Ang katha ng apat na Tomasinong kuwentista

Minsang nabanggit ng makatang si Bobby Anonuevo sa  kaniyang blog ang isang katangian ng magandang tula. Aniya, masasabing maganda ang isinulat na tula kapag nagustuhan na ito ng makata, ilang taon mula nang una niya itong ginawa. Ganoon din, sa palagay ko, ang magiging isa sa mga sukatan sa pagsusuri ng mga maikling kuwento. Nasabi ko ito matapos basahin ang mga kathang nakapaloob sa The Varsitarian Ustetika Literary Folio (2001-2005). Nakaloob dito ang 15 kuwentong nagwagi ng mga gantimpala mula sa patimpalak -pampanitikan na Ustetika, na taunang itinataguyod ng The Varsitarian mula noong 1986.

Samu’t sari ang uri ng mga paksa, pagdulog, at likot ng imahinasyong ginamit ng mga manunulat na pinalad na masali sa kalipunang ito.  Nakakatuwa rin na mayroon pa ring mga kabataang manunulat na sumusulat pa rin sa Filipino bagama’t hindi gaanong natataguyod sa Unibersidad ang ating pambansang wika.

Mula sa 15 kuwento, masasabing namumukod-tangi ang mga sumusunod na katha: “Asocide,” ni Joseph Rosmon Tuazon,” “Nang si Juan ang Ginahasa,” ni Kristine Sioson, “Supling ng Liwanag,” ni April Camille Banzon at “Tulala,” ni Princess Daisy Ominga. Mapapansin sa mga kuwentong ito ang kakaiba ngunit malalim na pagtalakay ng mga may-akda sa kanilang mga piniling paksain, mulang pagkatiwalag sa lipunan (alienation from society) hanggang sa kabaliwan.

Asal-tao, asal-hayop

Nagkamit ang “Asocide” ng unang gantimpala noong 2002. Patungkol ito sa paghahanap ni Ricky sa kaniyang aso matapos mapansin niyang wala ito sa kaniyang bahay. Hinanap niya si Mr. Fuertes, ang presidente ng homeowner’s association nila, pinagdudahan pa ni Ricky ang isang kapitbahay na istambay na siyang dumukot sa aso, hanggang umabot sa  sukdulang iniisip-isip niya ang nawawalang alaga kahit sa gitna ng pagtatrabaho bilang isang teller sa bangko. Isang araw, pinuntahan na niya si Mr. Fuertes at tinangkang kulitin uli siya  sa kinaroroonan ng nawawalang aso. Ngunit, hindi na niya nalaman ang katotohanan dahil dinagukan siya at nawalan ng malay. Matapos ang insidenteng ito, binalikan na ni Ricky si Mr. Fuertes, ngunit sa pagkakataon ngayon, ay tinuluyan na niyang pinatulan ito; pinagsusuntok niya ang matanda hanggang sa bumulagta na lang. Umalis si Ricky habang tinutungayawan siya ng asawa ni Mr Fuertes at bigong mahanap ang nawawalang aso.

Sa unang malas ay masasabing karaniwang paksa na ang tinalakay ng kuwento: ang pag-iisa ng mga taong nagmula sa gitnang-uri dulot ng pagiging abala sa trabaho. Na sa halip na tao ang pinangungulilahan ay aso ang pinaghahanap upang maibsan ang kalungkutan dulot ng pag-iisa. Ngunit, kung babasahin pa nang maigi ang kuwento, mababatid na lumalagpas sa pagbasang ito ang gulugod ng kuwento; humahantong pa ito sa usapin ng pagkatiwalag ng tao sa kaniyang “pagkatao.” Masisilip ang temang ito sa eksena na kung saan nabugbog na ni Ricky si Mr. Fuertes at pinagsisigawan na siya ng asawa ng huli. May bahid pa nga ng parikala (irony) ang mga binitawang salita ni Aling Lydia: “Hayup ka, Ricky!” Nailahad sa kuwento ang isang balighong sitwasyon: na habang mas pinapahalagahan ng tao ang kaniyang alagang hayop, nababawasan naman ang kaniyang pagpapahalaga sa kapwa tao.  Mahusay rin ang paglalahad nito ni Tuazon dahil walang bahid ito ng pangangaral o pangingialam ng awtor; hinayaan lang niya ang pagdaloy ng naratibo upang ilahad ang isang masaklap na baligho sa buhay.

