ILANG PAGNINILAY-NILAY

ILANG PAGNINILAY-NILAY

***
(Visita Iglesia)
Hindi siya peregrinong dumadayo pa-Roma upang dalawin ang pitong basilikang kinasasadlakan ng mga sagradong reliko. Lalong hindi rin siya naman apostol o disipulo na humayo at huminto sa pitong simbahan ng sinaunang Kristiyanismo upang (muling) ipahayag ang Banal na Salita sa mga taga-roon: Epheso, Esmirna, Laodicea, Sardis, Filadelfia, Tiatia, Pergamo. Itong naglalakad ay isa lamang karaniwang mananampalatayang nakatira sa Kamaynilaan, dala-dala ang mga panalangin, (bagama’t may mga tandang-pananong na kimkim) habang binabagtas ang marumi liko-liko likaw-likaw na mga kalsada at eskinita ng Maynila. Ang minsang “Isigne y Siempre Leal Ciudad” ng mga Espanyol At oo, kaniya ring dinadaanan ang kasaysayan sa ilang mga simbahang napaghahantungan: Quiapo, Santa Cruz, Binondo, San Sebastian. (Ah, noong panahon ng mga Espanyol, namamanginoon pa ang mga don at donya mulang Iberia, habang ang mga indiyo at mga bagong binyag na Tsino ay sumasambit ng kanilang mga sariling dasal sa pinapakilala pa lamang Poong Nakabayubay sa Krus. Ah, may ilang katutubong nagsimula na ring mamanata sa bagong-dating-noon na Itim na Nazareno. Ah, baka may ilang katutubong seminarista o bagong hirang na pari ang pinagninilay-nilayan ang kahabag-habag umanong pagiging pagano pa ng mga kapwa katutubo. Ad infinitum, et cetera). Samantala, itong naglakakad ay umuusal ng mga panalangin, umaasa ng tugon sa mga tanong na matagal-tagal ding hindi kaagad na nasasagot o mga hiling na nais kamtin.

***
(Pagkabasa ng Pasyon and Revolution ni Reynaldo Ileto)
Limang oras siyang naglakad, sampu ng kaniyang mga kasama. Saka naalalala, pag-uwi, ang lakarang isinasagawa ng mga deboto sa Bundok Banahaw noong mga huling taon ng ika-19 siglo. Isang linggong tinahatak ng mga nananalig na ito ang gilid ng bundok, binabagtas ang daanang puno ng “mata(ta)las na bato pula kung pagmasdan / nagsugat ang (kanilang) buong talampakan:” Kanilang pakikiramay sa Kalbaryo ni Kristo.

Mahalaga ang matatag, malinis, dalisay na kalooban. Naipahayag na ito ni Kristo at sinuhayan pa nila Apolinario dela Cruz / Hermano Pule at Felipe Salvador at pati ng Katipunan. Kung baga sa isang sinaunang makatang Tagalog, bumagyo man at dumilim ang panganorin, hindi ka matitinag kung nasa-loob mo ang diwa ng Panginoon. Ginapi man pansamantala ang tatlong nabanggit na persona ng malulupit na batas ng pamahalaan (ang Isa ay pinapako sa krus, binaril at hinati-hati ang batang hermano (ang ikalawa) at binitay na mistulang taksil o tulisan ang ikatlo) sa huli, patuloy pa rin mahalaga ang kanilang mga ideya, diwa at gawa. Lalo na sa panahon ngayong naghahari pa rin ang mga lobo, buwitre at mga sukaban, sa loob man at labas ng bayan kong nagpapasawi at pugad pa rin ng luha at dalita.

***

Nagunita rin ng naglakad na ito na may mahaba-haba ring lakarang ginawa sina Don Juan upang a.) hanapin ang Ibong Adarna sa Bundok Tabor at.) ang kaniyang mga na kapatid upang hanapin ang kanilang inaaping bunso sa malalayong kaharian. Mapalad si Don Juan at tinutulungan ng Birheng Maria, mga gusgusing ermitanyo, mga prinsesang tumatanaw-ng-pasasalamat-sa-kaniyang kabaitan mga mahiwagang ibon sa paglalakbay na natitigib sa panganib at pagtataksil. Katulad pa rin ng buhay ng kontemporanyong tao.

****
Sa kamalayang nahirati sa Iningles na paggunita ng Semana Santa o sa tahimik na paggunita sa Banal na Pasyon ng Dakilang Mangingisda mulang Nazaret, nakakapanibago pa ring marinig ang pananagulaylay at pananaghoy ng pabasa. Na tila binabalik siya sa panahon ng pananakop noong ika-16 siglo. O sa pusod ng poder-de Espanyol ng mga sumunod na siglo. Sa kabilang banda, nararamdaman mo ang pighati, sakit, pait at pagluluksang dala ng Pasyong dinanas Niya. Hindi lahat ay napapahiwatig sa prosang teksto.

***
Bukas, gugunitain sa pang-ika 2000 libong mahigit na taon ang Resureksiyon. Namatay ang Hari minsan. Mabuhay na muli Siya. At kaniyang nakikinita: resureksiyon ng dating mga masayahing tugtugin, maingay-maharot-at maurirat na mga chismis o mga nagbabaliktaktakan nampupulang mga balitang pampolitika. Hahaba ulit ang trapiko sa EDSA, kaskasero ulit magmaneho ang mga drayber sa Commonwealth. Tensyonado pa rin sa Crimea at Donetsk sa pagitang kapwa Slavikong mga Ruso at Ukrainian, hinahanap pa rin ang MH 370, patuloy pa ring inaasam ng Tsina ang mga karagatang karatig nito. Samantala, hinahabol ng mga nanunungkulan ang mga inapo nila Dimas at Estas sa ating pamahalaan na sa laki ng ninakaw na salapi ay magaan pang parusa ang pagpapapako sa kanila sa krus sa kalagitnaan ng araw.

**
Sabado de Gloria na.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s