Panimulang pag-aaral ng tula

Pangunahing sandata o kasangkapan ng manunulat ang salita upang maipahayag niya ang kaniyang mga diwain, saloobin, ideya o salaysay na nais niyang ilahad sa mambabasa Sa kaso ng makata, marapat ding matutunan muna niya ang iba’t ibang klase ng bigkas at tunog ng salita upang makalinang ng magandang tugmaan sa isang tula.

Ganito ko maibubuod ang talakay ni Ginoong Michael Coroza, premyadong makata at sanaysayista, hinggil sa sukat at tugma sa isang panayam sa LIRA noong Hunyo 14 . Sa loob ng isang araw na lektura sa UP Diliman College of Arts and Letters  ay inuri niya ang mga tunog at bigkas  ng mga salita sa Tagalog / Filipino.  Itinuro ni Coroza sa amin na sa tradisyong Tagalog/Filipino, may dalawang klase ng tugmaan kapwa para sa patinig(vowels) at katinig (consonants).  Para sa patinig, mayroong mga tunog na “may impit, ” at walang impit.” Ilang halimbawa ng mga salitang “may impit”: salitâ, dakilâ, pakanâ.Tinutukoy sa impit ang pagbigkas na may “ipit” sa lalamunan. Kabilang naman sa mga salitang walang impit ay masaya, dalaga, pakikipagkita.

Maiuuri naman ang katinig sa “malakas” at “mahina.” Tumutukoy ang “malakas” na katinig sa mga salitang nagtatapos sa “b,” “k,””d”,”g”,”p”,”s”  at “t. Saklaw naman sa “mahinang” katinig ang mga salitang nagtatapos  sa “l,” “m,” “n,” “ng,” “r” “w” at “y.”

Matapos ang bawat pagtalakay ni G Coroza ng mga nabanggit na tugmaan sa patinig at katinig, inisa-isa naman kaming lahat na nasa loob ng silid na iyon (mga 20 yata kami noon) na magbigay ng mga salitang mayroon at walang impit, pati na ang malalakas at mahihinang katinig. Nakita ko sa mga ehersisyong ito na kailangan talagang bihasa o kahit man lang marami nang alam na salita ang makata para lamang makaisip ng salitang tutumugma at tumutukoy sa detalyeng nais niyang sabihin. Kailangan din ang ibayong pagtatalas ng isip para makaisip pa ng ibang salitang nais niyang ipantukoy sa isang detalye. (Nabatid ko ito dahil napilitan akong mag-isip isip pa ng mga salita sa tuwing nababanggit ng ibang fellow ang mga salitang gusto ko sanang gawing halimbawa sa bawat ehersisyo). Mapapabasa ako tuloy nang madalas ng UP Filipino Dictionary (at kung papalaraing makabili pa, ng Tesauro-Pilipino-Ingles ni Jose Villa Panganiban).

Sa hapong iyon, pinag-usapan naman ni Coroza ang apat na antas ng tugmaan: karaniwan, tudlikan, pantigan at dalisay. Tinutukoy sa karaniwang tugmaan  ang pag-uulit ng dulong tunog ng mga pinatutugmang salita   samantalang masasabing tudlikan ang tugmaan ng mga salita sa isang saknong kapag parehas din ng bigkas ang mga ito (malumi sa malumi, maragsa sa maragsa atbp). Pantigan naman ang tugmaan ng mga salita kapag magkapareho ng dulong katinig-patinig, o patinig-katinig ang mga pinatutugmang salita. Maituturing namang pinakamahirap at pinakamasalimuot ang tugmaang dalisay dahil kailangang a) parehos ang bigkas ng mga dulong pantig b)parehas din ang dulong katinig-patinig.patinig-katinig at c)parehos din ang patinig ng mga pinagtutugmang salita bago ang kanilang huling patinig.

Tila nag-aral uli ako ng gramatika sa Filipino dahil sa mga natutunan ko sa panayam na iyon ni G. Coroza. Pero sa ngayon mas didibdibin ko na ang pag-aaral na ito dahil nakasalalay rito ang kagandahan ng tunog na mububuo mula sa pagtugma ng mga salita.

Pinasulat din kami ng tanaga na kung saan kailangan makabuo kami ng tugmaang karaniwan. Ipapasuri namin ang mga ito kay G. Coroza, at kung sa tingin niya ay nasagot na ang hinihinging tugmaan ay ipapasulat na sa mga fellows sa whiteboard ang mga nagawang tula (upang isuri naman ng mga opisyal ng LIRA na naroon din!). Heto naman ang naging tanaga ko:

Ako ay nababanas,
Ika’y mapagmataas.
Kapag kita’y kaharap,
Gusto ko nang pumalag.

Tugmaan pa lamang ito, at hindi pa napag-uusapan ang balangkas, himig at paggamit ng metapora at iba pang teknik sa pagtula.Kailangan ko pa ng “dibdibang” pag-aaral at pagbabasa ng pagtula upang sa gayo’y makapagsulat ako ng piyesang maganda sa pandinig at may ipinahahatid na diwain.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s