Reunion sa Varsitarian

Sa isang pambihirang gabi ay nagsama-sama ang mga nakatatanda’t mga batang alumni ng The Varsitarian para sa Valik-Varsi reunion nito noong December 11. Sa gitna ng Plaza Mayor, ang liwasanang nasa harapan ng UST Main Building, ay nag-inuman, nagkwentuhan, nagsentihan, at higit sa lahat, nagtipon-tipon ang sa taya ko’y ilang daang alumni na minsang nagsulat ng mga artikulo o gumuhit ng mga dibuho para sa isa sa mga pinakamatandang campus paper sa Pilipinas. Marami sa kanila ang tanyag at matagumpay sa kani-kanilang mga larangan ngayon paris nina Vim Nadera at Mike Coroza (panitikan at wika), Lourd de Veyra (musika at media), Kit Tatad (politika ), F. Sionil Jose (panitikan), UST Rector P. Rolando dela Rosa (akademya’t Simbahan) at marami pang iba.

Para sa aking nagsulat at namatnugot sa seksiyong Filipino ng pahayagan noong 2006 -2008, kauna-unahang pagkakataon ko itong daluhan bilang isang guest. Noong huling reunion kasi, kabilang ako sa batch na nag-organisa ng Grand Reunion na ginanap naman sa Sofitel. Nakatoka ako sa logistics at pagdala ng roving exhibit sa naturang lokasyon; ilang linggo akong abalang-abala at hindi mapakali sa pagrereserve at pagseset-up ng mga panels na nagtutunghay ng kasaysayan ng pahayagan. Stress galore, ‘ika nga, dahil nataon ang ito sa preliminary exams noon. Fourth year student na ako sa kursong Journalism, sa panahong iyon.

Noong gabi ng Disyembre 11, kausap ko ang mga kasamahang naging bahagi ng Varsitarian, kabilang man sa batch ko o sa mga nauna’t sumunod na batch. Syempre nangumustahan ang aming mga nasasabik na bibig at puso: Asan ka na nagtatrabaho, uy nangangayat ka na, tumataba na si ganito, naks kumakarir siya sa kaniyang-post-graduate studies. Na masusundan ng paglilimayon ng aming mga dila’t alaala sa nakaraan: Naalala mo ba noong nasa dark room tayo, o nang mag-overnight tayo pag presswork?. Atbp.

Nagsalita rin ang ilang representatives ng mga naunang batch (na nailangkap according to decade). Sionil Jose (dekada 40), Neal Cruz (1950s), Kit Tatad (1960s), Vim Nadera (1980s) atbp. Nagdaos din ng Balagtasan sina Vim Nadera, Mike Coroza at Teo Antonio, na bagama’t hindi miyembro ng Varsitarian, ay nag-aral naman sa UST noong dekada 1960s.

Subalit, sa gitna ng pagtagay ng alak, pagpapalitan ng alaala’t halakhak at paggunita, ay may malalim na payong ibinigay sa amin si Manong Frank Sionil Jose. Ayon sa kaniya, hindi lang dapat tularan ng mga batang manunulat ang mga nagawa ng mga nauna sa kanila; sa halip ito ay dapat higtan pa. Para sa akin, nagsisilbing hamon ito sa mga bagong kasapi ng Varsitarian upang mapahusay ang kanilang panulat at mapanatili rin ang pagiging dekalidad na pahayagang pangkampus. Subalit, isa rin itong hamon sa aking banda na nagsisikap na mapahusay ang panulat gayong pinag-aaralan ko pa ang istilo ng mga nauna’t deklaseng manunulat (sa literatura man o peryodismo).

Applicable din ang payong ito ni Manong sa mga batang manunulat na gagamit ng Filipino sa Varsitarian. Mayroong tradisyon ang pahayagan sa paglinang ng wikang pambansa paris nina Rogelio Sicat at Jose Villa Panganiban (na siyang “Ama” ng Varsitarian). Sana mas magamit nila ito upang lalo pang mataguyod ang wika sa UST, na nagsumumikap mismong muling buhayin ang paggamit nito sa akademya.

At dahil natapos na ang muling pagsasalong ito, tila aalingawngaw rin ang payong ito kahit sa aming amihan (mga alumni ng V) na abala na sa aming mga karera. Na panatilihin ang mga birtud ng propesyonalismo, mabuting pakikipagkapwa-tao, at kahusayan sa larangang pinili, ano man ang mangyari.

Minsang V, Mananatiling V.

 

 

3 thoughts on “Reunion sa Varsitarian

  1. How’s your blog doing in 2010? How many visitors viewed it and which of your post was most read? All of these , and many more, are emailed to you by WordPress. And to top it all, you can directly post these data to your blog as I just did. Click on this to see. We, WordPressers must have this on our blog.

    Go to your email now and look for this: Your 2010 year in blogging [your blog URL]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s