Aplikante

Tulad ng dati, ginagalugad ng kaniyang mga paa at mata ang iba’t ibang opisina ng kaniyang larangan; maaaring mga lumang gusali ng mga dyaryo na kalapit ang mga warehouse at pabrika sa Pier, o di kaya naman mga nangagsitangkarang building sa Ortigas, Libis, o Makati. Naglalakad siya sa ilalim ng mainit na araw, nakikisiksik sa pagsakay sa MRT, nakikihabol na maunang makaupo sa FX o bus, huwag lang mahuli sa itinakdang oras ng paglutas sa mga tandang pananong at puwang. Mabubutas na naman ang bulsa niyang nakailang beses nang tinastas ng kaniyang ina.

Gusto ko nang magsulat, aniya.

Tulad ng dati, naka business attire siya, (ngayon, suot niya’y kulay yellow na polo, itim na pantalon at leather shoes)  habang papunta sa mga opisinang ito. Nagpapabango na siya kaagad sa bahay pa lang kahit batid na maghihilamos naman siya ng usok o alikabok pagbiyahe. Kailangang presentable ka kapag magaaply sa trabaho, ulit-ulit niyang diin sa sariling kukote.

Gusto ko nang magtrabaho para makapagsulat, aniya.

Tulad ng dati, sasagot siya ng mga eksameng susukat sa liksi at bilis ng kaniyang utak na malutas ang ilang gawa-gawang mga suliranin. (Syempre pa’y sa wikang Ingles): Ano ang susunod na hugis na lilitaw mula sa serye ng mga hugis? Ano ang mas mabigat, isang kilo ng bulak o isang kilo ng bakal? Sino ang ama ng ama ng iyong ama?  Isulat ang  tamang baybay ng mga salitang ito. Etsetera etsetera. O kapag kakapanayamin na siya’y gagalugarin ng HR manager ang kaniyang nakaraan, susukatin ang haba at kapal ng diploma’t resume na kaniyang isinumite, bukod pa sa sinisigurado ang katatatagan ng kaniyang tuhod sa pagpasok sa larangang ito.

Nagsulat siya nang nagsulat. Nagsalita siya nang nagsalita.

Tulad ng dati, bitbit niya ang pangwakas na mensahe ng HR manager na tatawagan na lamang siya kung nakapasa sa pagsusulit o sa pakikipag-usap. Gumaan na ang kipkip niyang folder.

Tuwing pag-uwi, ginagalugad na ng kaniyang mga mata ang kisame, sahig, mga mesa at kompyuter ng naturang opisina bago tuluyang umanib sa kalye sa labas.

Sana makapagsulat na ako.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s