“Role-switching”

Naging kakaiba rin ang pagdulog ng “Nang si Juan ang Ginahasa” sa paksa naman ng pagkakapantay-pantay ng mga kasarian. Nakatuon ang pangunahing naratibo sa pagkakaibigan ni Eva, isang office executive at ni Juan, isang tubero. Isang gabi, pumunta ang huli sa bahay nina Eva upang isumbong ang “panggagahasa” umano sa kaniya ng isang kliyente, si Mrs. Ong. Sinubukan tulungan ni Eva si Juan sa pamamagitan ng pagsama sa kaniya na magsumbong sa pulis at ang pagsangguni sa isang kaibigang abogado. Ngunit, huli na ang lahat dahil nalaman na niya, sa isang tawag sa telepono, na nakakulong na si Juan. Napatay nito si Mrs. Ong matapos hindi na umanong matiis ang pinaggagawang “paglalapastangan” sa kaniya.

Binaligtad ng nasabing kuwento ang mga nakagisnan nang paniniwala hinggil sa kasarian at karapatan. Masisipat kaagad ito sa paglalarawan sa buhay-mag-asawa nina Eva at Ramon. Kapwa nagtatatrabaho sinang dalawa at madalas nilang napagtatalunan ang usapin ng pananatili ni Eva sa bahay upang asikasuhin ang mga gawaing-pambahay. Lalagpas naman ang problemang ito hinggil sa pagdiin sa karapatan mula sa anggulo ng mag-asawa patungo sa buhay ni Juan. Hindi kaagad pinaniwalaan ng mga pulis ang sumbong ni Juan dahil tila lihis sa lohika ang ideya na nagagahasa rin ang isang lalake. Pakiramdam ng tubero na wala nang maniniwala sa kaniyang pagsumbong: “Ang mga pulis po, hinde (maniniwala). Alam kong sa loob-loob ng mga iyon, iniisip nila na gawa-gawa ko lamang ang lahat.”  Inilalantad ng kuwento na biktima rin ang lalaki sa namamayaning sistemang patriarkal sa lipunan dahil ipinakikita na inaakala pa rin ng marami na hindi magagahasa ng babae ang isang lalaki at hindi kapani-paniwala ang sinumang magsususumbong ng ganitong asunto.  Gayumpaman, mahusay itong naisalaysay ng may-akda sa paraang matimpi. Walang lantarang pambubulalas ng sermon o pagsiklab ng ideyolohiya ang makikita sa kuwentong ito, na nagkamit ng  ikalawang gantimpala noong 2002.

Tunay na kaibigan

Tumatalakay naman sa buhay ng isang batang “anak-araw” ang kathang ” Supling ng Liwanag“, ni April Camille Banzon, na nagkamit ng unang gantimpala noong 2005. Isinalaysay rito ang nadaramang pag-iisa ni Bobby at kung paano niya ibinabaling ang sarili mula rito sa pamamagitan ng pakikipaglaro sa isang pagong na nakita niya sa kanilang bakuran. Isang araw, napansin niyang nawawala ang kaibigan niyang pagong; napansin na lang niya na pinaglalaruan na pala ito ng mga manginginom sa kanilang lugar. At ang masaklap pa, ginamit din itong pambato nang mag-away-away na ang mga manginginom.  Nagwakas naman ang kuwento sa pagdalo ni Bobby sa isang birthday party na kung saan nakakita siya ng mga payasong ayon sa kaniya ay “kasingkulay ko.”

Mala-nobela ang pagsasalaysay ni Banzon sa kuwento. Hinati niya ito sa apat na bahagi na kung saan may partikular na naratibong tumutuon sa katauhan ni Bobby, ang kaniyang pakikipagkaibigan sa isang pagong, at ang paghahanap niya ng mga taong katulad niya sa kulay. Bagama’t masasabing melodramatiko ang paksa ng pagkatiwalag sa lipunan, iniwasan naman ni Banzon na mabalaho rito ang kuwento. Sa halip, inilantad niya ang naratibo gamit ang detalyado ngunit matimping paglalarawan ng mga detyale at paglinang sa katauhan ni Bobby: “Kasi(m)puti ng ulap sa isang maaraw na tanghali ang kaniyang balat na puno ng pekas.” at ” Kahit wala siyang kalaro, mahilig maglaro si Bobby. Kadalasan, sa likod-bahay lang siya tumatakbo-kalaro ang anino.” Magugunitang ganitong istilo rin ang ginamit nina Liwayway Arceo at Genoveva Edroza -Matute sa kanilang mga kuwento, ayon sa mga manunuri.

