Si Ayatullah Khomeini

Ginugunita sa buwang ito ang ika-30 anibersaryo ng Islamic Revolution. Matatandaang noong Pebrero 1979 ay nahantong sa pagpapatalsik sa kahuli-hulihang Shah (emperador) ng Iran ang ilang buwang  demonstrasyon ng mga estudyante at propesyonal. Kabilang sa mga naging kaganapan sa nasabing himagsikan ang pagkakatag ng teokrasya bilang bagong uri ng pamahalaan ng bansa, ang pagtanggal sa impluwensiyang Amerikano sa politika at kultura ng Iran at ang paglitaw sa eksenang politikal ng Gitnang Silangan ng animo’y isang  di-kilalang paham: si Ayatullah Ruhollah Khomeini.

Kaya’t nagpalabas ng mga dokyumentaryo tungkol sa pangyayaring ito ang BBC at ang Al Jazeera na kung saan muling isinalaysay, at sinuri, ang mga salik at kaganapang nagtulak sa pagpapaalis sa trono kay Mohammah Reza Pahlavi, at ang pagkakaluklok kay Khomeini bilang unang Supreme Leader ng Iran.  Ganito ang naging buod ng mga salaysay na ito: noong dekada 60 ay nagsimulang magpatupad ng malawakang reporma ang Shah sa lipunang Iranian na kung saan ibinahagi ang mga lupaing pinagmamamay-ari ng mga klerikong Shia sa mga paysano (i.e. magsasaka), binigyan ang mga babae ng karapatang bumuto sa mga halalan, at pinalakas pa ang hukbo ng Iran sa pamamagitan ng pagbili ng mga makabagong armas at kagamitan mula sa mga Amerika, Inglatera at Unyon Sobyet. Ikinatigatig naman ito ng mga kleriko, sa pangunguna ni Khomeini, dahil nangangahulugang inilalayo ng mga nasabing hakbang ang mga Iranian mula sa tradisyong Shia Islam. Para sa kanila, sa tradisyong ito  lamang mahahanap ng mga tao ang tunay na mga sagot sa mga suliraning dala ng modernisasyon.

Ngunit, sa likod ng tila kapuri-puring pagmomodernisa ng lipunang Iranian, ay pinuna naman nina Khomeini ang pamamamahala ng Shah. Una, dahil sa  mahigpit nitong pagsupil sa sinumang tumututol sa kaniyang mga polisya.  Sinasabing daan-daang libo ang ipinakulong ng SAVAK, ang secret police ng Shah, habang ilang libo pa ang pinaniwalaan pinatay ng nasabing hukbo.  Bukod pa rito, tinuligsa rin ng kleriko ang pagiging dekadente ng mga maharlika habang karamihan sa mga mamamayan ay “isang-kahig,isang-tuka” pa rin ang pamumuhay.  Sukdan itong ipinakita sa engrandeng pagdiriwang ng ika-2,500 anibersaryo ng pagkakatatag ng Imperyong Persyano noong 1971, na kung saan gumasta ng milyon-milyong dolyar ang pamahalaan sa paghahanda ng mga de-klaseng putahe, pagpapakain sa mga hari’t lider na inimbita sa selebrasyon, at ang pagsasadula sa pagkakatatag ng imperyo ni Cyrus the Great.

Noong 1978, pumutok sa mga lungsod ng Iran ang mga demonstrasyong tumutuligsa sa mga polisiya ng Shah; nilahukan ito ng mga estudyante at propesyonal habang binigyan naman ang mga ito ng basbas ng mga klerikong Shia.  Tinangkang pigilin ito ng militar sa pamamagitan ng pagbaril sa mga demonstrador, ngunit patuloy pa rin ang pagkakaroon ng mga demonstrasyon. Hanggang napilitang umalis ang Shah, noong Pebrero 1979, upang maging destiyero sa Ehipto, Morocco, at Panama. Samantala, matagumpay namang lumapag si Khomeini sa isang paliparan sa Tehran.

Sa unang malas ay masasabing sinasagisag ni Khomeini ang “radikalismo” sa Islam.  Pangunahing tunguhin ng kaniyang mga turo ang pagtatag ng isang teokrasya sa Iran na kung saan pamumunuan ng isang kleriko ang pamamahala sa bansa ayon sa pagbasang-Shia sa mga batas ng Islam. Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, binaliktad ang mga dekreto ng Shah na nagbunsod ng “Westernization” ng Iran. Hindi rin nakatulong sa kaniyang imahe ang paglusob, noong 1979 din, ng mga estudyanteng radikal sa embahada ng Estados Unidos, na kung saan 150 na Amerikano ang binihag sa loob ng 444 araw o higit sa isa’t kalahating taon.

