deja vu

Balitang-balita ngayong Linggo ang pangangamba ng mga civil society groups, mga opposition congressmen, mga maka-kaliwang grupo at pati mga dating opisyal ng pamahalaan na magtatagal sa poder ng kapangyarihan si Pangulong Arroyo, kahit sa ibang pamamaraan. Kabilang umano rito ang pagtakbo bilang kinatawan sa home province  niya sa Pampanga upang maging punong ministro siya kung sakaling gawin nang parliamentary form of government ang ating sistema ng pamahalaan. Ipinakita ang pangangambang  ito  sa malakihang demonstrasyon sa Makati noong Miyerkules na kung saan kinondena din  ng tinatayang 10,000 ralyista, at ng mga nagsalita roong madre, mga senador at militante ang tila pagmamadali ng House of Representatives na mapabago ang Saligang Batas sa pamamagitan ng pagpulong bilang isang Constituent Assembly Ayon sa mga tumutuol sa mabilisang pagpasa ng HR 1109 noong Hunyo 2, minadali ng mga kaalyadong kongresista ng Pangulo ang pagpasa nito upang sa gayon ay mapahaba pa ang termino ni Gng. Arroyo at ng iba pang opisyal na halal ng bayan (bise presidente, senador, kongresista, mayor etc).

Ito ay sa kabila ng isang probisyon sa resolusyon na nagsasabing “Hindi palalawigin ang termino ng mga opsiyal na ito”.Ayon pa sa mga nagpanukala ng nasabing resoulyion, ninanais nilang magpulong bilang constituent assembly ang Kongreso upang baguhin ang ilang probisyon sa Konstitusyon na “restrictive to foreign investments in land and business ownership.”

Kung babalikan natin ang kasaysayan, tila alingawngaw ang mga nangyayari ngayon noong 1970, nang umugong ang mga balitang magtatagal sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos sa gitna ng patuloy na pag-rally ng mga estudyante, paglakas ng mga kilusang komunista at Moro, at pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Humantong naman ito sa isang insidente noong Enero 30, 1970 na kung saan idiniin sa isang pagpupulong sa Malakanyang ng isang student leader, si Edgar Jopson, na isulat ni Pangulong Marcos ang pangakong hindi siya tatakbo muli sa pagkapresidente ng Pilipinas (basahin ang talambuhay ni Jopson sa U.G. ni Benjamin Pimentel).  Na tinugunan umano ng Pangulo na “Who are you to tell me what to do, you son of a grocer! (dahil anak ng isang may-ari ng grocery si Jopson.)

(Matapos nito ay sumugod na ang mga estudyante sa isang gate ng Malacanang; apat ang namatay sa sumunod na street battle sa Mendiola.)

Na tila tama ang hinala ni Jopson na magtatagal sa puwesto si Marcos dahil noong 1972, nagdeklara ng batas militar si Macoy upang “iligtas ang bansa mula sa mga subersibong elementong nais matalsikin ang gobyerno.” At lumaki ang isang henerason ng mga Pilipino na walang ibang kilalang pangulo kung hindi si Apo Macoy.

Sa tingin ko dapat tiyakin din ni Pangulong Arroyo sa isang nakasulat na pangako na HINDI na siya tatagal sa poder sa anumang paraan (kahit tumakbo bilang kongresista sa Pampanga). Hindi nga ba minsang nangako si Madam President na hindi siya kakandidato sa 2004? ngunit, alam naman natin ang mga sumunod na pangyayari. At siya nga pala, first year high school pa lang ako nang maluklok si Arroyo bilang pangulo bunsod ng EDSA Dos.  Bagama’t sinasabi ng mga ekonomista na nakatulong ang ilang patakaran ng Pangulo upang makaiwas ang Pilipinas na tamaan nang husto ng global economic crisis sa pamamagitan ng paghihigpit ng sinturon at pagpapalago ng revenues  mula sa loob ng bansa, at pagtaguyod ng trabaho (yun nga lang marami  bilang OFWs) nababahiran na si Arroyo ng katiwaliang isinasangkot sa kaniyang asawa at ilang malapit na opisyal.  Sa dinami-daming iskandalong tumama sa kaniyang administrasyon, pares ng NBN ZTE scandal, Hello Garci, IMPSA power deal, atbp, tila kailangang “magsimula ng bagong dahon” ang Pilipinas sa pamamagitan ng bagong pangulo sa 2010 .Kailangan natin ng isang presidente na wala pang bagahe ng katiwalian o pamumulitika upang sa gayon ay makapamuno siya nang matiwasay at maayos.

At sana maalala natin ang mga pangyayaring ito mulang panahon ni Marcos hanggang kay Pang Arroyo upang hindi na tayo mangamba pang  may Pangulong magtatagal sa puwesto nang walang pagsang-ayon ng taumbayan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s