Liliw

Kararating lang namin mula sa tatlong araw na bakasyon sa Liliw, Laguna. Mabilis ang byahe namin pauwi mulang  kabundukan ng Banahaw pabalik sa Kamaynilan. (Mukhang marami pang tao ang pinapanood pa ang tv telecast ng labanang Manny Pacquiao-Ricky Hatton.) Bukod pa rito, umaraw na kaninang hapon.

***

Huli akong nakapunta ng Liliw noong mga 1990. Tatlong taong gulang pa ako noon, wala pang sapat na malay. Kaya’t pinilit ko ngayong pagmasdan, tandaan, at balikan ang mga nakitang tanawin, nasagap na sariwang-hanging probinsiya, at napakinggan-punto ng Tagalog-Laguna. (*madalas nagtatapos sa “ay” ang pangungusap ng mga taga-Liliw at iba pang karatig bayan sa Laguna at Quezon.).

***

Tila maliit na Baguio ang bayan ng Liliw.  Nasa paanan ito ng bundok Banahaw, at ang sentro ng bayan ay matatagpuan sa tuktok ng isang burol. (Makikita sa poblasyon ang simbahan ng San Juan Bautista na kahanga-hangang napanatili ang disenyo nitong Baroque at ang mapulang mga adobeng bricks). Mula rito ay sasanga ang mga kalsada ng bayan kabilang ang mga panunahing kalye na Gat Tayaw, at A. Mabini. Dahil nataon ang aming pagbisita sa bayan sa taunang Tsinelas Festival, naabutan namin ang dalawang kalyeng ito na mistulang Session Road dahil sa pagdagsa ng maraming tao para mamili ng mga tsinelas, o makisayaw at maikiinom sa mga street party.

Hindi mawawala sa mga okasyong ito ang mga inuman na kung tawagin ng mga taga-Liliw,  Laguna’t Quezon ay “pagbabarik.” Maghahati-hati ang mga manginginom na lumagok ng isang shot ng lambanog, saka sundan ng pag-inom ng “chaser” gaya ng softdrink, hanggang sa maubos ang tinutunggang bote ng lambanog. Sabi naman ng kamag-anak naming taga-Liliw, si Mang Toto, dapat busog ang isang manginginom bago makipag”barik,” at huwag ring kumain ng papaya. Masama ang magiging timpla nito sa tiyan at ulo.

Nagbarik kaming magkakapatid, kasama ang aking tatay, tiyo at si Mang Toto noong alas-otso ng gabi noong Byernes, ang unang araw ng aming pagbisita sa Liliw. Ako ang nagsimulang uminom ng lambanog.  Noong una wala pang tama, sinundan ko pa ng chaser na “Mirinda” ang shot ng lambanog. Sa loob ng dalawang oras ay nagpalitan kami ng kuro-kuro tungkol sa mga kamag-anakan, buhay sa probinsiya, ang mga alintuntunin sa tamang pagbarik, at ang paggawa ng lambanog. Natapos ang gabi na sumuko ang isang kapatid, at ayaw na niyang uminom ng lambanog (“matapang masyado ang lasa”) at ako nama’y tinamaan na ng pagkahilo noong ako’y patulog na. Ngunit wala naman akong hang-over noong kinaumagahan.

***

Lumangoy rin kami sa isang batis ng bayan kahapon. Kakaiba para sa akin ang karanasang ito dahil nasanay akong magswimming sa pool o lumusong sa dagat. Makakatampisaw ako sa malamig na tubig-batis pero kailangan ko ring bagtasin ang mabatong “stream bed” ng batis.Nagtsinelas na rin ako dahil nakakatusok sa paa ang mga batong nagkalat sa ilalim ng batis; gayumpaman, dalawang beses na natatangay ng agos ang mga suot kong sapin. Mabuti’t nakukuha ko rin naman bago tuluyang anurin pababa ng ilog.

Kumuha rin kami ng mga bato sa ilog (matapos mag”tabi-tabi po”). Balak naming gawing panghilod o di kaya’y maging rekwerdo ng bawat naming pagdalaw sa iba’t ibang lugar. Nakakamangha naman  kung paano napadpad sa batis ang mga malaking tibag ng bato .  Marahil, dulot ito ng isang malaking pagbaha noong unang panahon at nabuwal ang mga bato mula sa ilalim ng lupa.

Ang lamig ng tubig -batis! Pinalamig pa kahapon ng hangin at pag-aambon-ambon.

***

Sana makabalik kami sa Liliw next year. At makadalaw pa sa iba’t ibang bayan ng Pilipinas.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s