Boracay

Mamahalin kita,
tulad ng pagmamahal ng lalaki
sa inililihim na kerida,
sa pinagkatago-tagong puta,
O pinagnanasahang asawa ng iba.
Uusbong ang hulagway mo
Sa gitna ng aking patuloy na pakikiniig
Sa kabagot-bagot na siklo
Ng paggising pagkain pagtrabaho’t pakikipagkapwa tao
Dito sa lungsod.

Uulit-uliting kong igugunita,
Kahit sa gitna ng repeke’t busina ng Kamaynilaan,
Ang pagdating ko sa iyong pantalan,
Habang minamasdan ang mga nakaparadang multicab,
at ang mga pumaroo’t pumaritong portero.
Muli kong papakinggan
Ang maharot mong dila,
At tuluyan nang pumaloob sa iyong
Gayuma.

Mamahalin kita
kahit malayo ako sa iyo,
Lalo na’t naaalala ang
paghahalik ng aking mga talampakan
Sa maalamat mong puting buhangin,
O ‘di kaya’y ang pagsisid ko sa asul-berde mong dagat
At ang pagpapalunod sa alak at halakhak sa mga restawrang
Nakakalat sa iyong isla.

Mamahalin kita
Bagama’t nababalitaan kong
pinag-aagawan at pinag-iimbutan
Ang iyong kagandahan,
Nililitis sa korte ang paghahati-hati sa iyo,
O kung di papalarin, dadaanin sa santong paspasan
Ang pag-angkin sa puson mo.
Oo nga pala, pinagtatabuyan ang mga Agtang
Sinasabing naunang nanirahan sa paraiso mo.

Mamahalin pa rin kita
lalo na sa panahon ngayong
Marami pang musa ang nang-aalok
Ng kanilang donselyang kariktan:
Galera, Panglao, Amanpulo, El Nido.
Habang sinasabi ng iba’y isa ka nang
Birheng laspag.

Ngayon,
Naalala mo pa ba ako?

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s