Ang pananalinghaga ng dalawang Tomasinong makata

Nauna ko nang nirebista at tinalakay ang, sa palagay ko, apat na namumukod-tanging mga katha na nanalo sa timpalak na Ustetika(para sa mga taong 2001 hanggang 2005). Tutunghayan naman natin ngayon ang dalawang Tomasino na masasabing nagpakitang-gilas na sa panananalinghaga noong sila ay mga estudyante pa lamang sa Unibersidad.

Dalawang beses na nanalo sa Ustetika si Joseph Rosmon Tuazon, ikalawang gantimpala noong 2001 habang unang gantimpala naman ang nakuha niya sa sumunod na taon. Mababakas naman ang husay ni Tuazon sa paglinang-paglaro ng mga imahe at ang paglalahad ng mga detalye sa dalawang tula niyang nakasama sa Ustetika Literary Folio. (Bagama’t mas maigi ring sipatin ang iba pa niyang tulang nakapaloob sa mga koleksyong inilahok upang mas maunawaan pa ang kaniyang pananalinghaga).

Hulagway ng banal at suryalistiko

Isang halimbawa ng paglinang na ito ang makikita sa tulang “Sa Isang Seramikong Seraf ;”  inilarawan dito ni Tuazon ang puwang sa pagitan ng persona at ang kaniyang pinananaligang anghel. (Kabilang ang tula sa koleksiyong Binulabok ng Pagtataka ang mga Santo). Sa simula’y napupuno pa siya ng hiwaga dahil sa paniniwalang bagama’t yari ang istatwa sa seramiko ay maaari pa niya itong hingnan ng sagot tungkol sa isang tanong:

At aaminin ko,
hindi ko na ikagugulat
kung makahulagpos ka
sa iyong pananatili
kung sakaling magpaubaya
ang malamig(mong) balat
sa aking mausisang haplos.

Ngunit sandali lamang ang pagkamanghang ito ng persona, dahil  nabatid din niya na hindi sa lahat ng pagkakataon ay nahahanap ang kasagutang ito. Sa halip ay idiniin pa ng pagninilay ang limitasyon ng persona sa kaniyang paggagap sa kaniyang pag-iral, kung ihahambing sa mga anghel, na ayon sa paniniwalang Katoliko ay mga inmortal na nilalang na batid ang lahat ng mga kaalaman:

Ngunit muling humiwa
sa ating pagitan ang pendulo
ng katahimikan.
Muling nagunaw
sa iyong (mga) mata ang unibersong
hindi ako kabilang.

Mahusay na naitambal ni Tuazon ang dalawang magkasalungat na aspeto ng pananampalataya, ang orihinal na pagkamangha (na masasabing muslak o naive) sa isang “mahiwagang” bagay, at ang tuluyang pagkatanto na may mga tanong na hindi masasagot ng lohika o kahit ng pagsampalataya sa isang poon (o anghel). At naging mas kapani-paniwala ang mga aspetong ito sa pagdedetalye ni Tuazon ng mga sandali ng pagninilay ng persona. Masasabing maliit na kawangis ng klasikong imahen ng liwanag-mula-sa-langit ang hulagway na inilalahad sa mga unang linya:

Nang dinamtan ng umaga
ang iyong hulagway
ay tila prismo mong ikinalat
ang liwanag.

Ikompara naman ito sa mga huling linya na nagpapahiwatig ng lantarang pagkatiwalag ng persona sa kaniyang dating pinananaligang anghel:

Sinalungat ko ang iyong titig,
sino sa atin
Ang unang mapupuwing?
.

Ipinamalas naman ni Tuazon sa “Sindi”  (unang gantimpala, 2002) ang pag-angkop ng mga suryalistikong imahe upang ilarawan ang, sa unang tingin, ay isang karaniwang pangyayari.Isinasalaysay sa tula ang pagkagising  ng persona sa gitna ng gabi nang makarinig siya ng isang sigaw. Sinundan naman ito ng pagsirena ng mga ambulansiya. Tuminigin siya sa bintana upang mahanap ang dahilan ng ingay na ito:

Isang hiyaw ang humawi
Sa dagat ng panaginip at ulirat.
Sumipa ang alimpungat. …


Tinuklas ko ang bintana
At inilahad ng kalsada
Ang marungis niyang dibdib.

