Cinevita 2009

Habang hinihintay ko ang mga tawag na magpapapunta sa akin sa minimithi  ko nang job interview, naisipan ko munang pumunta ng UST at panoorin ang apat na pelikulang nakasalang para sa 2009 CineVita film festival. Hindi lamang ibang hangin ang aking nasagap sa paglalakbay ko mulang Fairview para panoorin ang mga pelikulang ito kung hindi ang naiibang pagsipat sa buhay-Filipino mula sa lente ng Tomasinong direktor na si Brillante Mendoza.

Ginanap ang nasabing film fest noong Pebrero 26 at 27 sa Thomas Aquinas Research Center Auditorium.

****

Ipinalabas sa unang araw ang Kaleldo at Foster Child. Tampok sa Kaleldo (“Tag-init” sa wika ng mga Kabalen) ang kwento ng isang pamilyang Kapampangan at paano nila hinarap ang mga problemang-personal na nakaapekto na sa isa’t isa. Partikular na rito ang pagtugon ng padre-de-pamilya  si Rudy Manansala (na ginampanan ni Johnny Delgado) sa mga problema ng tatlo niyang anak. Matapos maikasal ang panganay na anak, si Grace (Juliana Palermo), naging problema naman niya ang pagiging pala-asa ng asawang si Conrad sa ina nito, na pinag-ugatan naman ng pag-aaway nilang dalawa. Bukod pa rito, hindi rin naging maganda ang pakikitungo ng ina ni Conrad kay Grace.  Samantala, masisira naman ang pagsasama ng mag-asawang Lourdes (Angel Aquino), ang pangalawang anak ni Rudy,  at Andy nang malaman ng lalaki na nakipagsiping si Lourdes sa kaniyang bank manager (Miguel Faustmann), kapalit sa pangungutang ng bangko kay Lourdes ng pera  para sa kaniyang ama. Naging problema rin ni Rudy ang pakiki-live in ng anak niyang lesbian, si Jess (Cherry Pie Picahe), sa kaibigang si Rowena. Umabot pa sa sukdulang pinag-aawayan na ng magkapatid na Manansala ang pananatili ni Rowena sa bahay nila gayung hindi naman siya tanggap ni Rudy.   Nang mamatay si Rudy ay nakaatang na sa balikat ng tatlo niyang anak ang pagresolba sa mga problemang nagsasala-salabid sa kani-kanilang buhay.

Isinasalaysay naman sa Foster Child ang kuwento ng paghahanda ni Thelma (Cherry Pie Picache) para ibalik ang inampon niyang bata  na si John-John  sa mga tunay na magulang na Amerikano matapos ang tatlong taong pag-aaruga sa kaniya. Tulad ng ibang mga araw, inaalagan ni Thelma si John-John na parang na niyang tunay na anak; pinapaligo sa  kanilang batalan, hinikayat na sumali sa mga children’s talent contest atbp.   Subalit, pansamantala lamang ito. Isa si Thelma sa mga foster parents na nag-aalaga ng mga batang dayuhan, sa tulong na rin ng isang non-governmental organization, na ipinauubaya sa kanila ng mga banyagang magulang. May takdang panahon kung kailan ibabalik sa mga tunay na magulang ang mga anak na ipinaaalaga sa mga foster parents.  Sa huli, kinailangan ding ibalik ni Thelma sa mga Amerikanong magulang si John-John, bagama’t masakit ito sa kaniyang kalooban.

Itinampok naman sa ikalawang araw ang dalawang pelikula ni Mendoza na nakatuon naman sa mga usaping-panlipunan, ang Tirador at Serbis. Ipinakita sa Tirador ang buhay ng mga teen-ager na nakatira sa mga squatters’ area sa Quiapo at kung paano sila naiipit sa mundo ng mga mapansamantalang gang at politiko, samantalang inilalahad sa Serbis ang salimuot sa buhay ng isang pamilyang nagmamay-ari ng isang sinehan sa Pampanga na naging pugad ng prostitusyon at sex.

***

Napaisip ako sa sinabi ng isang kaibigan. Sabi niya, kaya nagwawagi ang mga Pinoy indie films sa mga internasyonal na patimpalak ay dahil “eksotiko” para sa international audience ang mga paksang tinatalakay sa mga pelikulang ito. Pero, sa kabilang banda, ganoon din ang magiging pagtingin nating mga Filipino kung sakaling makapanood naman ng indie films mula sa ibang bansa (halimbawa, Iraq, o South Africa).

***

Habang nakikinig ako sa open forum sa huling araw ng film fest, may isang graduate school student ang nagtanong kay G. Mendoza kung ano ang mga naging impluwensiyang pilosopikal ang nagtulak sa kaniya para gawin ang pelikulang Serbis. Ang sagot ng direktor, hindi muna niya iniisip ang mga “ismo” sa pilosopiya, dahil nagkakaroon na ng bagahe ang pelikula kahit hindi pa ito naipapalabas. Sinusugan naman ito ni Julio Diaz, isa sa mga artista sa Serbis, nang sabihin niyang  kailangan munang maisalaysay sa pelikula ang kuwento.

***

Kalugod-lugod para sa akin ang mga pelikula ni Mendoza na ipinalabas sa Cinevita. Ito ay pagdating sa aspeto ng wika. Bukod sa Filipino, kapansin-pansin na ginamit sa Kaleldo at Serbis ang salitang Kapampangan, samantalang may ilang dayalogo ng Ilokano sa Serbis; Cebuano, sa Foster-Child, at pati Ilonggo sa Tirador. Paliwanag ni Mendoza, mas nagiging kapani-paniwala ang mga pelikula kapag ginagamit ang (mga) wika ng isang rehiyon na naging lunan (setting) ng mga salaysay. “Naghahalo-halo naman tayo ng mga salita sa tunay na buhay,” dagdag pa niya.

Ihambing naman ito sa mga telenobela o kahit ang mga anime cartoons na kung saan sinauna at pormal na Tagalog ang ginamit bilang wika ng dayalogo o pagsasalin. Hindi makatotohanan ang mga huli.

***

Kudos sa mga nag-organisa ng 2009 Cinevita, ang The Varsitarian at ang Communication Arts Students Association. Para naman sa tatlong Varsitarian staff member na namuno sa pag-organisa ng film fest, sina Danielle Clara Dandan (chairperson), Heinz Jassen Brobo at Prinz Magtulis (mga co-chairpersons), at sa lahat ng staff na tumulong sa nasabing event,  congratulations!

#

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s