Ilang Talâ Ukol sa mga Talà

(Unang pinost Disyembre 13, 2013, edited at muling pinost Disyembre 21, 2014; pagkatapos nina W. H. Scott at Dante Ambrosio)

“Stars are falling down from heaven/ But it’s nowhere near our town. / Miracles are falling down from heaven / But it’s nowhere near our Town- Eraserheads, Fruitcake
“Twinkle twinkle little star, how I wonder what you are”

Dati-rati, noong hindi pa itinatarak ang kurus sa ilan sa ating mga pulo, tinitingala natin ang mga bituin sa langit, tila mga alahas itong nakakalat sa madilim na mapanglaw ng gabi. Hindi upang titigan sa magdamag kung hindi upang ibilang sa mga sandali ng pagkabagot o pagkayamot, at upang magsilbing mga gabay sa pagtatanim o pag-aani, paglalakbay, o pagbabantay sa mga signos ng panahon. Nakakakita ang mga ninuno natin ng mga hulagway o hugis sa mga tumpok ng mga bituin, hindi ayon sa banyagang mga imahe, subalit ayon sa katutubo nating mga poon at bayani sa alamat. Kay ningning siguro ng mga gabing iyong wagas sa dilim!

***
Idinagdag sa ating pagdalumat sa mga bituin at konstellasyon o talampad ang pagharaya ng mga Espanyol sa ilang pangunahing tauhan sa Bibliya. Kaya’t mayroon tayong Tatlong Maria (Orion), Supot ni Hudas (Pleiades), Dinaanan ng Daong ni Noe (Milky Way). Oo nga pala, hindi ba’t parol ang nagsisilbing simbolo ng Pasko sa maraming Pilipino! At kasama sa ating bandila ang tatlong bituin.

***
Ayon sa isang artikulo sa encyclopedia, isang impluwensang Persyano ang paniniwala ng mga Kristiyano na hudyat ng magdating ni Kristo ang paglitaw ng isang tala sa gabing madilim. Para sa mga sinaunang Persyano, signos ito na may isisilang na isang hari. Maituturing siyang Tagapagligtas na ang pamumuno ay magbibigay-daan sa isang “bagong era, ang pagbabalik ng isang ginintuang panahon.” Kaya’t hindi nakakapagtaka na, ayon sa tradisyong Katoliko, may tatlong Mago ang tumungo sa Bethlehem upang bigyang buhay ang bagong-panganak na si Hesus. Ang mga Mago ay ang mga pari ng Media (isa sa mga “kaharian” sa bansa ngayon ng Iran.)
***
Sa panahon ngayon ng instant na kislap ng mga bumbilya at sinag ng mga billboard, hindi na dapat tayo pa tumingala sa kalangitan upang hanapin ang mga bituin. Nariyan lang sila sa mga studio ng mga malaking studio, o tuwing may mall / provincial show, o kapag itinatampok sa mga palabas sa TV o sinehan. Sila’y nalalapitan natin, napagkukunan ng retrato o pirma, o minsan ay nakakasama sa mga espesyal na okasyon. Maaaring sambitin: “Nandito na sa lupa ang nananalagi sa langit.”

Hindi ako magtataka kung paglaon ay may konstellasyong ipapangalan nating mga Pinoy sa mga artista.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s