Nalaman din ng persona na may naganap na aksidente sa kalsada at sumasaklolo lamang ang mga bombero sa sinasabing biktimang nasangkot dito. Ngunit, sa halip na magwakas na basta na lamang ang pangyayari ay tila nagsilbi pang pangitain ito dahil may estrangerong nagpahiwatig na maaari ring danasin ng mga nakarinig sa “paghiyaw” na ito sa aksidente ang sinapit ng biktima:

…Napaturo na lamang ang isang usisero

Sa mga naiwang tanda sa aspalto
Iginuhit niya sa hangin ang lihim
Na hugis ng aming kahihinatnan.

Pigil ang paglalahad ni Tuazon ng mga detalye at ang saloobin ng persona, subalit hindi ito naging hadlang upang haluan ito ng mga metapora at imaheng suryalistiko, tulad ng  ” Sa dagat ng panaginip at ulirat,” “mga sintu-sintong silahis,” “pinagpag ng sirena/ Ang lamig  na nakakapit sa hangin,” at “nagliliyab na minitoro.”

Pag-ulan at gabi

Mahusay rin ang paglalaro-paglilinang ng mga imahe ni Saguid sa mga tulang “Hiwaga ng Tag-ulan“(unang gantimpala, 2003) at  “Dapitan: ang Elektromagnetikong Lansangan at mga Larawan ng Pag-ibig.” (unang gantimpala, 2004). Bagama’t may bakas ang mga tulang ito ng pagiging romantiko at sentimental ay binalanse naman ni Saguid ito ng mga pambihirang talinghaga at malalim na diwaing makakapagpapaisip sa sinumang mambabasa.

Isinasalaysay sa “Hiwaga ng tag-ulan” ang pagbagsak ng ulan sa isang baryong malapit sa dalampasigan:

Sariwa ang paninimdim ng dilim
sa damdamin at dagling tinanggap
ng buhangin ang panunuyo
ng ilap na dagat

..Mula sa langit
bumagsak ang isang matinding

galit.Tuluyang tumama
sa nakabukadkad na bulaklak
sa hardin.

Itutuon naman ng persona ang kaniyang pagsipat sa pag-ulan patungo sa kaniyang buhay-personal. Para sa kaniya, hindi lamang isang simpleng penomenong pisikal ang pag-ulan, bagkus nagdudulot din ito ng pag-iigting ng damdamin ng mga tao, tulad niya. Sabi nga sa tula:

Sumasalakay ang ulan:
marubdob ang kagustuhang iwan
tayong limot ang mga pangarap,


nakalatag ang mga damit sa sahig…
…(sa) gabing
buhay ang pagnanasa.

Sa huli, naipagmalaki pa ng persona na dahil sa pagbuhos na ito ng ulan ay nahikayat silang dalawang magkasintahang nasa loob ng isang kubo na ipakita nila sa isa’t isa ang pagmamahalan bagama’t maaaring lingid ito sa kaalaman ng mga kapamilya o kamag-anak  dahil na rin sa namamayaning kaugalian o tradisyon. Maihahambing tuloy ang saloobing ito sa pagdidilig ng mga halaman na matagal nang naluoy sa tag-init.

Sa aspetong pang-anyo, kahanga-hanga rin ang “Hiwaga ng Tag-ulan” dahil sa pagtutugma at tamang bagsak ng  ng mga salita, bukod pa sa palabas-paloob na pagsipat ng persona sa pag-ulan, mula sa dalampasigan patungo sa loob ng isang kubo. Kaya mararamdaman ng mambabasa ang naging “atmosphere” ng tag-ulan sa nasabing dalampasigan bukod sa damdamin ng persona habang inilalahad ang kaniyang pagmamahal sa kasintahan.

