Blogging at Panitikan

Setyembre last year nang ako ay magsimulang magblog. Bakit ko naisipang magpost dito ng mga entry, na noong una’y mga tula, ngunit paglaon ay mga book review o kuro-kuro sa anumang paksain lalo na iyung may kinalaman sa panitikan?  Gusto ko lang kasing may lagusan ako ng aking mga saloobin at mga naiisip na akda na madalas lang na “nilulumot” lang sa mga pahina ng mga notebook na kung mabasa at maanay ay “byebye” na rin ang aking mga isinulat. Gusto ko ring kahit papaano ay makakuha ng mga tugon sa sinumang interesadong basahin ang aking mga napost na entry upang sa gayon ay mapaganda’t mapaayos ko pa ang mga ito. Gusto ko ring ibahagi ang mga napupulot na kaalaman pagdating sa panitikan, lalo na iyong mga nakuha sa pagbabasa sa blog ng mga manunulat na Pinoy (sa Ingles man o Filipino nagsusulat).

Dahil napadako na rin tayo sa blog ng mga manunulat, babanggitin ko na rin ang mga madalas kong basahing blog ng mga manunulat.

Una akong napabasa nang husto sa Alimbukad (www.alimbukad.com) blog ng makatang si Bobby Anonuevo. Hindi ko na maalala ang saktong hudyat upang magbasa ako ng mga entry dito pero naalala ko last year pa iyon, habang naghahanap ng trabaho at nagpapalipas oras lang sa cyberspace. Simula noon naging masugid na akong blogistang bumibista rito. Inaabangan ko ang mga entry ni Anonuevo na tampok ang mga kritika, sanaysay, pagsusuri at kolum hinggil sa panitikan, current events, o kasaysayan habang kinasasabikan ko ring basahin ang mga tulang tuluyan niya. Sa loob ng isang taong mahigit kong pagbabasa sa Alimbukad, marami akong natutunan sa panitikang Filipino (at kahit sa panitikang pandaigdig) na hindi nabanggit sa mga teksbuk ko noong hayskul (dahil sa maraming kadahilanan). Nakilala ko rin ang mga importanteng personalidad sa panitikang Tagalog (at Filipino). Napagtanto ko ang naging daloy ng panitikang Tagalog – sa tula man o prosa- simula noong panahong pre-kolonyal hanggang sa kasalukuyan, kung paano naging malakas ang naging hatak ng tradisyon  sa panig ng mga makata bilang pananggalang labang sa mga impluwensang Amerikano noong dekada 20, at kung paano sinubukang gamitin ng mga manunulat ang nobela bilang anyong pampanitikan. Nalaman ko rin paano nagsalikop at nagtunggali ang mga teoryang  nagsasabing ang panitikan ay dapat nakikilahok sa mga usaping panlipunan at mga kaisipang nagsasaad na ang panitikan ay dapat namumukod bilang isang  uri ng sining lamang.  Natutunan ko rin sa blog na ito ang kahalagahan ng paggamit sa wikang Filipino hindi lamang sa panitikan kung hindi sa lahat ng aspeto ng buhay. Patunay mismo ang blog na ito na kayang makipagsabayan ang Filipino sa ibang wika pagdating sa talastasan sa cyberspace.

Pahabol na pagpapahalaga. Natutunan ko rin sa Alimbukad na hindi dapat ituring na sagkil sa paglago ng panitikan at wikang rehiyonal ang paggamit ng Filipino, na nakabatay sa Tagalog ngunit “nagparaya ang huli” para sa ikabubuti ng bansa. Sa halip maaari pa ngang ituring ang Filipino bilang lagusan at imbakan ng karunungan, konsepto at kaalaman mula sa mga wikang ito upang iugnay ang mga mamamayan na mula sa iba’t ibang dako ng bansa sa iba’t ibang aspeto. Bukod pa rito ang posibilidad na maiangat sa pandaigdigang antas ang mga salita’t konseptong ito kung atin lamang hahangarin at pagsusumikapan.

Madalas ko ring basahin ang blog ng aktibistang makata’t scriptwriter na si Jose “Pete” Lacaba. Bagama’t paminsan-minsan lamang ang paglabas ng mga entry sa blog na Ka Pete (kapetesapatalim.blogspot.com), nababawi naman dito ang mga pagsasalaysay ni Lacaba hinggil sa kaniyang mga karanasan bilang manunulat at ang paniniwala niya sa panitikan bilang behikulo sa pagbabagong panlipunan. Makikita ang anggulong ito sa mga muling pagpost niya ng mga lumang tula at artikulo hinggil sa First Quarter Storm ng 1970, panahon ng diktadurang Marcos, mga tula ng makatang Aleman na si Bertolt Brecht at mga  iskrip niya sa pelikula. Napukaw rin ang interes ko kamakailan lang nang mabasa ang post ni Pete Lacaba hinggil sa buhay at naging kamatayan ng kapatid na si Eman. Idinetalye ni Lacaba sa entry na “Eman” ang talambuhay ng nasirang kapatid mula sa pagiging isang makatang estudyante sa Ateneo hanggang sa pagkasawi sa isang raid ng mga sundalo sa Davao noong 1976. (nang panahong iyon ay sumapi na si Eman sa New Peoples’ Army) Nagulantang naman ako sa salaysay ni Pete na namatay si Eman nang barilin siya mismo ng isang kasamahang nahuli ng mga sundalo at pinilit lamang umano barilin ang kapwa kadre.

