CAVITE AT ANG “V:” ILANG MGA PAGLALAKBAY

TILA pinagtiyap ng pagkakataon, madalas akong magawi sa Cavite. Mula kolehiyo hanggang ngayon, mayroon din akong mga kaibigan, dating ka-opisina, at dating kaklaseng nakatira o taga-roon. Bukod pa sa manaka-nakang pagtungo ko sa Tagaytay kasama ang pamilya at ilang kakilala. At oo, noong nasa The Varsitarian pa ako, madalas akong mapadayo sa nasabing lalawigan.

(Kumbaga, may “x degrees of separation from Cavite.”)

Sa Ternate, Cavite kami pumupunta para sa taunan naming summer teambuilding activity. Partikular na tinutungo namin sa Ternate ang Caylabne Beach Resort. Binabagtas ng aming bus ang ruta pa-Ternate, kadalasan, lumalagos ito mula Coastal at Aguinaldo Highway.Interesante ang biyaheng ito sapagkat dinaanan namin ang mga luma (at makasaysayang) bayan ng probinsiya: Bacoor, Kawit, Noveleta, Tanza, Naic.

Minsan naman ay doon yata kami dumaan mula Silang, dadaan ng bahagi ng Trece Martires bago makararating sa Ternate. (O doon na kami dumaan mula Ternate, hindi ko na matiyak. Basta, napadaan din ang aming bus sa Dasmariñas may inihatid lang na kasamahan. Sa ibang pagkakataon ay napagawi rin ako sa nasabing lungsod.). Makasaysayan din ang bayang ito sapagkat dito dumayo ang isang pangkat mula Ternate, Moluccas upang magsimula ng bagong buhay bilang mga taga-sunod ng Simbahang Katoliko Romano.

Ang sigurado, mababatid na nasa Ternate na ang bus kapag nadadaanan na ang matarik at mapunong libis (“mountain / hill slope”) ng Bundok Palay-Palay. (Salamat sa Google Map at nakuha ko na rin ang pangalan ng bundok!) Tag-init noon, kaya may mga puno o palumpong na nalanta ang mga dahon. At malalamang malapit na ang resort kapag natanaw na ang Look ng Maynila; asul na asul ang kulay nito mula sa tuktok ng bahagi ng bundok.

Tumungo rin ako sa lalawigan, noon ako’y bagong-tanggap (subalit naka-probationary) na staff member at nagcover sa isang exhibit sa museo ng pamantasang De La Salle sa Dasmariñas. (Sa pagkakaalala ko, may kasama ako noon na potograpo, kasamahan din sa V). Kayraming biyahe pala ang kailangan makaabot doon: sasakay ng bus sa Lawton (Park N’Ride) o Taft. Bababa sa bayan mismo ng Dasmariñas. Mula sa bayan, sasakay ng jeep sa kung anong bahagi ng lungsod na sasadyain (hal. BB o Bagong Bayan). Maganda ang kampus ng De La Salle, sinunod ang disensyo mula sa isang lumang “fuerza” o fort ng mga Espanyol. Mga moog ang nagsisilbing pader ng kampus, bukod sa malawak din ang loob nito. (At oo, alma mater rin nito ng isang tanyag na tanyag, at kinasal nang “Kapuso” star.) Interesante rin ang pangalan ng dalawang lugar sa Dasmariñas: Salitran, Paliparan. Tila may pagawaan o pinagkukuhanan ng salitre (“nitrate”) ang una. Samantala, inakala ko namang may “airstrip” na minsang nakatayo sa Paliparan kaya doon hinango ang pangalan nito. Hanggang ngayon nagtataka ako: kung hindi mga eroplano ang inilulunsad sa Paliparan, ano kaya ang mga “pinalilipad” doon?

Makabalik nga ako sa lalawigang ito, tulad ng paghahangad na makadalaw ulit sa pahayagang aking pinagsimulan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s