Paglilinaw

Kabayanihan daw ang pagbabanat namin ng buto sa ibayong dagat at lupain. Kung gayon, dapat sana ay nasunod na ang isang mungkahi na ilagay ang aming mga mukha sa papel na pera. Mainam din kung ipagawa kami ng rebulto mulang NAIA hanggang sa mga plaza ng aming mga pinagmulang bayan. Araw-araw siguro dapat kaming salubungan ng magagarbong palatuntunan at masigabong palakpakan sa paliparan, o di kaya’y madalas itampok sa mga programa sa TV.

Hindi na namin iniisip iyon.

Kabayanihan daw ang pagpunas namin ng puwit ng mga matatanda’t ulyaning pasyente,  ang pagmaniobra sa mga higanteng bapor na naglalayag sa gitna ng nagngangalit na dagat at ng paminsan-minsang pagsawata ng mga paglusob ng mga pirata, o ang pagpihit ng mga higanteng tornilyo makuha lamang ang langis sa ilalim ng mga disyerto.  Kabayanihan daw ang pagluluto ng masasarap na putahe para sa mga dayuhang kliyente o ang aliwin sila ng mga kanta  habang lulan sa mga naglalakihang barkong pambakasyon.

Inililigtas daw ng aming ipinapadalang salapi ang ekonomiya ng bansang palaging nasa balag ng pagkasawi.

Hindi naman ganoon katayog ang layon ng aming mga nangungulilang isipan, puso at kamay. Wala rin kaming balak tularan ang tulad nila Rizal, del Pilar, Jaena at kung sino sino pa na sa hangaring mabago ang ihip ng kasaysayan ng bansa ay naging mga paruparong napaso sa ningas ng lampara. Malayo sa aming hinagap ang magpabaril sa Luneta o magpagarote sa Bagumbayan o mamatay sa larangan ng labanan bagamat marami na sa amin ang pinutlan ng ulo at nawalay sa pangarap, buhay at pamilya dahil sa nasangkot na krimen o pagkakasala o sadyang napabintangan ng nagnganganlit na daliri.

Tulad niyo, gusto lang din namin mapagtapos sa eskwela ang aming mga anak, matugunan ang gutom ng mga naiwang bibig, bayaran ang mga pagkakautang at ang kahit papaano’y lumuwag ang madalas na mahigpit naming sinturon.  Pangarap namin na mailatag na paglaon ang matagal ding nabaluktok na kumot at matastas ang bulsang butas.

Matupad lamang ang mga ito ay tila kaming mga mandirigmang bagong uwi mula sa matagumpay na pakikibaka.

One thought on “Paglilinaw

  1. hello, himantayon,

    marahil nga, sa isang banda ay hindi kabayanihan ang pagtungo sa malayo para itawid sa gutom ang sarili at pamilya, para iangat ng kaunti ang kabuhayan o bigyan ng tsansa ang sariling mabayaran ng sapat katumbas ng kung anong dapat sa talino, kakayahan at pagpupunyagi. maaring sabihing ang pag-alis ng OFW sa bansa ay isa lamang practical at common-sensical na hakbang para sa kanya at sa marami pang milyong ibang tulad nya. maaari…

    maaari ring sabihing kabayanihan nga ang nagtulak sa mga bayani noong unahin muna ang panawagan ng bayan bago ang pagliligtas ng sarili at pamilya. maaaring sabihing sakripisyo ang kanilang ginawa para sa paglaya at sa kapakanan ng higit na mas nakararami.

    ngunit sa isang banda, magkakaiba rin ang mga pangangailangan at panawagan sa bawat panahon at henerasyon. maaring dati ay kabayanihan ang magtaas ng itak at sumugod sa laban. ngunit maaari rin namang kabayanihan ang magsalong ng gulok at pumila para sa visa approval kapalit ng pagkawalay sa mga mahal sa buhay at kapaligirang pamilyar. maari ring kapalit iyon ng di-masukat na lungkot at kawalang-katiyakan sa malayong lugar.

    maaring mga payak at maliliit na pangarap ang nagbunsod sa maraming mangibang-bayan, hindi kung anong matayog na pangarap para sa komunidad at sa bansang kinabibilangan. ngunit kung pagsasama-samahin ang milyong maliliit na mga pangarap at pangtatangkang umangat ng bahagya, economically and socially, ang makikita ay isang aggregate ng mga mamamayang nagnanais makaahon, makabangon at umasenso. at pag napagsama-sama mo ang output ng mga iyon, hindi lamang ito equivalent sa bilyong ipinapasok sa kaban ng bayan o GNP. ito rin ay power of the mass na maituturing, however vaguely documented, accounted for or recognized, individually or collectively.

    hindi lip-service na pagkilala sa kakayahan at kontribusyon ng OFW ang kailangan, tama ka. marahil, ang kailangan ay pagkilalang sila/kayo ay importanteng bahagi ng efforts ng nation to continuously build and improve itself – kabahagi ng daloy ng buhay nito, kumbaga… ^^

    parang mas mahaba pa ata sa post mo ang pasaway kong opinyon, pasensya naman… 😦

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s