Dalawang epiko ng pambansang kasarinlan

Ano ba ang silbi ng epiko?

Para sa katulad kong lumaki sa panahon ng celfon, HBO, Youtube at DVD, tila wala nang puwang sa ngayon ang pagbabasa pa ng mahahaba, at matalinghagang pagsasalaysay ng kung sinong bayani mula sa kung saang bayan o lipi. Aanhin pa ang mga ito, maitatanong ko pa.

Mayroon, at ito ay upang ipakilala ang kasaysayan ng isang lugar (o talambuhay ng isang tao) sang-ayon sa  malikhaing paraan. Naisip ko ito matapos muling basahin ang dalawang epikong pangkasaysayan, ang Candon (ni Reynaldo Duque), at ang Piping-Dilat (ni Teo T. Antonio). Makikita sa mga akdang ito na nabibigyang-buhay ng dalawang manunulat ang mga pangalan at lugar na madalas lamang na nakukulong sa mga pahina ng mga textbook na pang-Araling Panlipunan o  Hekasi.

(Kung tutuusin, marami pa nga sa mga pangalang ito ay ni hindi nababanggit sa mga librong ito, gaya ng sa Candon.)

Kapwa nagwagi ang dalawang epiko ng unang gantimpala sa 1998 Centennial Literary Contest na itinaguyod ng Philippine Centennial Commission. Inilathala naman nito, sa tulong ng UP Press, ang dalawang akda.

Himagsik sa hilaga

Sa loob ng 12 kanto at 8,816 na taludtod, isinasalaysay sa Candon ang mga pangyayaring nagbunsod sa pag-aalsang naganap sa Candon, (ngayo’y nasa Ilocos Sur) noong Marso 25, 1898.  Partikular na nakatuon naman ang naratibo   kay Isabelo Abaya, isa sa mga ilustrado ng nasabing bayan.  Umuwi muna siya sa Candon matapos umanib sa rebolusyonaryong hukbo; pinirmahan na ang Kasunduan sa Biak-na Bato na kung saan pansamantalang nagtigil-putukan muna ang mga pwersang Katipunero at Kastila.  Habang kinukumusta ni Isabelo (“Belong”)  ang mga kakilala ay nalaman niya ang patuloy ang mahigpit na pamamalakad ni Padre Rafael Redondo, ang kura-paroko ng Candon. Kabilang sa mga napabalitaang pagmamalupit ng pari ang pagpapalatigo sa isang magsasaka matapos inilibing ng huli ang kaniyang anak sa sementeryo ng bayan nang walang pahintulot mula kay Padre Redondo. (Nagpakamatay kasi ang anak na babae ng magsasaka matapos hinihilaang gahasain ng mga Kastila).  Sasapit naman sa yugtong masasangkot si Belong sa gulo dahil sa magiging karibal niya si Alvaro de Gracia, isang Kastila,  sa panliligaw sa isang dalaga, si Imnas Arquero. Samantala, pagnanasahan naman ng kaniyang ama na si Don Nilo, si Saniata, ang katiwala ng mga Abaya sa kanilang tindahan.

Lingid sa kaalaman ng mga Kastila, nagpupulong naman sa kabundukan ng Candon ang isang samahang-lihim, na kinabibilangan ni Salacnib, upang mag-aklas laban sa mga Kastila. Napasama naman dito si Belong matapos siyang iniligtas nila mula sa pananambang ng mga voluntario o milisya na pinamumunuan ni Alvaro. Ngunit bago maisakatuparan ang balak na ito ay kanilang  nabalitaan na hinuli ng mga voluntario ang buong pamilyang Arquero; ito ay matapos saktan ni Salacnib si Alvaro matapos tangkaing gahasain ng huli si Imnas na kapatid ni Salacnib. Kaya napilitan salakayin ng samahan ang munisipyo, kwartel (gusaling-militar), at ang simbahan ng Candon bago ang nakatakdang petsa. Nagtatapos naman ang naratibo sa pagkakatatag ng Republica Filipina Katipunan na siyang pansamantalang namahala sa  bayan.

Nauna nang naitalakay ni Bobby Anonuevo sa kaniyang blog na Alimbukad noong Oktubre 28 ang mga kahinaan ng epikong ito, tulad ng pagiging mahaba at melodramatiko/gasgas ng maraming tagpo.  Sa kabila nito, nailahad naman ng Candon sa mga mambabasa ang isang makasaysayang pangyayaring hindi nababatid ng karamihan, maliban na lamang marahil ng mga taga-Ilocos. Kung susundan ang bersyon ng epiko, masasabi ngang may pagkakahawig ang pag-aalsang ito sa mas kilalang “Sigaw sa Pugad Lawin” tulad ng naudlot na pag-aalsa sa isang nakatakdang petsa (tandaan ding wala sa plano ang ginawang pagpupunit ng sedula nina Andres Bonifacio sa Pugad-Lawin), at  ang “pagkanta” ng ilang tao sa lihim na pag-aalsa (nauna naman sa Sigaw ng Pugad Lawin ang pagsuplong ni Teodoro Patino ng mga plano ng Katipunan kay P. Mariano Gil).

