Hinggil sa pagrerehistro para sa eleksyon

Sa wakas nakapagparehistro na ako para sa darating na eleksyon ngayong 2009 (Kung matutuloy nga ito!). Ito na ang pangalawa kong beses na pumunta sa COMELEC Quezon City Office para magpasa ng registration forms at ipatala ang aking mga pangalan sa database ng mga botante.

***

Suwerte rin at maaga akong nagparehistro; naalala ko noong una akong nagparehistro (para sa 2007 elections), dumagsa ang pila ng mga taong nagpapatala rin para sa halalan. Tila mga isang libo katao ang nakasabayan ko. Sa sobrang dami ay mahirap mabatid kung sino sa kanila ang nakapila para sa District 1 o sa District 2 (na siyang kinabibilangan kong distrito). Kaya ngayon naisip kong pumunta kaagad sa COMELEC office sa loob ng Quezon City Hall matapos mabalitaang nagbukas na ang isang-taong-palugit para sa pagpapatala ng mga pangalan ng mga botante.

***

Kaya lang, kahit maaga akong pumunta, kailangan pa ring maghintay nang medyo may katagalan. Noong nasa yugto pa lang ako ng verification o pagpapatunay sa aking katauhan, kabilang ako sa isang hilera ng mga taong nakapila sa labas ng opisina habang inaabang na dumating ang mga  taga-Comelec upang suriin ang aming dalang mga valid ID at ang pina-photocopy na kopya ng mga ito. Mga kinse minutos din yung pagkakatayo namin sa bangketa.

***

Mas matagal naman ang ginawa kong pagkatayo/paghihintay noong Lunes, nang pumunta ako sa isa  pang opisina ng Comelec na matatagpuan sa isang maliit at parihabang compound, sa may City Hall complex pa rin. (Nakapaloob ang opisinang  ito sa dalawang one-storey na gusali na may pitong kwarto). Kailangan kong bumalik para ibalik ang tatlong kopya ng application form na pinapa-fill up sa amin. Isang oras kaming naghintay sa pila bago pinapasok ang unang hilera ng mga tao sa loob ng kwarto na nakalaan para sa aming distrito.

***

Nagbunga naman ang paghihintay/pagkatayo ko. Naipasa ko na yung application form. Nagpakuha ng retrato at fingerprint gamit ang biometrics system. Dala-dala ko na rin ang acknowledgement receipt na pwede kong gamitin bilang katibayan kapag boboto na ako sa 2010. Ayos na sana. Kaya lamang sa pagitan ng mga “accomplishment” ito, may mga bagay na napansin akong pupwedeng ayusin o pa-gandahin.

Habang hinihintay ko sa isang “waiting room” (na tambakan din ng mga dokumento ng COMELEC) na matawag ang aking pangalan para magpakuha ng digital picture, siya namang biglang pinapasok ang artistang si Alfred Vargas. Bumati muna sa amin bago tumuloy pumasok sa opisina. Magpaparehistro dahil tatakbo raw sa darating na halalan.  Pinapasok na lang siya ng mga empleyado ng COMELEC imbes pumila sa labas, nabanggit sa akin ng isang matandang lalaking nakasuot ng Philippine Daily Inquirer vest. Sa loob naman, sandaling nadisturbo ang mga trabaho nang pumasok si Gwapong actor. Nagtilian ang mga empleyado, nag-unahang magpakuha ng rekwerdong picture katabi si Mr Pogi. Bulong tuloy ng katabi kong naka-PDI vest, tao din naman yan (kaya bakit pa nila kinababaliwan siya). Sa loob-loob ko, gusto kong sabihin, napakababaw pa rin nating mga Pilipino at tinatrato pa rin ang mga artista na para bang diyos o isang may-dugong-bughaw. Sa kabilang banda naman, kung sinsero si Vargas na tumakbo sa eleksyon at “maglingkod para sa mga kababayan,” maaaring nasimulan na niya yung kung pinanindigan niyang pipila na lang siya sa labas kahit inaalok nang pumasok sa loob nang mas maaga. At walang pagsisingit sa pila.

Isa pang napansin ko ay yung kailangan mo pang isa-isahing isulat ang tatlong kopya ng application form. Sa tingin ko, malaki ang tsansang may maling detalyeng mailalagay kung ganitong paaraan ang paiiralin. Tatlong beses kang sasagot o may tsetseking mga choices. Hindi kaya magkandalito-lito ka kapag nasa ikatlong kopya ka na dahil paulit-ulit na lang ang pagsasagot mo doon? Nagkamali na nga ako sa ilang detalye dahil doon, kaya diniinan ko na lang yung tamang sagot para maiwasto ang mga ito. May suggestion ako; bakit hindi na lang kaya isa na lang yung kopya na pagsusulatan ng mga aplikante, tapos sa ilalim noon ay may dalawang kopya na nasa carbon paper? Siguro naman valid o tatanggapin pa rin ang dalawang carbon paper copy na iyon, dahil ganoon naman ang ginagawa kapag magbibigay ng resibo.

***

Ito pa lang ang mga napansin ko sa pagpaparehistro. Ang susunod na aantabayanin ay ang pagboto na mismo sa darating na halalan. Siya nawa.

Pahabol: Sa susunod na taon pa raw makukuha ang aking voter’s ID. Pero ipagtatakhan naman kung bakit sa Maynila, na tinataya kong nasa milyon ang bilang ng dami ng mga botante, naibibigay kaagad ito sa loob ng isang linggo. Sa tingin ko hindi nalalayo sa bilang ng Maynila ang voting population ng Quezon City. Ano kaya ang mga nangyayari sa opisina ng COMELEC kaya one year pa ang hihintayin namin bako makuha ang mga ID na ito?  Nagtatanong lang po.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s