Tayutay at talinghaga

Tinalakay naman noong Linggo (Hunyo 28)  ang iba’t ibang uri ng tayutay at paano magagamit ang mga ito para makabuo ng talinghaga, Naglecture sa amin sina Nikka Osorio, na kasapi ng LIRA, at ang taga-salin/ book designer na si Fidel Rillo. Sa panayam ni Osorio nang umagang iyon, pinabasa at pinasuri  sa aming mga dumalo ang ilang mga tula nina Federico Licsi Espino, Jr, Lamberto Antonio, Jose Lacaba, Jing Castro Panganiban, Erik Dasig Aguilar, Teo Baylen, at Allan Popa.

Narito ang  tatlo sa  11 mga tulang ito na sa palagay ko ay naglalaman ng pinakamagagandang talinghaga dulot ng masinop at mahusay na paggamit ng makata sa mga tayutay.

“Ang Unang Sulyap sa Taong 1967”
Lamberto Antonio


Ang mga tao’y
Uod sa bunganga ng simbahang Quiapo-
Isang uri ng natungkab na nitso;
Sa loob,
Naagnas na bangkay
Ang bawat pari at santo.

Maiksi lamang ang tula na binubuo ng anim na linya at nasa anyong malayang taludturan. Subalit marami nang sinasabi rito ang makata na hindi direktang ipinahayag at sa halip ay nakapaloob sa mga metapora. Sa unang wari ay napansin lamang ng persona ang paglabas-masok ng mga deboto sa simbahan ng Quiapo. Subalit sa pagpapahayag na ito ay nasambit niya ang mga linyang “Uod sa bunganga ng simbahang Quiapo” at “Naagnas na bangkay/Ang bawat pari at santo.” Mga metaporang ito na direktang iniugnay ang mga deboto, pari at mga estatwa ng mga santo sa mga bagay na sumisimbolo sa kabulukan. Taliwas ang binubuo nitong imahen sa karaniwang ideya na ang simbahan ang magiging takbuhan ng sinumang nawalan ng pag-asa at nagdarasal sa mga santo’t at sa Poon na mapaginhawa nawa ang buhay; sa halip ay naging simbolo pa ito ng kamatayan, pagkaagnas o baho.

Kung sisipatin pa nang maigi ang tula, mapapansin ang palabas-paloob na pagsasalaysay sa eksena ng pagpasok ng mga tao sa simbahan at ang pagdulog nila sa pari at mga santo sa loob ng simbahan. Kung anumang klaseng kabulukan ang nakita niya sa mga deboto at sa mga pari’t santo ay hindi namang tahasang sinabi ng persona. Maaaring tumutukoy ito sa paimbabaw na pananampalataya ng mga tao na nagdarasal subalit patuloy na gumagawa ng kasalanan. Maaari ring tinutukoy rito ang kabiguan ng Simbahan na makabigay ng sagot sa mga panalangin at tanong ng mga miyembro nito. Tila hinahamon  pa nga ng makata ang mga mambabasa na alamin ang konteksto, tulad ng ano ang mga partikular na pangyayari noong 1966, na nagtulak sa persona o makata na sabihing pangitain sa 1967 ang nakitang niya umanong kabulukan sa pagpunta ng mga tao sa simbahan .

Kasing-ikli naman nito “Ang Saksi” ni Erick Dasig Aguilar na may apat na saknong at  walong taludtod. Narito ang kabuuan ng tula:

Kita niya sa siwang
ng dingding
ang magnanakaw.
Ngunit napipi
ng pusang mata.

Napasigaw ang kapitbahay.

Ninakaw ang tinig
na dapat ay kanya.

Payak lamang ang naratibo ng tulang ito (na isinilaysay sa perspetibong ikatlong persona) sa unang basa: napipi ang isang saksi habang tinatangkang isigaw ang nakitang pagpasok ng isang “magnanakaw” sa loob ng isang bahay. Subalit marahil sa takot o pagkagitla ay hindi naibulalas ng saksing ito ang kaniyang nais sabihin at sa halip ay isang kapitbahay na nakakita rin sa pagpasok ng magnanakaw ang siyang sumigaw.

