“Babala”

Kakaiba ang nakita kong paskil sa gilid ng isang bus na nasakyan ko pauwi sa Fairview. Pagkaupo ko sa bus na bumabagtas sa Quezon Avenue, nakita ko ang paunawang ito, na katabi ng upuang nasa likuran ng upuan ng drayber. In effect, ang sinasabi ng paskil na ito ay pinagbabawal na ng management ng bus na payagan ng mga konduktor nito na umakyat ang mga preacher na madalas mapansin natin umaangkas sa mga bus upang mangaral ng, anila, ay ang tunay na Mabuting Balita. Marami na umanong mga pasahero ng nasabing kompanya ang nagrereklamo na hindi sila “makapagrelax” habang nasa biyahe ay dahil sa may nagsesermon na mga preacher.

Tiyak ko ring marami na sa mga nakababasa ng post na ito ang nakakita at nakarinig na ng mga lalaki (madalas na nakapolong puti at itim na maong pants na ginaya ng E-heads sa “Fruitcake” MTV) na pagkaakyat sa bus ay magsisimula nang maglitaniya ang mga kabutihang dulot ng pag-aaral sa Bibliya, ang kahalagahan ng pagdarasal, at ang importansya ng taimtim na pananampalataya sa May-Kapal. Pagkatapos nito ay ipagdarasal nila ang mga pasahero para sa kanilang “ligtas na paglalakbay.”  Tantiya ko ay tumatagal ng mga 10 minuto ang kanilang prayer session, pero wala pa akong nakitang kapwa pasahero na sineryoso ang ganitong mga aktibidad.

Sa unang malas ko sa nasabing paskil,  naalala ko tuloy ang panahon ng mga Romano (bago umupo si  Emperador Konstantino) na mahigpit ipinagbabawal ang pangangaral at ang pagsampalataya mismo sa noo’y-lumalago-pa-lang na Kristiyanismo. Kinatatakutan umano ng mga Romano ang nasabing relihyon dahil baka nagtuturo ito ng mga subersibong aral. Katumbas ng paglabag sa mga alintuntuning ito ay ang pagpapakain sa leon. Ngunit ang parikala ngayon ay naganap ang nasabing pagbabawal sa panahong namamayani na ang Simbahang Katoliko (isa sa mga pangunahing sangay ng Kristiyanismo) sa ating bansa. Subalit ang mga naapektuhan ay mga preacher na mula sa ibang sekta na hindi Katoliko. At ang dahilan sa pagbabawal ay hindi dahil politikal kundi komersyal.

Kung iintindihin natin ang panig ng may-ari ng bus, kailangang gawin ito upang isaalang-alang ang isang “masarap” na byahe na binayaran ng mga pasahero. Oo nga naman, nagbayad ng halimbawa ay P25 na pamasahe ang isang pasahero mula Quezon Ave hanggang Fairview upang makaupo sa loob ng may -aircon na bus at-kung pupuwede- ay makatulog. Malamang ay huli nilang inaasahan ang pangangaral ng mga preacher hinggil sa halimbawa ay ang paghahanda para sa pagkagunaw ng ating daigdig. Pagod ka na nga at may iniisip kang mga bagay nang marinig mo ang mga pangangaral na ito.

Paano naman kaya ang mga preacher na ito? Malamang ay lilipat na lang sila ng bus na pinataptakbo ng ibang kompanya. Magpapatuloy na magbasa ng mga sipi mula sa Bibliya, pangangaralan ang kahalagahan ng Kaligtasan at pagdarasal ang kaligtasan ng mga pasahero. Hanggan’t hindi magbabawal ang mga kompanyang ito.

Gusto ko namang alamin ano ang nararamdaman nila sa tuwing nangangaral sila sa loob ng bus. May quota kaya sila sa dami ng bus na nasakyan at nabiyayaan ng Mabuting Balita? Nakausap na ba sila ng isang pasaherong naiinis sa kanilang pagsesermon? O hindi kaya ay may naganyak silang makiisa sa kanilang hangaring linisin ang kaluluwa para sa Buhay na Walang Hanggang?

At may susuway kaya sa kanila sa tuntuning nagbabawal sa mga tulad nilang mangaral sa bus?

Tignan natin.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s