Top Ten Writers

Una kong nakita ang pagtatala ng mga nangununang manunulat sa isang blogger-makata, mga isang buwan na ang nakaraan. Kaniyang inilista ang mga paborito niyang mga makata at ang mga akda nila. Pero ngayon ko lang naisipan gumawa ng aking listahan ng aking mga paboritong manunulat at makata. Narito na ang unang bahagi ng aking “top ten” na manunulat”!

1.) Virgilio S. Almario/Rio Alma–  Nakakamangha ang pambihira niyang henyo sa paggamit ng mga salita at paglalang ng mga imahe, na makikita naman sa dami ng mga aklat ng mga tulang kaniyang naipalimbag. Isama pa rito ang paggamit sa iba’t ibang mga paksa mulang pagsesentimental sa kinalakhang buhay sa San Miguel, Bulacan, pagtataas ng kamao para sa pagbabago sa lipunan hanggang sa pag-iibigan ng mga bathala’t diwata sa mga mitong Filipino.  Sa kasalukuyan ay may 12 kalipunan ng mga tula si Alma:  Makinasyon (1968), Peregrinasyon (1970), Doktrinang Anakpawis, (1979), Retrato at Rekwerdo (1984), Palipad-Hangin (1985), (A)lamat at (H)istorya (1986), Katon Para sa Limang Pandama (1987), Mga Retaso ng Liwanag, (1990), Muli, sa Kandungan ng Lupa (1994), Supot ni Hudas (1998), Memo Mulang Gimokudan (2004) at Sonetos Postumos. Hindi pa kasama rito ang iba pang koleksyon ng mga salin ng mga tula ni Alma.

2.) Roberto Anonuevo– Hindi lamang ang mga tula niya ang sinusubaybayan ko kung hindi pati na ang kaniyang blog na Alimbukad. Marami akong nalaman at natutunan hinggil sa panitikan ng Pilipinas mula sa kaniyang mga blog entries tulad ng pagiging laganap ng ibon bilang simbolo sa iba’t ibang kultura ng ating bansa, ang ideyolohiya ng Katipunismo at ang samu’t saring istilo sa pagtula. Bukod pa rito, nagpopost din siya ng mga tulang tuluyan hinggil sa kahit anong paksa mulang digmaan sa Gaza hanggang sa imahe sa salamin. Maihahambing tuloy siya sa makatang kolumnista noong dekada 30 na kung saan inilalathala sa mga pahayagang Tagalog ang kanilang mga kuro-kuro sa pamamagitan ng tula.

3.) Jose Lacaba– Una kong narinig ang pangalan niya (bagama’t wala pa akong malay kung sino ba talaga siya) nang itanghal noong hayskul ang tula niyang “Ang mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran ni Juan dela Cruz.” Bagama’t napansin kong may bahid ito ng politika (“Nang wala nang malunok/ si Juan dela Cruz/dala-dala’y gulok/gula-gulanit na ang damit/…umakyat/sa Arayat/ang namayat/ na si Juan dela Cruz.”), hindi ko pa masyadong naunawaan ang pagsasanib na ito ng politika sa isang tula.   Saka ko lamang siya nakilala nang husto nang bilhin ko ang kalipunan niyang Kung Baga sa Bigas, na pinagtipunan ng mga tula niya mula dekada 60 hanggang sa mga unang taon ng kasalukuyang milenyo. Mapapansing gumamit si Lacaba ng mga salitang kadalasang ginagamit sa pakikipag-usap, bukod pa sa paminsang-minsang paghahalo ng mga mura o salitang bulgar. Ngunit, ang sa palagay ko ang pinakamahalagang naiambag ni Lacaba sa larangan ng panulaang Filipino ay ang paglalahok niya sa kaniyang mga tula ng mga usaping pampolitikal o panlipunan, ngunit sa paraang hindi tigib sa paninindigang Marksismo o anupamang ideyolohiya. Mapapansin ito sa mga tulang nailahok sa mga koleksiyon niyang Mga Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran at Sa Panahon ng Ligalig. Partikular na rito ang mga akdang “Santong Paspasan,”  “In Memoriam,” “Ang mga nawawala,” at “Dayalogo ng diwa at damdamin.”

Bukod sa kaniyang mga tula, hinahangahan ko rin ang kaniyang mga artikulo na umulat sa mga pangyayari noong First Quarter Storm, na nasa librong Days of Disquiet, Nights of Rage. Sa pamamagitan ng paggamit ng ilang literary techniques, binigyang buhay ni Lacaba ang mga marahas na kilos-protesta na naganap sa Kamaynilaan bago ibaba ang Batas-Militar.

4.) Gregorio Brillantes– Tama nga talagang bilhin ko ang libro niyang The Cardinal’s Sins, the General’s Cross, the Martyr’s Testimony and Other Affirmations. Binalak ko itong bilhin upang makahanap ng istilong Pinoy sa pagsulat sa wikang Ingles. Nakakaaliw, at malaman, ang kaniyang mga sanaysay, kolum o feature article na madalas naman ay isinusulat sa mahahabang talata.  Mapapansin sa kaniyang mga isinulat sa artikulong ito ang malalim na pag-unawa sa mga doktrinang Katoliko at mga kaisipang Kanluranin at klasikal na nakuha niya mula sa pag-aaral sa Ateneo, sa ilalim ng mga Heswita. Sa kabila nito, palagian niyang nilalahokan ng mga detalye mula sa ating kasaysayan ang kaniyang mga artikulo. Kabilang sa mga ito ang “Don Emilio’s Cross,” (na isang mala-fictionalized account ng pagkakahuli ng mga Amerikano kay Emilio Aguinaldo), “The Church and One Not So Holy Roman Catholic,” (isang patagong talambuhay ni Brillantes, kung saan ipinangalan niya ang sarili bilang si Escolastico) at ang “Thinking Not So Brightly, Feeling More than a Bit Stupid,” na isinalaysay ang kaniyang mga karanasan sa terminal ng NAIA.

5.) Ambeth Ocampo- Sa loob ng matagal-tagal na panahon mula nang ako’y bata pa, siya lamang ang kilala kong de-kalibreng istoryador (historian) ng Pilipinas. Bagama’t ngayon ay mas marami na akong nalalamang pangalan ng mga istoryador, namumukod-tangi pa rin si Ambeth dahil sa nakatutuwa, nakakaaliw, at detalyadong pagsasalaysay at o pag-iimbestiga sa ating kasaysayan. Makikita ang mga katangiang ito sa mga sanaysay na nakapaloob sa mga librong Aguinaldo’s Breakfast, Luna’s Moustache, at Bonifacio’s Bolo. Ikamamangha ng sinumang mambabasa ang ilan sa mga ikinukuwento niya, tulad ng kung ano ang mga kinakaing ulam nila Aguinaldo habang tinatakasan ang mga Amerikano, at na may ikaapat na tao palang kasabay ng mga paring Gomburza na isinakal sa garote. Sa kaniya ko rin nalaman ang kahalagahan ng kasaysayan: aniya, hindi lamang ito “salaysay” o pagkukuwento ng mga pangyayari, datapwat isang pagbibigay-saysay ito sa ating nakaraan upang tayo ay umunlad.

**itutuloy**

5 thoughts on “Top Ten Writers

  1. agree ako sa iyo.

    kasama ba diyan sina gilda olvidado at bob ong? napansin ko kasing puro mga “serious writers” lang ang nasa top 5- mga nanalo ng Palanca Awards…

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s