Out of Town

Para sa akin, hindi lamang pampalipas oras o pampaaliw ang pagbabakasyon sa malalayong probinisya. Lumalawak rin ang pananaw, may natutunan kang mga bagong bagay (i.e wika, kultura, kaalaman) habang nakikipagsayahan ka sa kapamilya at kaibigan mo. At lalong nagiging kaiga-igaya ang paglalakbay sa malalayong probinisya kapag  nangangahas kang gumawa ng mga bagay na hindi mo magagawa dito sa lungsod.

Dalawang araw kaming nagbakasyon sa Bugallon, isang munisipyo sa kanlurang bahagi ng Pangasinan. Dinaluhan ko, sampu ng aking pamilya, ang isang pista doon dahil na rin sa pagkumbida ng isang kasamahan ng aking tatay sa trabaho. Kasama namin ang pamilya ng isa pang colleague ni Tatay, tumungo kami sa nasabing bayan matapos ang tatlong oras na pagbiyahe sa North Luzon Expressway at pagbagtas sa national highway na lumalagos sa Tarlac at Pangasinan.  Matapos ang magdamagang biyahe sa daan, dumating kami sa Bugallon isang mainit na umaga ng Sabado. (Sayang nga lamang at madilim ang daan kaya hindi ko nakita ang kabukiran sa bandang Bulacan at Pampanga) Sinalubong kami ng bundok sa kanluran, at kapatagan sa silangan sa aming pagdating sa Bugallon.

Iba talaga ang pagdiriwang ng kapistahan sa lalawigan. Bagama’t sasabihing tradisyonal o old school ang pagpapatugtog ng mga kantang pang-80s sa videoke, o hindi kaya ang pagkakaroon ng sayawan sa plaza pagsapit ng gabi (na dadaluhan ng gubernador at isang kandidato sa lokal na puwesto), masasabing taglay naman ito ng sama-samang pagsasaya ng mga tao. Na ikinatuwa ko lalo na’t nasanay na ako sa kaniya-kaniyang pagsasaya at pamumuhay sa lungsod (pagmamalling, tambay sa Starbucks atbp).  Pagdating pa lamang namin sa Barangay Buenlag (kung saan naroroon ang bahay na aming dinadalaw) ay inihain kaagad kami ng almusal. Kumain kami ng puto at cuchintang Calasiao (na may sariling uri ng tamis at lagkit), at nag-agahan din ng dinuguan, mechado at mangga.  Pagsapit ng tanghali ay nananghalian kami at lalo pang kumain ng mga ulam (tulad ng papaitan, tinapa, embutido ) kasabay ng pag-inom ng softdrinks, serbesa o brandy.

Isa sa mga hinahanap ko sa out of town trips ay ang makarinig ng wikang katutubo sa nasabing pook. Kaya’t inalerto ko ang aking tenga upang pakinggan ang pagsalita ng mga taga-Bugallon sa salitang Pangasinense. Sayang at hindi agad ako nagpaturo sa pagsalita rito kaya hindi ko naunawaan ang kanilang usapan. Parang Ilokano ang tigas ng punto at bilis ng pananalita ng Pangasinense pero, may mga sariling salita ito na hindi taglay ng Ilokano.

Hindi mawawala sa out of town trips ang swimming. At inaabangan namin ang paglangoy sa beach sa isang resort sa karatig bayan ng Labrador (nasa daan patungong Alaminos city) noong Linggo. Matapos ang mag-umagang pagsalunga sa alon sa nasabing dalampasigan, pumunta naman kami sa isla ng Cabalitian, sakay ng isang banka.  3o minutos ang biyahe, subalit nakakakaba ito dahil sa mataas ang alon at sandaling namatay ang makina ng banka sa gitna ng laot (na bahagi na ng Lingayen Gulf). Napawi naman ang takot namin ng marating na namin ang isla at ginalugad ang mabundok na landscape nito. Bagama’t hindi na namin napasok ang isang yungib doon, dahil sa mababa ang lagusan nito, nagtampisaw kami sa dalampasigan ng isla na kung saan may mga “pools” na iniiwan ang bawat pagpasok ng taog ng tubig mula sa dagat. Malinaw at kulay blue-green at tubig sa bahaging beach ng isang iyon, bukod pa sa maputi-puti ang buhangin rito.

Isang madalas na kantiyaw sa pagiging “sinauna” ang “wala iyan sa bundok ( o probinsiya) niyo.” Subalit, sa puntong ito, kinaiingit ko ang mga natagpuan kong tanawin at dinanas na pangyayaring wala sa aming lungsod.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s