Talento

Kasalukuyan kong binabasa nang maigi ang kalipunang Sansiglong Mahigit ng Makabagong Tula sa Filipinas” na pinamatnugutan ni Rio Alma at ng 4 apat pang katuwang na editor. Nakapaloob sa koleksiyong ito ang “kakanggata ng makabagong panulaan sa Filipinas” na kung saan 248 tula mula sa 118 makata ang isinama. Nasusulat naman ang mga tulang ito sa Filipino/Tagalog, Ingles, Sebuwano, Hiligaynon, Waray, Espanyol, Ilokano, Kapampangan, Aklanon, at Bicolano. Kinamamangha ko sa mga akdang nakapaloob rito ang lawak ng imahinasyon, husay sa pananalinghaga, at lalim ng pagpapahayag ng damdamin at diwain ng mga makata,mula sa bungad ng ika-20 siglo hanggang sa kasalukuyan.  Sa pagbubuklat sa halos 500-pahina nito, mapapansin ang paggamit ng mga makata ng mga tradisyunal na may-tugmang tula (awit, dalit, tanaga, atbp) at ng vers libre. Samu’t sari rin ang mga manunulat na itinampok sa koleksyong ito, mula sa mga politiko (Claro M. Recto at Lope K. Santos), rebelde (Emmanuel Lacaba) at isang avant-garde na kabataan (Angelo Suarez).  Sayang lamang at marami sa kanila ang ngayon ko lamang nababasa bagamat ang ilan sa kanila ay matagal nang naitatampok sa mga teksbuk at antolohiya.

Patunay ang kalipunang ito at ang iba pang kalipunang pampanitikan ang husay at talento ng Filipino sa paghahabi ng tula o paglalatag ng kuwento. Nakakalungkot isipin lamang na hindi ito napapapansin sa mainstream na media o kultura sa iba’t ibang kadahilanan (tulad ng uri ng paksa, paggamit ng wika atbp). Gayumpaman, mabuti na rin at mayroon mga ganitong kalipunan upang maitanghal sa mga estudyante o interesadong mambabasa ang naging daloy ng “Makabagong” Panulaan sa Filipinas.

***

Naalala ko na madalas tampukin sa mga noontime shows ang mga beauty at children’s contests. Dito ay kinakailangang ipakita ng mga kalahok ang kanilang mga talento, gaya ng pagkanta, pagsayaw, pag-arte, o pagtula. At maaring magwagi sila depende sa hatol ng mga hurado at kung minsan, sa tagal ng palakpak ng mga manonood. Naaliw agad tayo sa ganitong mga pagtatanghal. Sa kabilang banda, wala akong naalalang makatang sikat na ipinapatanghal sa mga ganitong palatuntunan. Sa palagay ko ay kailangan din marinig at makita ng mga manonood ang pagtatanghal ng ating mga makata upang sa gayon ay maibalik sa hinagap natin ang naging tungkuling ginampanan ng makata.

Ito kasi ang parikala (irony).  Noong araw, itinatampok pa ang mga makata sa mga tanghalan sa tuwing may masayang okasyon, gaya ng pista, balagtasan atbp. Bumibigkas sila ng mga tula ukol sa  maraming bagay gaya ng pag-ibig, kagandahan, pagmamahal sa bayan at politika. Subalit dahil sa paglipas ng panahon, pagdagsa ng makabagong midya, paglaganap ng paglilimbag,  pananaig ng mga banyagang wika, at paglipat ng mga tao sa mga lungsod, tila nawawala na ang puwang ng makata bilang isang tagapag-tanghal.  Madalas ay naisusulat na lamang nila sa papel ang mga naihabing berso o naibabasa ang mag tula sa iilang kaibigan at kapanalig sa panitikan. Mabuti na rin at binabalik na ang papel na ito sa pamamagitan ng performance poetry na itinataguyod ng ilang makata gaya nina Vim Nadera, Angelo Suarez at Lourd de Veyra.

Sana nga ay maibalik din ang makata sa pagtatanghal sa publiko, gamit ang mass media, upang makaabot sa mas nakararaming manonood. Kung hindi man kaagad maisagawa ito sa mga malakihang broadcast station, maaaring masimulang gawin ito sa mga istasyong rehiyonal (mapa-telebisyon man o radyo). Maaring simulan ito gamit ang Filipino at ang mga wikang rehiyonal natin.   Magandang senyales na ang narinig kong pagsasaere ng balagtasan nila Nadera, Michael Coroza at Teo Antonio sa DZMM noong Setyembre. Natuwa rin ako at may kaibigan akong nakapakinig din sa nasabing balagtasan at napamangha siya sa matalim at matalinong pagbabaliktaktakan ng talong makatang iyon.

At kung makatiempo, ay maaaring masimulan na rin ang pagsasahimapapawid ng mga tula sa Filipino at Ingles  sa mga broadcast stations sa Kamaynilaan.

**

Ikinatutuwa ko ang pagkatanghal kay Teo Antonio ng Parangal Hagbong ng UST-The Varsitarian. Kasama niya sa karangalang ito ang kuwentista sa Ingles na si Nita Umali-Berthelsen. (Pormal naman iginawad sa kanilang dalawa ang nasabing pagkilala sa isang seremonya kasabay ng pagkilala sa mga nanalo sa taunang patimpalak na USTetika nitong gabi ng Disyembre 5.)  Sa pagkilalang ito ng Varsitarian sa isa sa mga itinuturing na halig sa panitikang Filipino,  inaasam kong muli ring makilala ng mga kabataang manunulat na tulad ko at ng mga nagsipagwagi sa nasabing patimpalak ang kahalagahan ng tradisyon sa panulaan. Masisimulan ito sa pagbabasa at masusing pag-aaral sa mga tula ni Teo Antonio.

Sa kabilang banda, ikinalungkot ko naman ang obserbasyon ni Gemino Abad-na sinipi sa  Varsitarian sa pinakabago nitong isyu (December 2, 2009), na nakakaligtaan ang mga akda ng ilang manunulat sa Ingles dahil sa “kakulangan sa isang mausisang pagsusuring pampanitikan.” Kabilang rito si Nita Umali Berthelsen. Aminadong mismong ako rin ay walang kaalam-alam hinggil sa buhay ni Berthelsen at ang kaniyang naging ambag sa kathang Ingles. Bagama’t sinaliksik ko ang ilang lumang isyu ng Varsitarian noon para sa aming anibersaryo, wala akong napansin na akda niya sa mga nasabing back issue. Nakakahinayang dahil-ayon nga sa artikulo ng Varsitarian- napuri pala si Umali-Berthelsen ni Teodoro Locsin, Sr. ang kaniyang istorya na isinumita para sa patimpalak na tinaguyod noon ng Philippines Free Press.Maganda sanang pagkakaton iyon upang matunton ang naging takbo ng kaniyang pagkatha.

Nawa’y magsilbi pang hamon ang Parangal Hagbong at ang Ustetika upang a.) muling matuklasan/mapahalagahan ang mga matatandang manunulat at b.) makadukal rin ng bagong talento mula sa mga kabataang manunulat. Naniniwala akong maraming Tomasino diyang mahuhusay at matinik magsulat. Kailangang lang mahanap sila.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s