Bayani

(sa gunita nina Andres Bonifacio, Manny Pacquiao, Efren Penaflorida. at bilang tugon sa naganap na masaker sa Magindanaw)

Sa ating hinagap, dapat lumalabas na ang mga bayani sa panahon ng kagipitan, pagsubok o kahirapan. Tulad na ipinapakita sa mga palabas, pelikula, alamat o mito, inaasahan natin lilitaw sila upang iligtas ang kinabibilangang bayan, lipi o pamayanan mula sa mga kalaban  o manlulupig na dayuhan. Bagamat may mga pagkakataong kawangis natin ang ating mga  bayani (dahil ang ilan sa kanila’y mga karaniwang mamamayan), binubukod natin sila dahil sa alam nating may tinataglay silang kakaibang kapangyarihan, galing o isip. Sa mga alamat, maaaring silang lumipad sa eyre,lumunok ng bato o maglabas ng kapangyarihang ikalilipol ng kaaway. Sa kasaysayan naman, nakagugupo sila ng kaaway gamit ang itak o baril habang nilulusob ang kalaban.

Subalit, ika nga ng isang dakilang makata, hindi na panahon ngayon upang magpabaril o magpakamatay sa labanan.  Bagamat lalong nabubutas ang ating mga bulsa, at  dumarami ang mga kawatan, lalong pumapaos naman ang mga plakard at megaphone. Dagdag pa’y mahirap maging bayani ngayon lalo na kung ang papatay sa iyo ay mga kapwa kababayan na tulad ng sinapit ng isang nagngangalang Andres na mulang Tondo.

Kaya’ itinuturing natin ngayong bayani ang sinumang nananalo sa madugong bakbakan sa ring. Lalo na yaong mga nakakasungkit ng titulo mula sa pitong magkakaibang kategorya. Ipinagdarasal nating mananaig ang kaniyang kamao laban sa alistong suntok at galaw ng katunggali. Upang pagtagumpay ay ipaparada sa kalsada, paghahandaan ng piging, at pagkakaguluhan ng midya’t madla. Sa kabilang banda, masasabing itinuturing pa rin ang kabayanihan bilang paggawa ng simpleng bagay na makakadulot ng kabutihan sa karamihan.  Kamakailan lamang ay may kababayan tayong pinangaralangan sa ibang bansa dahil sa “kabayanihang” ipinamalas sa kaniyang pamayanan. Sa pamamagitan ng pag-iikot sa mga kalye ng kanyang bayan, gamit ang kaniyang kariton- upanga makapagturo sa mga kapus-palad,  naipamahagi niya ang karunungan na walang hinihinging bayad o kasikatan.

Subalit papaano kung maharap tayo sa isang sitwasyon na kung saan walang sasaklolo sa atin? At sa halip kaharap natin ang dulo ng baril, o dili kaya ay ang talim ng espada o itak?  Ganito ang sinapit ng 60 kababayan nating walang-awang pinaslang sa isang liblib na bayan sa Mindanao. Isandaang armadong lalaki ang iniulat na tumambang sa konvoy ng isang politikong tatakbo sana sa darating na halalan. Bakit walang sumagip sa kanila na bayani mula sa eyre, o lumitaw sa masukal na damuhan upang lipulin-sa anumang paraan-ang isandaang mababagsik na mata’t bala?

At tanging anos ng pulbura at alingawngaw ng yumayaong hiyaw ang mababakas at masusumpungan?

At ngayon, umaalingawngaw ang mga salita upang “madakip ang mga malaya pang kriminal,” wika ng isang makata para sa isa pang kalunos-lunos na krimen. Nagtitiim tayo ng bagang at umuusal ng mga dasal upang sumamo sa ating mga pinuno na gawin ang lahat upang tumimbang kahit minsan ang katarungan. Na kahit mas mabigat pa sa timbangan ang apelyido’t bulsa ng mga nasasakdal. Nililitis natin sila  ng ating mga mata’t kamao. Habang hinihintay na basahan sa korte ang mga nasasakdal.

Magmasid muna tayo baka sakali may lumabas pang bayani mula sa ating mga pamayanan. Kahit hindi siya lumilipad sa eyre,  lumulunok ng bato o humahagis ng bolang apoy. At baka kamukha niya ang isa sa atin.

One thought on “Bayani

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s