Guni-guni

Suryelastiko at humahangga naman sa mundo ng guni-guni ang kuwentong” Tulala,” na ginawaran ng ikalawang gantimpala noong 2001.  Nakatuon ang naratibo nito sa paghahanap ng trabaho ni Daniel matapos masisante dahil sa “cost-cutting measure” ng pinagtatrabahuang computer company. Sa kaniyang paglalakad pauwi ay may nakabangga siyang lalaki; napansin na lang ni Daniel na nadala niya ang kwintas ng lalaki nang siya ay nakasakay na sa jeep. Unti-unti naman niyang napansin na madalas nang natutulala siya lalo na sa tuwing inaalala ang paghahanap ng bagong trabaho. Naging madalas na ang kaniyang pagtingin sa kawalan hanggang sa mapansin na ito ng kaniyang  kapatid niyang tambay, si Damian, at pati ng kaniyang nanay. Sa kaniyang pagkatulala, napapanaginipan ni Daniel na iniintindi na ng kaniyang ama ang kaniyang pagsisikap na buhayin silang mag-anak, at hindi na siya inuuntusan-utusan na lamang ni Damian, at yumaman na ang kanilang pamilya. Sa huli, tuluyan nang nahirati sa pagkatulala si Daniel.

Napagsalikop ni Ominga sa kuwento ang realismo (pagkatanggal sa trabaho) at imahinasyon. Sa unang aspeto, isinasagisag ni Daniel ang problema ng ilan nating kababayan na nagbabanat ng buto habang hindi naman ito pinapahalagahan ng kanilang mga kapamilya at kamag-anak. Ang baligho rito, sila rin ang inaasahan ng kanilang mga abusadong kapamilya upang mapagtustusan ang kani-kanilang mga luho at bisyo.  Binalanse naman ito ng pagpasok ng ilang eksena habang pagkatulala ni Daniel. Naging maayos naman ang daloy ng naratibo dahil sa paggamit ng mga karaniwang salita at matimping pagsasalysay sa kuwento ng awtor. Ipagtataka lamang kung ano ang naging katauhan ng lalaking nakabangga ni Daniel, at kung ano na ang nangyari sa kaniya matapos ang pagsasalubong nilang dalawa.

Kailangang ipagmalaki ng mga Tomasino ang mga may-akda ng apat na kuwento na ito dahil sa kanilang matagumpay na pagsasalaysay ng kani-kanilang mga katha. Hindi madali ang magsulat ng isang maikling kuwento dahil kalangang naayon ito sa kapani-paniwalang detalye, kahit sabihin pang likhang-isip ito.  Bagama’t ilang taon na rin mula nang unang lumabas ang mga kuwentong ito, masasabing nakatugon naman  ang mga ito sa pamantayang nauna ko nang nabanggit.  Hindi lamang dapat nagwawakas sa paggagawad ng gantimpala o paglalathala ang pagkilala sa mga malikhaing manunulat ng Unibersidad. Sa halip, iminumungkahi ko na itaguyod ng mga interesadong estudyante, guro, at pari ang malikhaing pagsulat.  Nawa’y magsilbi pa itong mitsa tungo sa mas aktibo at mas masiglang sirkulo ng mga manunulat sa pamantasan sa kalye Espanya, lalo na’t nalalapit na ang quadricentennial celebrations nito.

6 thoughts on “Ang katha ng apat na Tomasinong kuwentista

  1. Maraming salamat sa pagkilala. Hindi ko akalain na mayroon palang iba pang nagbasa ng aking katha. Akala ko matapos ang paligsahan ay wala nang makakabasa pa nitong muli. Muli maraming salamat. God Bless.

    • Salamat din sa komento mo. Nais ko lang ibahagi ang mga akda ng mga kapwa nating Tomasino sa iba pang mga mambabasa, lalo na ang mga bloggers para kahit papaano mahikayat pa ang pagtatangkilik sa Unibersidad ng Santo Tomas ng panitikang Filipino.

  2. Magandang araw po, nakakatuwa na makabasa ng mga site ng tulad ng sa inyo. iniimbitahan ko po kayo na silipin ang aking kuntra krusada, isang kabubuong site sa word press kung di pa po ninyo nababasa ito. kaya lamang po ay hindi ako propesyunal na designer pero mahilig lang po ako sa panulaan kaya dito ko nailalagay ang aking mga obra at opinyon sa kuntra krusada, Maraming salamat po.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s