Top Ten Writers (part 2)

**Narito na ang ikalawang bahagi ng aking “Top Ten” na manunulat

6.) Francisco Sionil Jose- Hinahangahan ko ang paggamit ni Manong Frank ng kasaysayan sa kaniyang mga akda. (Mahilig ako sa pagbabasa ng mga akda na patungkol sa history.) Naipamalas ang husay na ito sa itinuturing na “Rosales Saga,” na binubuo ng limang nobela, na kung saan isinabuhay ang nagtutunggaliang mga hangarin, kaisipan, at damdamin ng mga magsasaka, hacendero, pari at pati ang mga intelektwal hinggil sa pagmamay-ari ng mga lupain sa bansa. Kabilang sa “saga” na ito ang Poon, Tree, My Brother My Executioner, The Pretenders, at Mass. Nilagay naman niya ang perspetibong ito sa kasaysayan ng Rosales, isang bayan sa Pangasinan mula sa pagkakatatag nito noong panahon ng mga Kastila hanggang sa dekada 60-70. Bukod pa rito, may isa pang nobelang pangkasaysayan si Manong Frank, ang Vibora. Patungkol ito sa buhay ng Katipunerong heneral na si Artemio Ricarte. Sumulat na rin si Manong Frank ng mga maikling kuwento at pati tula.

7.) Nick Joaquin-Sinimulan kong basahin ang mga reportage articles niya noong nasa college pa ako para matutunan ang pagsulat ng feature writing at literary journalism, mula sa pananaw ng isang Pinoy na writer. At hindi naman ako nabigo. Napansin ko sa istilo niya ang paglalarawan at pagsasalaysay na para bang nasa nobela o maikling kuwento; kaya’y nabibigyang-mukha ang mga taong itinatampok ni Nick. Makikita naman ito sa mga koleksiyon na tulad ng Ronnie Poe & Other Silhouettes, Reportage on Lovers, Reportage on Crime, at Amalia Fuentes & Other Etchings. (At siya ring ginamit na istilo nina Pete Lacaba at Greg Brillantes.) Bukod pa rito, napapaisip din ako sa kaniyang mga sanaysay, lalo na ang mga nakapaloob sa koleksiyon Culture and History, na patungkol sa kultura at values nating mga Pinoy.

8.) Eros Atalia- Nasusundan ko ang karera ng aking butihing Filipino professor simula noong ako ay nag-aaral sa UST. Nagsusulat na siya ng mga tula na inilalabas naman sa college paper namin. Pagkaraan nama’y kaniyang inilabas ang una niyang libro, ang Taguan-Pung (at Manwal ng mga Napapagal), noong 2007. Tampok rito ang 13 dagli o flash fiction, kasunod naman dito ang tila pagbibigay-payo ng karakter na si Karl Vladimir Villalobos (“Intoy”) sa sinumang nagnanais magpakamatay. Dito pa lang ay mapapansin ang pagiging mapangahas ni Atalia sa paggamit ng istilo (flash fiction, na isang uri ng kuwento na kailangang maisalaysay sa kakaunting salita) at paksa ( pag-iisip ng mga pakana kung paano wakasan ang sariling buhay.) Noong 2007 naman ay inilathala ang Peksman [mamatay ka man] Nagsisinungaling ako. Tampok sa librong ito ang a.) pagsasalaysay ni Intoy sa paghahanap ng trabaho, b.) ang isang bagong kalipunan ng mga dagli at c.) ang kuwentong “Si Intoy Syokoy ng Kalye Marino” (na nagwagi ng Palanca noong 2006.).  Balita ko, may ilalabas na bagong libro si Sir Atalia; kinasasabikan ko na kung ano ang magiging (mga) laman nito.

9.)Augusto Villalon- Hindi siya manunulat sa panitikan o isang peryodista, bagkus isang kolumnista si Villalon sa Philippine Daily Inquirer. Isinama ko siya sa aking listahan matapos mabasa ko ang libro niyang Lugar. Tinalakay ni Villalon sa akdang ito ang kasaysayan, kahalagahan,  mga suliranin, at ang hinaharap ng arkitektura sa Pilipinas. Sa kaniyang mga sanaysay, na halaw sa mga kolum niya sa mga dyaryo, mapapansing maigsi ngunit malaman ang kaniyang paglalahad sa mga konsepto ng kaniyang larangan. Palagay ko, kailangan ang mga katulad ni Villalon upang maidiin ang kahalagahan ng arkitektura, tulad ng ibang uri ng sining, sa gitna ng patuloy na kahirapan at pagpapabaya natin sa sariling kultura.

10.)Jun Cruz Reyes- Natutuwa ako sa libro niyang Tutubi Tutubi ‘Wag Kang Magpapahuli sa Mamang Salbahe. Bagama’t “bigatin” ang naging backdrop ng nobela (panahon ng Batas-Militar), nagawa ni Cruz Reyes na mailahad ang mga pangyayari at mga pagbabawal noong mga panahon iyon sa pamamagitan ng pagpapatawa. Bukod pa rito, hindi rin kinargahan ng ideyolohiya ang kuwento nang pilit at labis, na kaiba sa ibang mga nobelang nakatuon sa Martial Law period. Sa halip, mas kapansin-pansin ang paglalahad ng buhay ng isang aktibistang “promdi” (probinsiyano) at kung paano siya naiipit sa mga mahigpit na atas ng gobyerno noon (gaya ng curfew, pagbabawal sa pagbabasa ng mga “subersibong’ lathalain, atbp.). Kung sa news writing pa ito, sinunod lang ni Mang Jun ang atas na “Show, don’t tell.”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s