Si Kiko

Ginunita kahapon ang unang taon mula nang yumao ang dinadakilang rapper na si Francis Magalona. Sa edad na 44, namatay si “Kiko” Magalona dulot ng multiple organ failure noon gMarso 6, 2009. Nakaratay si Magalona sa  isang ospital sa Pasig mula Disyembre 2008 upang ipagamot ang sakit na  leukemia na ilang buwan niyang iniinda. Nadiagnose siya ng naturang sakit noong Agosto 2008 at mula roon ay sumailalim na sa mga chemotherapy sessions upang malabanan ang pagkalat ng mga cancer cells sa kaniyang katawan.  Hindi inakala ng marami ang kaniyang maagang pagyao lalo na’t nasa kalagitnaan na siya ng kaniyang buhay at itinuturing na siyang icon sa musikang Pinoy.

Nalaman ko ang balitang ito habang ako ay nageeksam para makapasok sa isang dyaryo. Katatapos ko pa lamang na saguting ang nasabing eksam nang marinig ko sa mga kasamang aplikante ang balitang namatay na Kiko. Sabi pa nga ng isa kong kasama hindi na biro ang kumalat-na-sa-cellphone-na balitang ito gaya sa dati nang tsismis na yumao umano siya. Pag-uwi ko sa amin sakay ng FX, napuno ang radyo ng mga ulat sa mga detalye hinggil sa pagkamatay niya.  Ilang araw rin napuno ang telebisyon at dyaryo sa mga pagbibigay pugay ng mga kapwa artista at mang-aawit hinggil naging ambag ni Kiko sa musika at sining Pinoy.

(Kabilang dito ang pag-awit ng Eraserheads-nang sila ay mag-Reunion Concert sa ikalawang pagkakataon -ng “Kaleidoscope World” at ang pagrap ni Ely Buendia sa parte sana ni Kiko sa kantang “Superproxy.”)

Naalala ko tuloy nang una kong marinig ang kanta niyang “Mga Kababayan Ko,” noong ako ay bata pa. Bagamat ipinahahayag ni Kiko na huwag natin ikahiya ang pagiging kayumanggi sa pamamagitan ng rap, pinuna ng aking lola (sumalangit nawa siya) na hindi raw ito sariling atin. Anong pagkaPilipino diyan mangyaring parang istilong Amerikano ang kaniyang pag-awit, tanong niya habang ang ako ay nakikinig at wala pang kamuwangan sa malalim na tanong kung ano ang “Pinoy” sa ating kultura. Dangan kasi’ nasanay ang mahal kong lola sa kundiman at klasikong musika, marahil ay nanibago siya sa istilo ng pag-awit ni Francis M.  Muli namang sumagi sa isip ko ang tanong kung Pinoy na Pinoy ba ang isang awit kahit ginamitan ito ng isang banyagang porma? Tulad sa mga nasusulat na tula natin na karamihan ay nasa anyo nang Kanluranin o vers libre.

Isang mahaba pang usapin at kailangan ng mahabang talakay ang pagka-Pilipino ng mga porma ng ating mga awitin. Tulad ng tula, nahaluan na rin ito ng impluwensyang dayuhan at kailangan usisain alin sa mga pormang ito ang sa atin, at alin naman ang hinalaw mula sa mga dayuhan. Gayumpaman, naniniwala ako na ginamit ni Kiko ang rap hindi bilang isang simpleng paghiram lamang sa kantang rap ng mga African American. Sa halip, nilahukan niya ito ng mga mensaheng patungkol sa mga suliranin at kakatwang katangian ng ating lipunan: politika, paggamit ng ilegal na droga, pagkakaibigan, musika, pagmamahal sa pamilya at kaibigan, at pag-ibig.  Napansin ko ito habang pinakikinggan ang mga kanta niyang “Halalan,” “Pektus,” “Mga Kababayan Ko,” “Cold Summer Nights” atbp.  Nakakatuwa rin ang kaniyang rap version ng “Tayo’y Mga Pinoy” na unang pinasikat ni Heber Bartolome kung saan idiniin ni Magalona na paghusayan natin ang paggawa ng mga kanta at hindi lang basta gaya-gaya lamang. Sa kanta ring ito ay kinutya ni Kiko ang mga taong “paiIngles-Ingles” magsalita pero mali-mali pala ang pagsalita, kaya “huwag na lang.” Ibig sabihin ay huwag natin ikahiya ang pagsalita sa ating mga wika (Filipino man o iba pang mga wika) kung sa pamamagitan lamang ng mga ito ay magkakaunawaan tayo. Mapapansin rin ang kaniyang matatalim na komentaryo sa ilang usapin tulad ng  pagiging matuwid sa panulat “Pen and Ink” at ang pagkatay sa mga aso upang gawing pulutan  (“Baw-waw-waw.”)  Gumawa rin si Magalona ng mga kanta na patungkol sa kaniyang mga personal na karanasan tulad ng “A Wholla Lotta Lovin”  at mapapansin sumusukdol na sa album niyang “Happy Battle” na patungkol sa kaniyang paglaban sa leukemia.

Sayang lamang at nasimulan kong pakinggan ang mga kanta ni Kiko nang siya ay patay na . Salamat na lang at may kaibigan akong nagpahiram ng mga awitin ni Magalona. At ngayon ay patuloy akong makikinig sa mga rap ni Kiko tungkol sa aso, pluma, balota at bansa. Patay na si Francis. Patuloy nating buhayin ang mga diwang kaniyang ipinaglalaban!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s