teodora Alonzo dahil sa mga nangyari sa anak na si Jose Rizal. Etc. Ad infinitum.

Di masasapat ang mga post na tulad nito upang kilalanin, pasalamatan ang mga ambag ng mga nanay sa paghubog sa atin. Bilang mga tao at Pilpino.

Mag-iwan ng puna