Mga usisero

Nais nilang malaman ang katotohanan.
Kaya gusto nilang tanggalan ng pakpak ang balita
At lagyan ng bulak ang tenga ng lupa. Minsan-minsan lang may maganap
na ganitong pangyayari sa baranggay na ito.
Kani-kanina pang kumakalat ang tsismis at haka-haka
hinggil sa isang mamang nakahandusay sa kalsada.
Wala nang buhay, wala nang pitaka, wala pang pagkakalinlan
maliban sa tatoo sa bisig.
(Hindi siya taga-rito, bulong ng ilan)

Hindi sila mga alagad ni Aristotle,
o mga kapanalig ni  Gus Abelgas,
o mga disipulo ni Herodotus o Teodoro Agoncillo.
Ang ilan sa kanila’y mga maton sa kanto, maghapong
umiinom ng hinyebra at nagbubuga ng salita sa huntahan.
Maaaring ang iba’y mga tinderong abalang-abala sa pagluluto
ng kanilang masarap umanong empanada, kwek kwek o turon,
nang marinig ang balita na may na-“salvage” umano na snatcher sa kanto.
Baka ang iba’y mga estudyante’ t empleyadong napadaan lang,
hinahabol ang dikta ng relo, aklat at kurbata
nang kalabitin sila ng mga alumpihit na bulong.

Ngunit pilit nilang inaapuhap
ang mga huling sandali
ng kaniyang hininga. Tinatangkang
idugtong ng kanilang mga haka
ang mga tagni-tagning detalye sa sinapit na trahedya

ng bangkay.

Maaaring tinapon siya ng mga vigilante dyan, pinatay na sa kung saan.

Snatcher ba yan? baka adik, o rapist o hired killer.

Tignan niyo nga ang tatoo sa bisig, baka pinatay ng kalabang gang.

Kanina’y may narinig akong kalabog, pero wala namang sigaw…

Kanina pang dumating ang SOCO, hinarangan ang lugar na kinabagsakan
ng mamang tanging tatoo sa bisig lang ang maaring pagkakakilanlan.
Ginuhitan ng mga tauhan ng SOCO ng chalk ang paligid ng kaniyang bangkay. Sinisipat
ang matang dilat, ang bibig na binubulwakan ng dugo, ang kamay na nakagapos.
Tinatala sa mga notebook ang mga napunang signos sa bangkay.At nagtatanong na ng sino-ang namatay-ano ang kaniyang-ikinamatay-paano siya namatay
ang ilang reporter. Hinahabol ng tuldok ang tandang pananong.

Sa huli, (at tulad ng dati), tanging mga  balahibo at bulak lamang
ang naipahayag ng mga nag-uusisa sa kapwa mga nag-uusisa.
Nag-uunahan namang tumatakas ang katotohanan at ang mga salarin.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s