Ika-82nd anibersaryo ng Varsitarian

Ginugunita ngayon ang 82 taon ng pagkakatatag ng  pahayagang The  Varsitarian, na kinikilala nang isa sa mga pangunahing campus newspaper sa ating bansa. Mula sa isang maliit na pahayagang itinatag ng mga noo’y estudyante na sila Jose Villa Panganiban (na naging pinuno ng Institute of National Language), Pablo Anido (unang punong patnugot ng dyaryo) at sampu ng kanilang mga kasama, dumanas ito ng maraming pagbabago  upang kapagkuwan ay kabibilangan din ng mga batang manunulat. Ilan sa kanila ang magiging tanyag na personalidad sa politika, panitikan, peryodismo at lipunan ng Pilipinas. Mababanggit ang mga tulad nila F. Sionil Jose na naging punong patnugot noong  1948-1949 (at naiproklamang isang National Artist for Literature), Cristina Pantoja-Hidalgo na nagsulat sa pahayagan noong dekada 60 (at kasalukuyang isang mataas na opisyal sa Unibersidad ng Pilipinas); Alice Colet-Villadolid na namatnugot sa seksyong coeds noong dekada 1950 at naging correspondent ng ilang international news magazine. Kabilang naman sa mas batang henerasyon ng mga naging tanyag at matagumpay sa kani-kanilang mga larangan ay sina Lito Zulueta (arts and books editor sa Philippine Daily Inquirer), Christian Esguerra (Malacanang beat reporter ng naturang pahayagan), Felipe Salvosa II (executive editor ng Business World), Lourd Ernest de Veyra (makata/bokalista), Rolando V. dela Rosa ( na nagsulat sa religion section ng dyaryo at ngayo’y rector ng Unibersidad), Ramon “Bong” Osorio (ABS-CBN corporate communciations head), atbp.

Mapalad akong naging bahagi ng nasabing dyaryo (mula 2006-2008) bilang manunulat, at nang lumaon, patnugot sa seksyong Filipino.  Masasabi ring naging pintungan din ang pahayagan sa panulat ng mga ngayo’y kinikilalang haligi sa panitikang Filipino na nagsusulat sa ating wikang pambansa: Rogelio Sicat, Hilario Coronel, Michael  Coroza, Vim Nadera, Rebecca Anonuevo (bagama’t nagsulat siya sa seksyong Research and Special Reports”)  atbp. Makikita sa mga lumang isyu ng pahayagan-na maaring mahiram sa archives ng nasabing pahayagan sa bago nitong opisina sa Tan Yan Kee Center, o di kaya ay sa archives mismo ng Unibersidad na makikita sa Central Library, katapat ng Tan Yan Kee center.  Napag-isip isip ko ngayon na nakaatang pala sa aking balikat noon-at pati ng mga susunod na henerasyon ng mga Tomasinong manunulat-ang pagpapatuloy sa pagsulat sa Filipino sa Unibersidad. Na marami sa mga manunulat ang nagwagi sa Palanca at kanonisado na sa panitikan (na gaya ni Sicat), habang ang mga mas batang manunulat ay patuloy pang nagwawagi sa mga patimpalak at nagtataguyod sa wika at panitikang Filipino. Sa kaso ko, malaking hamon ang pag-aaral sa gramatikang Filipino lalo na’t namulat ako sa pagsusulat (at pagbabasa sa wikang Ingles). Bukod pa ang-sa palagay ko-ay ang namamayaning pananaw sa Unibersidad-na hindi kaya ng wika na makasabayan ang Ingles sa diskursong pang-akademiko.  (Napansin ko kasi noong panahon ko na walang masyadong nagpapasa ng mga artikulo na nasusulat sa Filipino, bukod pa sa wala nang mga departamentong magtataguyod sa paggamit/paglinang dito). Gayumpaman, salamat sa mga akda ng mga nasabing manunulat (at pagbabasa ng mga akda na mula sa iba pang mga unibersidad), ay may gabay ako at mga kasama kong manunulat sa pag-aaral ng pambansang wika. (Isang balintuna ang sitwasyong ito sa unibersidad gayung si Panganiban ay naging pinuno mismo ng ahensyang magtataguyod sa ating pambansang wika). Ikinatuwa ko ring may mga estudyanteng interesadong magsulat sa Filipino dahil sila ay nag-apply-at ang ilan ay natanggap-sa seksyong ito.

Nawa ay umunlad pa ang Varsitarian sa mga susunod na taon. Inaasam ko na maiganyak pa ng pahayagan ang mga estudyante na magsulat sa ating wika bagama’t inaasahan rin ang pagtaguyod sa pagsulat sa Ingles.  Magagawa ito sa pagpapatuloy ng taunang palihan sa katha (“Varsitarian Fiction Workshop”), at Ustetika Literary Contest. Maaaring manawagan pa sa mga Tomasino na magsulat sa ating wika, sa pamamagitan ng pagsumite ng mga personal na sanaysay, tula, katha at (kung papalarin) mga diskursong pang-akademiko (sipi ng thesis) sa dyaryo. Ilalathala ang mga pinakamahusay ang pagkakasulat (sa porma at nilalaman). Bukod pa rito ay ang pakikipag-ugnayan sa mga guro sa Filipino upang maitaguyod ang isang pamantayan sa paggamit nito; sa pagkakaalam ko ay walang standard sa Unibersidad hinggil sa paggamit sa Filipino.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s