Sa loob ng karsel

(Paggunita sa kaarawan ni Francisco Balagtas)

Tulad ng dati, dumungaw siya sa bintana ng selda upang muling silipin ang papalubog na araw nitong hapon. Pumupusyaw na rin ang aking pag-asang makakalaya pa ako at makakapiling si Selya habambuhay, bulong niya sa hangin. Muli, namumugto sa ang kanyang mga mata ang mga luhang ulit-ulit nang pumahid sa pisnging natuyot sa paghihintay ng sariwang halik ng kanyang minamahal. At saka siya nagdamdam kung bakit tila mas pinahalagahan ng kanyang Musa ng Pandacan ang pilak ni Mariano Capule kaysa tapat na pag-ibig na alay nitong makatang Bulakeño, gayong bunga lamang ito ng pag-iimbot ng mayamang don na maangkin ang hindi nararapat sa kanya. Hanggang sa napagtanto niya na nakasasawa nang paalingawngawin lamang sa loob ng apat na sulok ng selda ang kanyang mga pighati. Kaniyang ipinangako sa sarili na kanyang isasatitik ang pait ng kanyang karanasan upang gawing simbolo ng kawalang katuwiran dito sa mundong ibabaw.

Kinabukasan ay muli na naman siyang dumungaw sa bintana upang masdan ang abot-tanaw ng isa na namang mailap-sa-layang umaga. At sumagi na sa kanyang isipan ang mga linya sa tulang sinimulan niyang habiin sa pagkagat ng dilim. “Sa loob at labas ng bayan kong sawi / kaliluha’y siyang nangyayaring hari…”

  • Unang nailathala ang tulang ito noong Mayo, 2008 sa The Varsitarian, ang opisyal na pahayagang pang-estudyante ng Unibersidad ng Santo Tomas.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s