MAHAHALAGANG ARAW SA KASAYSAYAN (MAYO 1-14)

MAHAHALAGANG ARAW SA KASAYSAYAN (MAYO 1-14)

Mayo 14, 2013 Namatay si Daisy Hontiveros-Avellana, ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro.

Mayo 12, 1962 Sa bisa ng isang proklamasyon, inilipat ni Pang. Diosdado Macapagal ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12 mulang Hulyo 4.

Mayo 11, 1818 Isinilang sa Biñan, Laguna si Francisco Mercado, ang ama ni Jose Rizal.

Mayo 10, 1897 Pinatay sa kabundukan ng Maragondon (Cavite) ang magkapatid na Andres at Procopio Bonifacio. Ito ay matapos ang “paglilitis” sa kanila dahil sa salang sedisyon. Ilang pelikula na ang nagsadula sa naturang trahikong pangyayari.

Mayo 9, 1875 Ipinanganak sa Kalookan si Gregoria de Jesus, asawa ni Andres Bonifacio. Bilang “Lakambini” ng Katipunan, nakatulong nang malaki si “Oryang” sa mga gawain ng samahan.

Mayo 8, 1878 Isinilang ang Cebuanong politiko na si Dionisio Jakosalem. Naging gubernador siya ng Cebu at nahirang na kalihim para sa komersyo at komunikasyon sa ilalim ng termino ni Gob.Gen F.B.Harrison noong 1917. Sa taong iyon nahirang ang unang Gabinete ng mga Amerikanong gobernador general na puro Filipino ang mga kalihim.

Mayo 7, 1892 Isinilang sa Morong, Rizal si Tomas Claudio. Kabilang siya sa ekspedisyong Amerikano na pinadala sa Europa noong World War 1. Doon siya napatay matapos ang isang labanan.

Mayo 6, 1942 Pormal na isinuko sa mga Hapon ni Heneral Jonathan Wrainwright ang Corregidor at mga sundalong Amerikano.

Mayo 5, 1897
Sinimulan sa Maragondon ang paglilitis sa magkapatid na Bonifacio (Andres at Procopio) sa salang sedisyon.

Mayo 5, 1860 Isinilang sa Batac, Ilocos Norte si Gregorio Aglipay, ang unang Obispo Maximo ng Iglesia F ilipina Independiente. Kanya ring ipinaglaban ang kapakanan ng mga paring Filipino noong panahon ng Himagsikan. Tumakbo rin si Aglipay sa pagkapangulo noong halalan ng 1935, ang taon kung kailan din nagsimula ang pamahalaang Commonwealth.

MAYO 4
1917 Isinilang sa Paco (Maynila) si Nicomedes (Nick) Joaquin, na kilala sa kaniyang mga “reportage,” panayam sa mga personalidad, mga dula at katha. Nakapag-aral sa isang paaralang Dominikano sa Hong Kong, mababakas sa kaniyang mga akda ang pagdidiin sa pananampalatayang Katoliko at impluwensyang Hispaniko. Sa kabilang banda, natuligsa ni Nick sa ilang akda ang ilang hindi magandang aspeto ng “sajonismo” o (impluwensang Anglo-Amerikano) na dala ng pananakop ng Estados Unidos sa atin.

1900- Labanan sa Agusan Hill sa pagitan ng hukbo ni Kapt.Vicente Roa at mga Amerikano. Nagsagupa ang dalawang pwersa sa naturang pook sa kanluran ng Cagayan de Misamis (Cagayan de Oro ).

1899 Nagsumite ng liham ng pagbibitiw sa Gabinete ni Pang. Emilio Aguinaldo sina Apolinario Mabini (Presidente del Consejo de Gobierno / punong ministro), Teodoro Sandiko (Kalihim ng Interyor) at Gracio Gonzaga (“Minister of Welfare”), Ito ang wakas ng umiigting na tensyon sa loob ng Gabinete sanhi ng usapin kung tatanggapin ba ang alok na awtonomiya mula sa Estados Unidos. Nanaig ang mga miyembrong pabor na kunin ang naturang alok.

