UKOL SA HB 4832

(UNANG PINOST SA FACEBOOK, NOBYEMBRE 5, 2014)

Magandang balita talaga ang iniulat kahapon (Nobyembre 4, 2014) na pagpasa ng House of Representatives sa panukalang gawing mandatory subject sa kolehiyo ang pagtuturo ng kasaysayan at kultura ng mga Moro. Kung tuluyan na nga itong maging batas ang HB 4832, at sana nga, mainam na simula ito sa pagpupuno ng maraming puwang sa pag-unawa ng ating kasaysayan bilang mga Pilipino at bilang isang bansa. Kung maayos din ang pagpapatupad nito, higit na magiging bukas ang isipan ng mga Pilipino sa malalim na impluwensa ng Islam sa marami nating kababayan. Batay sa aking karanasan bilang estudyante mula elementarya hanggang kolehiyo, hindi masyadong natatalakay sa mga klase o may maayos na pagbanggit sa mga textbook ang kasaysayan at kultura ng mga Moro, tulad din ng hindi masyadong pagbanggit o pagtalakay sa kasaysayan at kultura ng iba pang mga Pilipino, gaya ng mga lumad sa Mindanao at ang mga IP sa Cordillera. Nitong mga nakaraang dalawa o tatlong taon ko nang naunawaan ang papel sa kasaysayan nina Sultan Kudarat ng Maguindanao, Sultan Azim-ud-Din ng Sulu at anak nitong si Fatima, Datu Utto ng Buayan (bahagi ng Maguindanao province ngayon) at Sultan Jamalul Kiram II ng Sulu. Higit ko rin naunawaan ang pag-abot ng Islam, bagama’t pahapyaw lamang, sa Maynilad at ilang bahagi sa Luzon ilang taon bago dumating ang mga Espanyol. Ngayon ko lang ulit napapahalaga nang lubos ang kuwento nina Mamalu at Tabunaway bilang simbolo ng pagkakaisa ng mga Moro at lumad bago ang Islamisasyon.

Salamat na lang sa mga tulad nina Dekano Cesar Majul at mga mas kontemporanyong historyador. Subalit, sa parte ko, marami pang dapat pag-aralan at unawain. Bukod pa rito, kailangan ang maingat na pagtalakay sa ilang paksa gaya ng mga digmaan ng mga Espanyol laban sa mga Moro na kinasangkutan ng ibang mga Pilipino mula ika-16 na siglo hanggang ika-19 siglo Mahirap italakay ito na hindi nailalagay sa konteksto noon ng pag-iral ng mga kapangyarihang Europeo at pagpasok ng mga sistemang merkantilismo at kolonyalismo sa rehiyong tinatawag ngayong Timog-Silangang Asya.

Dahil sa kasalimuotan ng ilang paksang ito, magandang hakbang ang probisyon sa panukala na kailangang magkaroon ng mga konsultasyon sa mga eksperto sa kasaysayan, kultura at identidad ng mga Moro, pati na sa peace process. Mainam ding probisyon sa panukala ang tungkol sa pagdiin ng planong elective subject sa Mindanao bilang isang islang pinaninirahan ng mga Moro, Lumad at mga Kristiyano.

Sa ngayon, habang inaantay ang pagtapos ng buong proseso para sa naturang panukala, patuloy pa tayong magbasa ukol sa kasaysayan nating lahat, Moro man, Lumad, IP, o Kristiyano,. (Nobyembre 5, 2014)

 

 

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s