Si Plaridel

Isinalaysay naman sa Piping-Dilat ang talambuhay ng Propagandistang si Marcelo Del Pilar. Nakahati sa 17 Canto ang iba’t ibang kabanata sa buhay ni Plaridel mulang pagiging estudyante niya sa Unibersidad ng Santo Tomas hanggang sa mga huling sandali ng kaniyang buhay sa Barcelona, Espanya noong 1896.

Tulad ng maraming binata sa panahong iyon, kumuha siya ng kursong abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Binata pa lamang siya ay  kaniya nang tinuligsa ang ilang patakaran at turo ng mga Kastila. Isang halimbawa nito ang insidente na kung saan inuyam ni del Pilar ang bisa ng paghihimala ng mga santo habang nakikinig sa sermon ng pari     (” Kanto III: Paghahasik ng Siklab).

At sa isang pista, tao’y humuhungos…
Milagro ng santo itong tinutuos
ako ay nagtanong, matatag ang loob
“Ilang santo kaya sa bayan kong irog
ang nagmimilagro nang lubos at lubos?”

“Marami” ang sagot na napakabilis
ng prayleng madulas ang dila at bibig.
…Kung gayon po among dapat na mainggit
ang bayang Espanya pagka’t labis-labis;
ang nagmimilagrong santong nilalangit
sa sariling bayang aming iniibig.”

Bagama’t nagpatawag ng mga Guardia Civil ang nasabing prayle, mabilis namang nakatakbo palayo sa simbahan si del Pilar kaya’t hindi siya nadakip.

Bukod pa rito, nauna nang nasangkot si del Pilar sa isang insidente na kung saan kaniyang sinampal ang isang prayle matapos siyang singilin sa pagdalo sa isang binyag sa Quiapo. Nagsumbong naman ang prayle sa gobernador kaya’t pinakulong sa loob ng isang buwan si del Pilar; nakalabas lamang siya matapos na may kapitbahay siyang sundalong  kumausap sa gobernador upang pakawalan si del Pilar (Kanto I: Sigwa ng Agua Bendita.)

Matapos ang kaniyang pag-aaral sa Unibersidad, tuluyan nang ipinakita ni del Pilar ang kaniyang talim sa pagtuligsa sa mga mapaniil na patakaran ng pamahalaang Kastila, partikular na ang pamamayani ng mga prayle sa kolonya ng Filipinas. Itinatag niya ang Diariong Tagalog, (na sandali lamang lumabas), nagsulat ng mga tula (Sagot ng Espanya sa Paghibik ng Filipinas, Pasyong Dapat Ipag-alab ng Puso ng Taong Babasa sa Kalupitan ng mga Prayle), bukod pa sa pagtatanggol sa nobelang Noli Me Tangere laban sa pagtuligsa rito ng prayleng si P. Jose Rodriguez. Noong 1888, napilitan namang umalis ng Filipinas si del Pilar matapos malamang dadakpin siya ng mga Kastila dahil sa kaniyang mga pag-atake sa mga prayle. Nakarating siya sa Barcelona, noong 1889 at nakipag-ugnayan sa iba pang mga Filipinong nanalagi sa Espanya.

Ngunit, sa gitna ng kanilang mga pagsisikap  na magmungkahi ng mga reporma( gaya ng paglalabas ng La Solidaridad), ay nagkalamat naman ang kanilang pakikipag-kaibigan ni Jose Rizal. Humantong ito sa paglalayas ng huli mula sa  paghahalal ng mga magiging opisyal ng kolonya ng mga ilustrado noong 1891 nang inakala niyang matatalo siya ni del Pilar sa botohan; matapos nito’y tuluyan nang bumalik sa Filipinas si Rizal. (Sa huli, lumabas na nagwagi si Rizal sa bilangan.) Samantala, tuluyan nang tumiklop ang La Solidaridad dahil sa kakulangan ng pondo; bukod pa rito ay nagsinangamatay o nagsialisan na rin ang mga manunulat ng pahayagan. Sa gitna ng masaklap na kapalarang ito inabutan na ng kamatayan si del Pilar noong Hulyo 4, 1896.

Kapuri-puri ang akdang ito ni Antonio dahil nagawa niyang “mabuhay” muli si del Pilar mula sa gasgas na’t kanonisado nang imahe niya bilang patnugot ng La Solidaridad. Kinasangkapan dito ng may-akda ang malikhaing paghalo ng mga totoong detalye sa buhay ni Plaridel at mga  paghahaka-haka sa mga posibleng pang naging karanasan ng bayani. Bukod pa rito, naipakita rin na tulad ng mga karaniwang tao ay nasadlak din sa maraming problema si Plaridel, tulad ng pagkakaroon ng tampuhan nila ni Rizal, at nang maghikahos siya sa mga huling taon ng kaniyang buhay.

Sa palagay ko naipakita ng mga akdang ito na malayo na ang iniungos ng epiko mula sa una nitong tungkuling isalaysay ang buhay ng bayani ng isang lipi. Ngayon, maaari na itong maging kasangkapan upang itanghal ang mga dakilang pangyayari at taong humubog sa kasaysayan ng bansa.

3 thoughts on “Dalawang epiko ng pambansang kasarinlan

    • maraming salamat sa pagdalaw sa aking blog. pakicite na rin po sa inyong assignment ang mga may akda ng dalawang epikong aking narebyu alang-alang sa kanilang intellectual property rights🙂

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s