“WALKING” (Nobyembre 8, 2014)

Tulad ng dati, may lakad ako. Hindi sa mababango’t mararangyang mga mall restaurant grill music bar sa Technohub, Eastwood, Tomas Morato, BGC, Makati CBD, Pasong Tamo. Ayokong dalasin tumungo sa mga lugar na iyon para hindi mabutas pa ang bulsa at sumikip ang sinturon sa sikip ng tiyan.

Diyan lamang sa amin sa isang hindi (pa) masyadong kilala bagamat lumalago sumisikip na subdibisyon sa Fairview. Sa tabi-tabi lang.

(Imbes magpalaki ng tiyan sa kabusugan o magpalango sa alak, ako’y magbabawas ng timbang.)

Wala akong balak makipag-usap nang matagalan sa mga makakasalubong, kung ako’y papansinin. Taas-kilay o tango na lang ang aking isasagot sa madaratnan sa daan. Kinakapos ako ng oras (o para mas eksakto, mga minuto) upang pahabain pa ang mga pormulado nang batian ng mga nagmamadali at hindi masyadong magkakakilala.

Kaya, arya, hakbang kanan, hakbang kaliwa. Ingat lamang sa mga nangagkalat na taeng-hayop, napisat na pusa o mga nagdaraang mga sasakyan at asong gala. Magbigay-galang din sa mga nagmamadaling naka-motorsiklo at mga nagbabasketbol sa tatahaking kalsada.

Paulit-ulit, maisasaulo ang mga pangalan ng mga kalsadang nagpapaaalala sa mga pista-sagrado ng umiiral na Simbahan, at pati ang ibang mga laro, salaysay, poon, o pagdiriwang sa ating kapuluan. Domingo de Ramos. Sabado de Gloria. Juego de Prenda. Ibalon. Tungkong Langit. Hari Raya Puasa.

Paulit-ulit, maabutan ang mga tricycle driver na pumapasada para sa tig-otso (o sampung) piso na kikitain sa isang biyahe. Iyan ang isa sa kanilang inaasam habang tinitiyaga ang tila trenta minutos-lagpas-bawat-oras na pag-aantay ng pasahero sa terminal.

Paulit-ulit makikita ang mga batang naghaharutan naghahabulan sa ilang mga kalye tuwing hapon, hinahabol ng mga yaya o mga magulang. Himalang hindi kumpletong nahirati sa pakikipagniig sa iPad o TV.

Paulit- ulit, masisipat ang mga lumalagong mga bahay na isinaayos ayon sa kinayanang nang luho o asam ng may-ari: may isang tila chalet ang harapan na higit na angkop sa Switzerland. Mayroon namang isang tila opisina ang pagka-parisukat ng korte at nagtataglay ng mga sliding door at window. OFW kaya ang may-ari? Baka naman, sinuwerte siyang hindi lamang nilaga ang napala ng ilang dekadang pagtitiyaga o pagbabanat ng buto. Mayroong ibang bahay ang unti-unti nang pinapatay ng kalawang, anay, at paglimot.

Etsetera etsetera. At iba pa.

Dito sa amin, kayrami ko nang nakikita, nakakasalubong, napapansin, naririnig. Hindi ko na kailangan pang lumayo upang makasagap ng mga kuwento o bakas ng lumilipas na kasalukuyan.

Nababawasan ako nang timbang, at maraming nadagdagan. Sa haraya at gunita.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s