Astig

Paano ba masasabing kahanga-hanga ang isang akdang nakasulat? Kailangan bang malalim at mahirap unawain ang mga konseptong nais ipabatid ng manunulat? O hindi kaya naman ay dahil maraming mambabasa ang nakabasa na’t nagpuna rito (na kumbaga sa mga artista ay may fan base).

Para kay Vlad Gonzalez, isang propesor sa U.P., ang pagsulat mismo ang kahanga-hanga’t astig.

Kaya’t sa pagsuyod sa librong Isang Malaking Kaastigan (Milflores Publishing, 2008), mapapansing hindi isinasaaad kung totoo nga o kathang isip ang 21 mga kabanata na mistulang mga diary entry sa blog . Sa halip, tila mas mahalaga na ang pagsulat ng kung anong nais sabihin  ng isang tauhan base sa mga personal na karanasan, obserbasyon o mga sitwasyon na tila imbento lamang ang mga detalye.

Sa loob ng mga kabanata na ito nagbabalik-tanaw ang nasabing di pinangalanang tauhan  (na maaaring si Gonzalez mismo) hinggil sa kaniyang buhay-hayskul at kabataan. Dumadako ang mga  pagsasalaysay mula sa pagtalakay sa kaklaseng tila sirkero kung nagtatambling-tambling sa ere, kung paano nag-aaway-bati ang mga magulang ng tauhan at ang pag-aalis . Nababanggit din sa pagsasalaysay ng tauhan ang kaniyang buhay kolehiyo at ang mga karanasan niya sa pagsali sa ROTC sa UP Diliman at paano siya nagkaroon ng mga kaibigan mula sa iba’t ibang kolehiyo ng “State University”.

Winakasan ng tauhan ang pagkukuwento niya sa paggunita sa isang stall ng Burger Machine sa Tandang Sora bago ito gibain dulot ng pagpapalawak ng kalsada.

Sa pagitan ng mga pagkukuwentong ito ay isiningit ni Gonzalez ang mga detalyeng  kagila-gilalas tulad ng babaeng sumasayaw na tila sirkero at ang isang kapitbahay na ang dating trabaho umano ay ang paghahampas ng mga aswang sa isang malayong pulo.

Para sa mambabasang nasanay na sa pagbubukod ng mga akda bilang mga “nobela” o “katha”o “sanaysay,” maaaring mahirapan siyang maihanay ang akda ni Gonzalez sa alinmang mga nabanggit na anyo. Ito ay dahil  sa walang malinaw na plot,  daloy ng salaysay, at tunggalian (conflict). Gayunman, ang kawalang-katiyakang ito ang magsisilbi ring hamon sa mambabasa na tukuyin ang alin sa mga detalyeng isinasaad sa akda ang tila makatotohanan sa mga mas hawig sa kagila-gilalas.  Bukod pa rito ang  pag-udyok sa mambabasa na suriin kung ang kaniyang mga ginugunitang alaaala ay totoo ba talaga o nahaluan na rin ng mga “kinathang” detalye.

Sa tingin ko ay kalakasan din ng akda ang kawalang-katiyakang ito dahil hindi na nagpapakulong ang akda sa mga takdang anyo ng panitikan. Sa halip ay waring inaanyayahan pa ang mambabasa na humusga, base sa sariling pag-unawa kung nobela ba ang akda o kalipunan ng mga sanaysay/blog entry.

Kapansin-pansin din ang paglahok ng mga usaping popular culture sa akda gaya ng pagbanggit sa mga kanta ng Eraserheads (“Tikman,” at “Torpedo”), ang panggagaya sa format ng isang teenage show (T.G.I.S) at ang pagkukwento ng tauhan hinggil sa pamimili ng mga DVD.  Nagsisilibing inspirasyon din ito sa manunulat na magkuwento o magsalaysay base sa kanilang panahon at lugar at huwag malilimitahan sa mga paksaing nasa bukid lamang o sinaunang panahon, gaya nga ng nabanggit ni sir Rio Alma minsan.

Kung gayon, atin nang ipagpatuloy ang pagsulat (at pagbasa.)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s