Fairview

1.

Minsan kong pinagtakhan kung ano ang iyong pinagmulan,
Kaya’t napagtanungan ko ang isang drayber
Na matagal ka na raw kilala.
Napag-uusapan ka namin
habang binabagtas ng taxi ang Commonwealth Ave.
Dati kang donselyang talahiban, malayo ka sa kabihasnan.
marahil tinutubuan din ng mga alibangbang, kawayan at mangga
ang iyong mga burol at libis.
Wala yatang nakakabatid sa luntian mong katawan
maliban sa maya, pipit, ahas o usa.

(At umusbong mula sa kaniyang salita ang damuhan at mga puno
Na tumabon sa kalsada,gusali, bahay at sasakyang nakikita ko
Sa iyo ngayon)

Pagsapit na sa Fairview Center Mall, nasabi pa ni Manong:
Hanggang dito lang ang daanan noon, wala nang nangangahas
alamin kung ano ang makikita sa kabila.
Aniya, kung may nakakarating man doon,
Nakahandusay na sa putik, nakatali na ang mga kamay, nakapiring,
At may tama ng bala sa bandang puso o di kaya’y  sa ulo.

Ngayon sanay na siya sa laspag mo nang anyo.
Madalas na niyang bagtasin ang mga kalsada’t eskinitang
gumahasa sa iyong mga burol at libis,
makahatid lang ng pasahero.
Nakatutok lang ang kaniyang mga mata sa daan
Habang nagmamanibela
Maliban na lang kung paminsan-minsang nabubulabog
ng busina’t repekeng
Humalili na sa aliw-iw ng batis at lawiswis ng kawayan.

Samantala, tila tinubuan na ng talahib ang hulagway ko sa iyo ngayon.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s