Pagdalo sa pagbubukas ng Palihang LIRA

Nakakatuwa ang pagdalo ko noong Linggo (June 7) ng pagbubukas ng palihang  Linangan ng Imahe Retorika at Anyo (LIRA) na ginanap buong araw sa CAL New building sa UP Diliman. Bukod sa marami akong nakikalalang bagong kapanalig at kasamahan sa pagsusulat ng tula sa Filipino, nakita at nakapakinig na rin ako nang personal sa panayam ni Virgilio Almario ak.a. Rio Alma nang hapong iyon. At marami akong natutunan tungkol sa panulaan at kulturang Filipino.

Sinimulan niya ang kaniyang mahigit na dalawang oras na panayam sa pamamagitan ng pagtatanong-tanong sa tinatayang 25 dumalong fellow, (kasama ako) kung bakit daw kami sumali sa LIRA, kung bakit gusto namin tumula, at kung may silbing panglipunan ito.  Gusto naming matutong tumula, sabi namin. Nang tinanong na ako  ni sir Rio, sabi ko kaya ako pumasok sa palihan para makapag-aral kami ng mga tuntunin nito sa ng paggamit ng sukat, tugma, metapora at talinghaga. Tinanong naman kami  kung may tungkuling panglipunan ang tula,  sumagot ang ilan sa amin ng oo, dahil nakakapaghikayat  ang makata na makatupad ng ilang adhikain tulad ng pagbabago sa lipunan bukod pa sa binibigkas pa rin ang tula bilang ritwal sa mga katutubong pamayanan.  May ilan naman ang naniniwala na mas pampersonal ang pagsulat ng tula dahil nagsisilbi ito bilang daluyan ng saloobin at diwain ng awtor, gaya ng pagsusulat ng tula sa mga kaibigan.

Napaisip ako sa tanong ni sir dahil bagama’t mukhang madaling saguting ito, inilalantad ng mas malalim na pagsusuri na ideyalistikong isiping kaagad na may tungkuling  panlipunan ang tula. Dahil ang awtor ang susulat ng kaniyang mga saloobin at hahabiin bilang tula sa pamamagitan ng paggamit ng mga metapora, simile atbp, magsisimula muna ang pagtula bilang personal na gawain. Maari lamang ito malagyan ng tungkuling pampolitikal o pambayan  kapag nasagap na ito ng mga mambabasa at naiugnay rin sa kanilang paligid at karanasan.

Maya-maya, tinuon na ni Sir Rio ang kaniyang talakay sa pag-usisa sa malalim na kahulugan ng salitang “tuksuhan.” Aniya, hindi lamang ito tumutukoy sa pang-aasar ng magkakaibigan o ang pang-aakit ng demonyo para gumawa ng kasalanan, ngunit ito ay isang set ng mga tanong na inihahanda ng mga pari noong panahon ng Kastila para sa mga nangungumpisal na tao. Aba, may nadaragdagan naman sa aking bokabularyo at kaaalaman sa kasaysayan ng ating kultura!

Napapaisip ako na marami palang mga karaniwang salita ngayon na tulad ng “tuksuhan” ang naiiba na ang kahulugan dahil sa pagdaan ng panahon. Na kakabit na lang ng “tuksuhan” ang mga kauhulugang “pilyong pang-aasar ng mga magkakaibigan” o di kaya ay “pang-aakit ng demonyo upang gumawa ng sala” sa halip na bahagi ng pagpapatibay ng pananampalataya. Naalala ko tuloy ang isang tulang tuluyan ni sir (“Naga, Mulawin at Ilang Punongkahoy sa Gunita”)  na kung saan nabanggit ang salitang “kulet.” Ayon sa tula, inakala ng mga gurong dumalo sa isang seminar ni Rio Alma na ang “kulet” ay “may kaugnayan sa pangungulit o sobrang pangungusisa” at hindi ang orihinal na kahulugan nitong “palumpon.” Ganoon din naman sa salitang “Kalumpit” na inakala din naman ng mga gurong iyon na pangalan ng isang bayan sa Bulacan kaysa pangalan ng isang puno.

Tinalakay rin ni sir Rio sa kaniyang panayam kung gaano kaikli ng ating pambansang gunita. Aniya, bunsod ito ng kolonisasyon na kung saan pilit binura ng mga Kastila ang ating mga katutubong kultura  at ipinampalit naman ang kanilang tradisyon. Kaya wala nang nalalabing buong epiko ang mga binyagang Filipino maliban sa mga Ilokano (“Biag ni Lam-ang”) at ipinanhalili naman rito ang pasyon ni HesuKristo. At makikita naman din ang maiksing gunitang ito sa pagpapahalaga natin sa ating kultura, aniya. Habang ang mga Egyptians ay inusog ang bawat bloke ng templo ng Abu Simbel nang malamang malulubog ito sa konstruksyon ng Aswan High Dam, hindi naman nating pinapansin ang mga manghahabing gumagawa ng mga komplikado at magandang disenyo sa mga tinalak, inabel at iba pang katutubong damit.(*Hindi nga natin inaalam para kung saan ang mga disenyong ito, dagdag pa ni sir).

Sana ay makatagal pa ako sa mga palihan ng LIRA. Marami pala akong kailangang matutunan hindi lamang sa sukat, tugma, metapora at porma ng tula kung hindi ang kahalagahan ng kultura sa ating buhay.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s