Liping Albanian at Pilipinas

Kasalukuyan kong binabasa sa www.albanianhistory.net at www.albanian.literature.net ang mga dokumento, sanaysay, at mga tulang isinulat na patungkol sa bansa, at nasyong Albanian. Nagsimula lamang mapukaw ang aking interes rito nang mabasa ang mga salin sa Filipino ni Robert Anonuevo ng mga tula ng makatang Albanian na si Mimoza Ahmeti, ang “Awit,” “Retorikang Tanong Kay Kasamang X” at “Papel.”  At nitong dalawang huling linggo ng Disyembre ay nagbrowse na ako sa dalawang nasabing website para pag-aralan pa ang naging takbo ng panitikang Albanian, kaalinsabay naman ang kasaysayan ng nasabing bansa at ng pangkalahatang lahing Albanian.

Batay sa naging pagbabasa ko rito, na sumuhay naman sa mga nauna ko nang pagbabasa hinggil sa kasaysayang Balkans (rehiyon sa timog-silangang Europa, na kung saan nanirahan ang liping Albanian), nalaman kong dumaan din sa mahahabang panahon ng pananakop ng mga imperyo ang mga Albanians. Nagmula nang lumagi na sa rehiyong Illyria ang mga Illyrians (na kinikilalang ninuno ng mga Albanians), matagal nang nakipagtunggali (o nakisama, depende sa mga pagkakataon) ang mga Albanians sa sunod-sunod na pagdating ng mga mananakop mula sa Asya at Europa: Romano, Germanico, Slavs, imperyong Byzantine, at mga Ottoman Turks. Bagama’t nabuo ang isang estadong Albania noong 1912, sinakop naman ito ng Italya mula 1939-1944. Pagkatapos nito’y pinamunuan sila ng isang rehimeng Komunista na ika nga’y “pininid ang mga pinto” mula sa mundo hanggang sa bumagsak ito noong 1992. Naimpluwensyahan naman ng mga kulturang banyaga ang tradisyon at wikang Albanian. Sa kasalukuyan, nabibilang ang  karamihan sa mga Albanian sa tatlong relihiyon (Islam-na dinala ng mga Turks, Greek Orthodox-na ipinalaganap ng imperyong Byzantine, at Simbahang Katoliko, na lumaganap sa rehiyon noong panahon ng mga Romano).

Sa kasalukuyan, matatagpuan ang mga Albanian sa bansang Albania mismo, sa bagong-tatag na bansang Kosovo (na dating lalawigan ng Serbia,) at ilang rehiyon sa mga karatig-bansang Montenegro, Macedonia, Greece at pati sa katimugang Italya.

Mapapansin rin ang bakas ng kasaysayan sa naging takbo ng panitikang Albanian. Batay sa paghahanay ni Robert Elsies sa www.albanian.literature.net, mahahati ang panitikang Albanian sa tatlong panahon: ang sinauna, panahong klasikal, at panahong moderno. Nasasakop sa panahong sinauna (early) ang mga manunulat na nagsulat noong papapalit-palit pa ang mga naghaharing pinuno sa mga Albanian (Griyego, Slav, Albanian, Ottoman Turk). Kapansin-pansin dito ang paggamit ng mga may-akda ng mga imahe at ideyang hinugot sa mga tradisyong Islam, at Kristiyano. Kabilang sa mga namumukod-tanging awtor sa panahong ito ay sila Konstandin Berati (na umakda ng isang 44-linyang tula tungkol kay Birheng Maria), Nezim Frakulla (na kapansin-pansin ang mapagmalaking-tinig sa kaniyang mga tula tungkol sa pag-ibig, bukod pa sa paggamit sa pormang “divan” ng mga Turko sa kaniyang panulaan), at si Hasan Zyko Kamberi.

Tampok naman sa panahong klasiko ang panulat ng mga Albanian na nadestierro sa ibang bansa (hal. Italya, Estados Unidos). Kabilang sa panahong ito sila Asdreni (pseudonym ni Aleks Stavre Drenova) at Fan Noli (isang obispong Orthodox na nagsibli ring pangulo ng bansang Albania noong 1920s). Tinatampok ni Asdreni sa kaniyang mga tula ang mga lugar, at bagay (hal. Dagat Adriatico, flute, watawat) na may kinalaman sa bansang Albania. Samanantala, iniluksa naman ni Fan Noli ang pagkamatay ng isang kababayan na isinisi sa isang ahente ng karibal-politikal ni Noli.

Masasabing mas malawak ang saklaw at komplikado ang pagdulog ng mga tulang isinulat ng mga manunulat sa modernong panahon. Mababakas ito sa mga akda nila Mimoza Ahmeti at Eqrem Basha-na kapwa tila abstrako ang mga ginamit na lunan at tauhan sa mga tula) at  Romeo  Collaku (na gumamit ng anyong tulang-tuluyan sa marami niyang akda). Kapansin-pansin naman na gumamit ng mga eksena at pananaw- Albanian si Fatos Arapi, na maaaring magbigay ng ideya sa mambabasa sa buhay sa Albania noong huling 3 dekada ng ika-20 siglo.

Batay sa aking pagsuyod sa nasabing websites ni Eslie, masasabing may tatlong magkahalintulad na sitwasyon ang Albania sa kasaysayan at panitikan ng ating bansa. Una, ang papel ng mga dayuhang kultura sa paghubog ng tradisyon at kasaysayan nito. Pangalawa, ang ebolusyon ng pantikang Albanian mulang sinauna (na lipos sa mga imaheng relihiyosos at tradisyonal na metapora) patungong modernong panahon (na masasabing mas malawak ang saklaw). Makikita rin ang ganitong ebolusyon sa ating mga nasusulat na panitikan. Pangatlo, ang presensya ng isang diaspora 9o mga pamayanan sa ibayong-dagat). Ang kaibhan lamang ay nagsasalita ng isang wika ang mga Albanian, mapa-saloob ng bansa o sa labas (bagama’t nahahati ito sa iba’t ibang dayalekto); sa kaso natin ay sinasalita kahit sa ibang bansa ang mga wikang katutubo.

Masasabi ko na hindi lamang tignan ang Albania bilang isa sa mga lunan (setting) sa Florante at Laura, kung hindi isang bansa na bagamat may sariling kasaysayan ay nagtataglay rin ng mga magkatulad na katangian ng sa atin. At ito ang siyang dapat pang pag-aralan natin upang lumawak pa ang ating mga pananaw sa kasaysayan at politika.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s