MAYO 3
1935 Nagwakas ang pag-aaklas-Sakdal. Sinasabing nakuha ang pangalan ng grupo mula sa isang sipi sa Bibliya o sa pamagat ng isang liham (J’accuse) na ipinadala ni Emile Zola sa pamahalaang Pranses ukol sa Alfred Dreyfus case sa Pransya.

1942 Pansamantalang nakubkob ng mga gerilya sa ilalim ni Wenceslao Vinzons ang bayan ng Daet sa Camarines Norte. Si Vinzons ang pinakabatang miyembro ng Kumbensiyong Konstitutional, isa sa mga tagapagtatag ng partido ng mga kabataan na Young Philippines, at naging gobernador ng Camarines Norte. Pinangalanan sa kaniya ang isang bayan sa kaniyang lalawigan at ang isang bulwagan sa UP Diliman,

MAYO 2
(1942) Pinatay ng mga Hapones si Jose Abad Santos sa Malabang, Lanao (ngayon ay sa Lanao Del Sur). Siya ay naging Kalihim ng Hustisya at Punong Mahistrado bukod sa naging pinuno ng mga Mason. Ang kapatid niyang si Pedro ay tagapagtatag ng Partido Sosyalista at tinulungan ang mga magsasaka sa Gitnang Luzon upang labanan ang pang-aapi at panunupil ng mga landlord noong huling bahagi ng 1930s.

1935 Nagsimula ang dalawang-araw na pag-aaklas ng Kilusang Sakdal sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna at Bulacan. Nilusob ng higit-kumulang 60,000 paisano (peasants) ang ilang bayan sa naturang mga lalawigan at nakipagsagupaan sa mga elemento ng Philippine Constabulary sa ibang pagkakataon. Pinamunuan ng samahan ni Benigno Ramos, isang makatang Tagalog at dating clerk sa ilalim ni Sen. Pres. Manuel Quezon.

MAYO 1
Tunay na mahalaga at makabuluhan sa kasaysayan ng Filipinas ang mga labanan at demonstrasyong nangyari sa araw na ito sa magkakaibang mga lunan at taon.
(1898) Matapos ang buong umagang sagupaan sa Look ng Maynila , na nagwakas sa pagwasak ng plotang (fleet) Espanyol malapit sa mga baybayin ng Canacao, Tangway (Cavite City ngayon), Las Pinas, Paranaque, at Maynila, nanaig ang puwersang Amerikano sa pamumuno ni Almirante (Admiral) George Dewey. Mismatch ang labanan kung pagbabatayan ang laki at ang tibay ng mga bapor pandigma ng Asiatic Fleet kumpara sa mga de-kahoy pang mga bapor-de-guerra ng plota ni Almirante Patricio Montojo.
Sa unang mga dekada ng nagdaang siglo, simboliko ang araw na ito bilang petsa ng pag-oorganisa ng mga manggagawa upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. (1903) Nagdaos ng rally ang Union Obrera Democratico de Filipinas upang itaguyod ang walong-oras-kada-araw na paggawa (eight-hour-working-day). ang pagkilala sa araw bilang pista opisyal o public holiday. Sampung taon ang lilipas (1913) bago maitatag sa araw ding ito Congreso Obrero de Filipinas, na isang “alyansa” ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang mga sektor noon ng paggawa (hal. litograpiya, tabakero (gumagawa ng tabako), marino atbp). 1913 din ng unang ipagdiwang sa pagkakataong opisyal ang Araw ng Paggawa.
Sa mas malapit na panahon, maalala ang masalimuot na “EDSA Tres” (2001) na ang kinahantungan ay ang buong-araw na sagupaan sa Mendiola at harapan ng mga gate sa Malacanang. Umulan ng bato at ilang pang mga bagay mula sa hanay ng mga ralyista habang pinagtatabuyan sila ng mga pulis at sundalo sa pamamagitan ng pagputok ng mga baril na may rubber bullets at paghampas ng batuta kapag malapitan ang sagupaan. Ayon sa mga ulat, daan-daang libong demonstrador ang umalis sa malaking rally na ilang araw nang idinaraos sa EDSA Shrine upang lumusob sa Palasyo. Ilang tao ang napatay, marami ang nasaktan, may isang pulis ang binugbog ng mob, at nagwasak ng ilang sasakyan ng media ang mga demonstrador na taga-suporta ng kapapaalis pa lamang na pangulo.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s