Pamilya

Marahil ay napansin din ito ng ilang kapwa ko tagapagmasid sa mga balita ng ating bansa-napalathala man sa dyaryo isinahihimpapawid sa telebisyon o naka-post sa Internet. Subalit, kataka-takang hindi gaanong napapansin ang kahalagahan nito lalo sa mga talakayan, analysis at pagbabalita. Tinutukoy ko rito ang naging papel ng  konsepto ng pamilya sa ilang malalaking balita sa loob ng halos isang buwan: masaker sa Magindanaw, ang pagtanggi ng isang huwes na dinggin ang kasong kinahaharap ng  mga Ampatuan kaugnay rito at ang insidente ng hostage-taking sa Agusan del Sur. Partikular na rito ang pagpapahalaga ng mga nasangkot na personalidad sa kanilang mga kamag-anak kaakibat naman ang mas malaking pagpapapahalaga sa bansa o bayan.

Kung babalikan natin ang masaker sa bayan ng Ampatuan, Magindanaw noong Nobyembre 23, nakaugat ito sa  alitan ng mga angkang Ampatuan at Mangudadatu. Subalit tila ngayon lang nailantad sa bansa ang hidwaang ito ng dalawang pamilyang ito, na humantong sa walang habas na pamamaslang sa 60 katao. Ayon sa isang ulat ng Philippine  Daily Inquirer noong Nobyembre 23, nagsimula ang alitan ng dating magkaalyadong angkan nang umugong ang mga balita na tatakbo umano ni Esmael Mangudadatu bilang gobernador ng Magindanaw. Tuluyan nang naghiwalay ng landas ang mga Ampatuan at Mangudadatu nang harangin umano ng huli ang pagbuo sa isang bagong bayan sa lalawigan.  Nailantad din ng nasabing insidente ang saklaw ng kapangyarihan ng mga Ampatuan sa Magindanaw batay na lang sa posisyong pinanghahawakan ng mga pangunahing suspek sa kaso: alkalde ng bayan ng Datu Unsay si Andal Jr, habang gubernador naman ng lalawigan ang amang si Andal, Sr. Gubernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM)  si Zaldy Ampatuan,  acting governor ng Magindanaw si Sajid Ampatuan habang tatlo pang kamag-anak nila ang lokal na opisyal sa dalawang bayan  Nang halughugin ng mga sundalo ang mga mala-palasyong mansyon ng angkan, nakasabat sila ng libo-libong armas na iniulat na kayang makapag-armas ng isang batalyon ng mga sundalo. Huwag pang isama ang tinatayang 3000 miyembro ng Civilian Volunteer Organization na ayon sa mga kritiko ay nagsisilbing private army ng mga Ampatuan. Sa kabilang banda, makapangyarihan din ang mga Mangudadatu; isang miyembro nito ang gubernador sa kalapit-probinsya na Sultan Kudarat, isa naman ang kongresista nito.  Apat na miyembro ng pamilya ay mga lokal na opisyal sa mga bayan ng Buluan at Mangudadatu sa Magindanaw. Kabilang dito si Eden, isa sa mga pinaslang sa masaker.

(Mababasa naman ang isa pang mas detalyadong pagtalakay sa kapangyarihan ng pamilyang Ampatuan sa website ng Philippine Center for Investigative Journalism, sa artikulong “Amid the Fighting, the Clan Rules in Maguindanao (Setyembre 4 2008).

Kaugnay rito, tinanggihan naman ni Quezon City judge Luisito Cortez na hawakan ang kaso dahil nangangamba siya sa seguridad ng kaniyang pamilya’t staff. Sinipi pa nga siya nang sabihin “What is glory without a family.”  Matatatandaan ring dinidinig pa ni Cortez ang kaso ng pamamaslang kay Luis Bersamin, Jr., dating kinatawan ng Abra, na kung saan pangunahin suspek rito ang gubernador nito na si Vicente Valera.

Away lupa at pamilya naman ang naging dahilan kung bakit binihag ng  isang dating CAFGU volunteer ang 75 estudyante at babae sa isang liblib na baryo sa Agusan del Sur mula Disyembre 10-13. Hinihingi ni Ondo Perez na kasuhan ng pamahalaan ang kaniyang karibal-at dating kasamahan sa isang anti-communist na militia- na si Jun Tubay dahil sa pamamamaslang umano nito sa 21 myembro ng kaniyang pamilya noong 2008. Subalit, inaakusahan rin si Perez sa pagpatay sa apat na kapamilya ni Tubay noong Pebrero. Ayon pa sa isang wire news report, 30 katao na ang namatay sa alitan ng pamilyang Perez at Tubay ng dahil sa pag-aagawan sa hangganan ng lupain.

Sa palagay ko, naipakita ng mga insidenteng ito na mas pinapahalagahan ng karamihan-lalo na ng mga may kapangyarihan-ang kani-kanilang mga pamilya. Na hindi naman masama per se. Subalit, kung hahantong lamang ito sa madugong bakbakan ng mga angkan o tribo at makadadamay pa ng mga inosente at walang kinalamang tao, ay ibang usapin na ito.  Kaugnay naman sa pasya ni Judge Cortez na higit isaalangalang ang kaligtasan ng pamilya kaysa sa paghawak sa tungkuling dingin ang kaso ng Magindanaw masaker, mauunawaan naman ito lalo na’t may hinawakan na pala syang malaking kaso. Subalit, para sa akin dapat tinanggap pa rin niya ito bilang bahagi ng tungkulin ng isang huwes. Sa tingin ko ay nabatid naman niya ang mga panganib na nakaambang sa mga hukom na hahawak ng mga kasong kinasasangkutan ng mga warlord o politiko.

Kung ako kaya ang malalagay sa ganitong mga sitwasyon, makaiigpaw kaya ako sa karaniwang pagpapahalaga sa pamilya para sa isang mas mataas na layunin?

3 thoughts on “Pamilya

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s