Ngunit, kung babasahin ulit ang mga artikulo hinggil sa kaniyang mga turo at dekreto ay masasabing isang reaksyon ito sa pinangangambahang paglunod ng mga impluwensyang Kanluranin sa mga tradisyong Muslim at Iranian.  Una, matatandaang malaki ang naging papel ng mga kleriko sa lipunang Iranian mula noong ito ay sumukob sa mga turo ng Shia Islam. Kaya’t hindi kataka-takang umangal ang mga klerikong ito nang iniutos ng Shah na ipamigay na ang mga lupaing pinagmamay-arian nila; nangangahulugan din na mababawasan din ang kapangyarihang-politikal ng mga kleriko. At pangalawa, pinuna nina Khomeini, ang anila’y mga paganong impluwensiya mula sa Kanluran, tulad ng pagsusuot ng mga maninipis na damit, pagdiriwang ng mga maringal na pista, at paggasta ng malalaking pondo para sa mga higanteng proyekto at plano . Para sa kanila, taliwas ito sa tradiyon sa Islam na nananawagan ng pagiging payak ang pamumuhay, bukod pa sa namamayaning karukhaan ng mga Iranian, na karamihan ay mga magsasakang nagtatrabaho sa mga maliliit na bukid.

Hindi rin maitatanggi ang laki ng impluwensiyang inihahatak ni Khomeini sa mga Iranian, lalo na ang mga radikal na estudyante’t mga kleriko. Bagama’t isang dekada rin siyang na-destiyero sa Iraq at Pransiya, nagpapadala naman siya sa Iran ng mga cassette tape ng kaniyang mga sermong nanghihikayat sa mga Iranian na patalsikin ang Shah at baguhin ang kanilang lipunan. Na pinakinggan naman ng kaniyang mga taga-sunod. Ito ay sa kabila ng mga pagtatangkang supilin ang impluwensiya niya sa Iran sa pamamagitan ng malawakang panghuhuli, pagpapakulong, pambubugbog o pagpapapatay sa sinumang hinihinalang mga kapanalig ng Ayatullah.

Kung may maiaambag na turo si Khomeini sa atin, marahil ito ay ang kritikal na pagsipat, pagsuri, at kung kinakailangan, pagtuligsa sa mga impluwensiyang Kanluraning nakasisira sa lipunan natin. Halimbawa rito ang materyalismo, konsumerismo, hedonismo, at ang pagbalewala sa tradisyon. Katulad sa Iran noong 1960s, patuloy pa rin namamayani sa ating bansa ngayon ang malawak na puwang sa pagitan ng mga mayayaman at mahirap, ang paglaganap pa rin ng katiwalian, at ang pagbaliwala sa mga pagpapahalaga (i.e. maayos na pakikitungo sa mga tao, panananalig sa mga turo ni Kristo).

Nakabubuti rin at ipinalabas ang dalawang dokyumentaryong ito sa BBC at Al Jazeera. Hanggang ngayon,  pinagtatalunan pa rin ang imahe ni Ayatullah Khomeini kung siya ay isang lider-oposisyon o isang sarado-ang-isip at tigib-sa-galit na mullah. Kahit papaano, nailahad sa mga programang ito ang konteksto sa likod ng kaniyang mga turo at ang pamumuno sa tinuturi nang Himagsikang Islamiko noong 1979.

Pahabol: Sana ay mailantad rin sa mga dokyumentaryong panggabi ng ABS-CBN at GMA-7 ang mga pag-aaral  tungkol sa ilang mga kontrobersyal na tauhan sa ating kasaysayan. Ilan sa mga ito ay sina Emilio Aguinaldo(inaakusahang nag-utos sa pagpatay kay Antonio Luna), Macario Sakay (tulisanes ba o pinuno ng isang Republika ng Katagalugan sa Montalban, Rizal?) at si Pedro Paterno (tinuturing na isang balimbing noong panahon ng Himagsikan). Ito ay lalo pang malinawan pa sa ating mga kababayan ang marawal pang tala sa ating kasaysayan.

2 thoughts on “Si Ayatullah Khomeini

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s