Solo

Gusto ko nang humiwalay. Isang taon na rin niyang binubuno ang ideyang ito, kahit sa gitna ng pagtatanghal sa mga gigs, o di kaya’y habang nagrerecord ng bagong album sa studio. Nagsimula lang bilang palipad-hangin sa kaniyang sariling guniguni, hanggang sa lumakas nang lumakas na tila habagat ang udyok na ito sa mga pagkakataong mag-isa lang siya sa pad. Nababagot na siya sa mga mukha’t ideya ng mga kabandang ilang taon na rin niyang nakasama.  Nagsasawa na siya sa paulit-ulit, tila-sirang plakang pagkakanta ng mga hit songs para sa kaluguran ng mga fans. Kinaiinipan na niya ang pangingialam ng record label sa kung ano ang dapat isamang tema sa kanilang mga compositions.

Gusto ko nang humiwalay. Nabubulong din niya sa sarili ang hangaring ito habang pinaplano sa panaginip ang mga balakin. Pupunta sa Amerika para magpahinga. Makikinig ng mga bagong banda para maiba ang kaniyang istilo sa pagtipa sa gitara at sa pagkanta. Aasikasuhin ang lovelife matapos makipagbreak sa kaniya ang girlfriend. Kakalimutan  muna niya ang panahong inilaan para sa bandang ito. Ilang gabi na siyang nakadilat sa gitna ng higaan hanggang abutan ng umaga. Tila hanging-Disyembre ang mga naiisip niyang panukala.

Gusto ko nang humiwalay. Mistulang mantra na itong naglalaro sa kaniyang puso’t isipan. At gusto na niyang yakapin, paniwalaan na parang banal na salita. Kaya’t may mga pagkakataong napapansin ng mga kasama niya ang lalo pa niyang pagiging tahimik, hindi palakibo at pagmumukmok sa isang sulok ng studio. Pero, alam naman nilang ganito na siya, lalo na”t bago susulat ng kanta. Ngunit, ngayon, hindi nila nakitaan itong may hawak na papel, chord books, o tangan-tangang gitara. Nakaupo lang siya sa sulok na tila nagpapahimas ng hangin sa dalampasigan.

Gusto ko nang humiwalay. Isang umaga ay tila may boses siyang narinig na bumulong sa kaniya. Lumakas na lumakas ang bulong na ito hanggang naghunos bilang buhawi.At inuudyukan na siyang ituloy ang balak na pag-alis.  Nakikinita naman niya ang pangitain ng kaniyang pasiya. Gugulantangin ang mga dyaryo at blog sa balitang umalis na siya sa sikat na banda. Magtatagulaylay ang mga fans ngayong napilayan ang paborito nilang grupo. Magkukumahog ang record label upang subukan siyang kumbinsihing bawiin ang pasya. At lalapitan na siya ng mga kabandang nakasama niya sa loob ng matagal na panahon.

Parang bukid na dinaanan ng bagyo ang kaniyang pakiramdam matapos tawagan ang opisina.

One thought on “Solo

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s