Ibang usapan naman kapag sinipat na ang paggamit ng parikala sa tula.

Mapapansing  tumutukoy sa kilos ang dalawang klase ng parikala sa tula: pagtingin (visual) at pasalita (verbal) Sa unang dalawang taludtod, bagamat nasilip ng saksi sa siwang ng dingding ang pagpasok ng “magnanakaw,” tila natigilan naman siya, marahil ng pagkabigla o pagkatakot kaya “napipi siya ng matang pusa.”  Kaya kahit nakita niya ang pagpasok ng magnanakaw ay wala siyang magawa kung hindi sumilip lang sa siwang. Sa huling dalawang saknong, may napasigaw, ngunit ang kapit-bahay na ng saksi ang sumigaw habang napipi naman ang huli at ni bulong ay lumabas sa kaniyang bibig . Tutuldukan naman ang tula ng huling taludtod na nagbubuod sa parikala ng buong tula: “Ninakaw ang tinig/na dapat ay kanya.”

Kapansin-pansin din na hindi isinaad kung anong klaseng magnanakaw ang pumasok,  partikular na kung nakasuot ba ito ng bonnet na parang miyembro ng Akyat-Bahay Gang. Malayang isipin din na ibang “pagnanakaw” ang ginagawa ng kawatan nito (hal.pakikiapid sa asawa ng may-asawa ). Isa itong puwang sa tula na maaaring paglaruan ng isip ng mambabasa.

Ikinatutuwa ko rin ang tulang “Erotique” ni Federico Licsi Espino, Jr. Narito ang kabuuan nito:

“Erotique”

Federico Licsi Espino, Jr.

Nag-aalma ang lunggati, sa budhi ay sumisikad,
Kalayaan, kalayaan ang tuwina’y hinahangad.
Dumadamba, dumadamba kapag renda’y hinahatak-
O! Kay hirap na supilin , may latigo ka mang hawak.

Binubuo ito ng isang saknong na may sukat na labing-anim at tugmaang karaniwan. Subalit sa loob nitong maikling tula ay nakapalaman ang paggamit sa implied metaphor,  personipikasyon at repetisyon. Sa tulang ito, tuwirang iniugnay ng makata ang mithiing makiniig ng persona ang kasintahan sa pagpapalag ng kabayo mula sa pagrerenda rito ng amo. Nilagyan din niya ng mga  kilos ng kabayo ang lunggating ito upang lalong mapaigting ang ugnayan ng pag-aalpas ng damdamin sa pagpapalag ng kabayo (“nag-aalma ang lunggati,sa budhi ay sumisikad… dumadamba, dumadamba kapag renda’y hinahatak.” Nagdagdagan naman ng musika ang tula dahil sa pag-uulit ng dalawang salita (“kalayaan,” at “dumadamba.”) bukod pa sa balanseng caesura (o hati) sa mga taludtod (8/8).

Kapansin-pansin din na maaaring mabasa ang tula sa tatlong paraan: a.) literal na pagkakalas ng kabayo mula sa pagkarenda, b.) angpag-aalpas ng damdaming seksuwal laban sa pagtitimpi at c.) paghihimagsik ng mga tao laban sa labis na pagkontrol ng lipunan . Mababanggit ito dahil sa  mga susing salita: “nag-aalma, sumisikad,kalayaan, hinahangad, dumadamba, renda’y hinahawatak, supilin, latigo na hawak.”

Sa mga nabanggit kong tula makikita na sa mahusay na paggamit ng mga tayutay ay makakagawa ang makata ng mga tulang dudulas sa pangkaraniwang at isahang pagbasa tungo sa malikot at masining na pag-unawa.

3 thoughts on “Tayutay at talinghaga

  1. Mayroon po ba kayong alam na tula na may labing limang stanza? at ginagamitan ng tayutay? ang inyong mabilisang pagsagot sa tanong na ito ay ikakasaya ko, maraming salamat po.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s