Subalit huwag isiping mabibigat palagi ang mga paksaing inilalabas ni Pete sa kaniyang blog. Nakakatuwa at interesante rin ang mga entry niya hinggil sa wika. Nagpost si Lacaba ng ilang mga artikulo na mula pa sa mga pahayagan na tumatalakay sa uri ng Ingles na ginagamit dito sa ating bansa, ang mga terminong ika nga ay maisasaklaw sa “Philippine English” at kung paano ito naiiba sa ibang uri ng Ingles. Nagkukuwento rin siya ng mga pangyayari na nakadaupang palad ang mga higante sa kulturang Filipino gaya ng direktor na si Lino Brocka, at si Nick Joaquin, ang National Artist sa Panitikan.

Interesante naman ang mga pagmumuni-muni ni Butch Dalisay sa wika at pluma (yung totoong pen) sa kaniyang blog na Pinoy Penman (http://homepage.mac.com/jdalisay/blog/MyBlog.html/). Kabilang sa entry na ito ang mga kolum niya na inilalathala sa Philippine Star. Una kong binasa ang blog na ito mga three weeks ago at mula noon ay patuloy ko nang sinuyod ang Pinoy Penman. Samu’t sari ng mga talakay, muni-muni, o kuro kuro niya hinggil sa panitikan, wikang Ingles, blogging at social networking sites at  kahit simpleng pagkakaratay sa ospital.Nalaman ko naman sa kaniya ang ilang internasyonal na patimpalak-pampanitikan paris ng Man Asia Award na kung saan napabilang siya sa mga na-short list na kalahok noong 2007.

(Ngayoon ko lang naisip na doble-kara pala ang pamagat ng blog at kolum ni Dalisay. Una dahil manunulat siya kaya “penman”. Pero literally “penman” din siya dahil mahilig siyang mangolekta ng mga antigong pen tulad ng Parker Vacumatic at Sheaver na siya namang itinatampok sa ilang post niya. Basahin naman ang ilang entry gaya ng “Writing in Style” at “A Collector’s Joys.”

Para naman sa mga gustong makaalam hinggil sa pagsulat at ang naging kasaysayan ng nobelang Filipino, palagay ko’y makakatulong ang blog ni Edgar Samar Calabia na Nobelang Atisan. Tampok dito ang mga book review ni Samar, na nagtuturo sa Ateneo de Manila University, hinggil sa mga pag-aaral sa poma at nilalaman ng nobela. Kabilang dito ang “Unang Siglo ng Nobela ng Filipinas ni Virgilio Almario,”  na sinusuri ang ginawang pag-aaral ni Almario sa nobela noong dekada 70; “Sa mga Suso ng Liwanag ni U.Z. Eliserio” at ” On ‘Batbat hi udan’ by T.S. Singkil Jr.”

(Interesante ang huli dahil itinatampok rito ang nobelang isinulat ng isang Higaonon Manobo tungkol sa isang epikong ng kaniyang komunidad. Sinasabing ito ang unang nobela na tungkol sa kultura ng mga Pilipinong di binyagan.)

Marami pa akong nasuyod at nakitang blog ng mga manunulat. Kabilang dito ang Multiply site ni Joey Baquiran  (http://joeybaquiran.multiply.com), na kung saan nabasa ko ang talakay niya sa U.P. hinggil sa sining ng pagsulat ng sanaysay; Vim Nadera; Ralph Semino Galan (na naging propesor ko sa Literature sa kolehiyo); Marne Kilates at Rolando Tolentino at pati si Teo Antonio. (Patunay rito na nakikilahok rin ang mga itinuring  na tradisyonal na manunulat sa mundo ng mga blogista upang ipagmalaki ang sining ng Salita.)  Gusto ko namang bisitahin ang mga blog nila  Wendell Capili, Luna Sicat Cleto at Danton Remoto.

Patunay naman ang mga blog na ito na hindi na nakukulong ang salita sa marupok na papel o inaagiw na libro. Bagkus maaari na silang pumaimbulog sa mundo ng cyberspace upang pumukaw sa sinumang nagnanasa (at naghahanap) na makadaup-palad ang mga primera klaseng manunulat ng ating bansa, sa wikang Ingles man o Filipino.

Kaya patuloy rin akong magboblog .

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s