Lalo naman pinaigting ni Saguid ang kaniyang husay sa paglalaro ng mga metapora at imahe sa tulang  “Dapitan: ang Elektromagnetikong Lansangan at mga Larawan ng Pag-ibig.” Makikita rito kung paano iniugnay ni Saguid ang kasintahan at ang iba’t ibang mga metapora (i.e. gabi o busina) sa kaniyang pagpapahayag ng pagmamahal sa huli.

Sa tulang ito- na nahahati sa dalawang bahagi- kinakausap ng persona (na maaaring masabing si Saguid mismo) ang kaniyang girlfriend habang nakatambay sa lilim ng pavilion sa tapat ng kanilang college building sa Unibersidad ng Santo Tomas. Sa unang bahagi,  inihambing muna ng persona ang kalagayan ng paligid sa kaniya namang nararamdaman habang kapiling ang babae:

Ngayong gabi habang ang mundo’y
Isang maliit na bola ng tubig,
Apoy at hanging lulutang-lutang
Sa kalawakan ng mga pangarap…
Lulutang-lutang rin (ako) sa kawalang-
Grabedad ng iyong presensya-…

Sinuhayan pa ito ng persona, sa ikalawang bahagi, nang sabihin nito na napapayapa siya ng kaniyang kasintahan mula sa ingay ng mga busina ng mga kotseng dumaraan sa katabing kalye. Sa kaniyang pakikipag-usap sa babae, nanambitan ang persona na kaisa na ng babae ang iba’t ibang taong nakikita niya sa paligid: ang “babaeng tumutulay sa mga kawad ng kuryente,” ang aleng nagbebenta ng sigarilyo, ang “kahulugan ng mga taong labas-masok” sa kaharap na gusali. Tila naman suryalistikong bersyon ito ng luma nang papuri sa pag-ibig bilang kaisa ang mundo. Nasabi kong suryalista dahil tila mula sa eksena ng panaginip ang imahe ng mga linyang ito. Umabot naman sa sukdulan ang pagpuri ng persona sa babae sa pagsasabing kaisa na niya ang gabi at ang gusali:

Kinakain ka na ng gabi       Kinakain ka na ng gabi
At ngayo’y ikaw ang gabing kayakap ng gusali.
Yakap mo ang gusali at binubulungan ito
ng mga pangako .
Yakapin mo rin ako ngayon …

Magugunitang nauna nang ginamit ng mga Balagtasistang makata-kung hihiramin ang taguri ni Virgilio S. Almario– noong unang hati ng ika-20 siglo  ang pagwawangis ng isang tao sa mga bagay (i.e. bulaklak, ibon, ilog, araw) upang ipahayag  ang kanilang mga saloobin hinggil sa bayan o pag-ibig. Muli naman itong ginamit ni Saguid ngunit iniangkop naman sa kaligiran ng  kampus ng unibersidad na nasa gitna ng Maynila. Kaya, sa pamamagitan nito ay umiwas na mabalaho ang tula sa  labis na sentimentalidad.

Nagtatapos ang tula sa pangangako ng persona sa kaniyang kasintahan na makarating sila sa malayong “lungsod” dahil sa pagsakripisyo ng huli para lang tanggapin ang kaniyang pagmamahal:

….                                                   Ikaw ang anghel
Na binali ang sariling mga pakpak    halika’t
Sabay nating lisanin ang gusaling ito,
…Sabay nating tatawirin

Ang lahat ng lansangan.

Naipamalas nina Tuazon at Saguid sa mga akdang ito ang pambihirang talas ng isip at paggamit ng mga metapora upang gawing malalim ang pagsipat sa mga animo’y karaniwang bagay o pangyayari. Nawa’y sundan pa ito ng iba pang kabataang makata lalo na sa panahong ngayon tila “kinakalyo na ang ating mga budhi” (sabi nga ni Bobby Anonuevo) dulot ng pagkababad sa teknolohiya, konsumerismo, o mababaw na kaligayahan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s