Noong panahon ng Batas Militar

Namulat ako sa dalawang magkasalungat na pananaw tungkol sa dekada ng Bagong Lipunan. Sa isang banda, ipinagmamalaki ng aking mga kamag-anak na panahon ito na naging disiplinado ang mga Pilipino at nasupil ang pag-aaklas ng mga subersibong elemento ng lipunan. (Galing kami sa isang midde class na angkan na namuhay nang “tahimik” noong mga panahong iyon.) Ngunit, mga taliwas na imahen naman ang  nakikita ko sa tuwing nakakapanood, at nakababasa, ng mga dokyumentaryo at nobela tungkol sa panahon ng Batas Militar: mga kabataang ralyistang pinaghahampas ng batuta ng mga pulis sa Mendiola, mga bangkay ng mga aktibistang putol ang paa o pugot ang ulo, o mga tula tungkol sa mga nawala- na-lang-at sukat na mga maka-kaliwang makata o estudyante. 

Kaya’t isang magaan at nakatutuwang karanasan ang pagkabasa ko sa nobelang  Tutubi, Tutubi, ‘Wag kang Magpahuli sa Mamang Salbahe  ni Jun Cruz Reyes.  Kaniyang ipinakita, sa masiste at mapagpatawang paraan, ang mga ‘ika nga ay  “kagila-gilalas na pakikipagsapalaran” ng mga aktibista upang mapabago ang lipunan. Bukod pa rito, inilarawan din sa nobela ang buhay ng mga Pilipino noong dekada sitenta.

Ilang araw sa buhay ng isang “tibak”

Itinampok sa nobela ang mga karanasan ni Jojo, iskolar sa isang kolehiyong pampubliko, nang ipinataw ang Batas Militar. Sa kaniyang pagpasok sa eskwelahan, napansin niyang isinara na ito at ginawa pang kampo ng mga sundalo.  Sinita naman siya ng isang sundalo dahil sa mahaba niyang buhok kaya pinadala si Jojo sa isang opisyal, na tinawag niyang si Gardonet. Ilang oras namang pinagtatanong ng huli si Jojo kung may kinalaman siya sa mga makakaliwang grupo at ideya. Pinakawalan din siya matapos “magbigay” ng ilang pangalan sinasabing sangkot sa armadong kilusan.

Maghapong naglakad-lakad muna si Jojo mula sa kolehiyo hanggang sa makarating na siya sa isang simbahan. Hindi naman siya nakauwi sa kaniyang dormitoryo nang gabing iyon dahil sa inabutan na siya ng curfew; sa halip, napilitan siyang “makiramay” sa isang lamay huwag lamang maabutan ng mga pulis na naglalakad pa sa kalye sa des-oras ng gabi. Nang makabalik na si Jojo sa dormitoryo ay nakatanggap siya ng isang liham na mula sa kaniyang tatay na huwag muna raw siyang umuwi sa kanilang lalawigan pagsapit ng Pasko at sa halip ay tumuloy muna sa isang kamag-anak. 

Tiyempo naman na pumunta na si Jojo sa bahay ng kaibigan niyang si Herbie para sa magdamagang “happening” o gimikan nang salakayin ng mga sundalo ang tinutuluyang dormitoryo.  Nalaman na lamang niya ang pangyayari  sa isang usisero nang bumalik siya sa dormitoryo upang kunin ang ilang gamit. Habang papunta naman si Jojo sa bahay ng kaibigang si Lib, hinimatay naman siya sa sinasakyang bus dahil sa labis na gutom.   Nagkamalay na lamang sa bahay ng aleng kasabay niya sa bus na siyang nag-alaga sa kaniya. Hindi naman kaagad nakapunta si Jojo sa bahay ni Lib dahil nakipagkita pa siya sa isang kababayan, si Idyo. Habang nag-iinuman sila, nalaman ni Jojo na sinunog na pala ng mga sundalo ang munisipyo ng kaniyang bayan.   

Nang sila ay nagkita-kita na ng mga kaibigan, nalaman na ni Jojo na kabilang sa mga “napatay” sa isang sagupaan ang kaibigan nilang si Kulas at ang guro nilang si Mr. Kabayan. Sa kabila nito, napagpasiyan nila na ituloy ang kanilang pakikibaka laban sa diktadurya.  

Ang pagsasalaysay

Ginamit ni Mang Jun sa nobela ang himig-kumbersasyonal sa pagsasalaysay, na angkop naman sa pagkukuwento  ni Jojo sa kaniyang mga karanasan; nakatulong ito upang lalong maunawaan ng mambabasa ang katauhan niya at kung paano siya naapektuhan ng mga pangyayari. Ngunit bukod pa rito, mapapansin ring ang pagsasalaysay ay waring isang naratibo sa buhay ng isang bayani na tinatampukan ng mga karanasan at problema sa kaniyang paglalakbay; ganito rin ang istilong ito sa tulang ” Ang Mga Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Juan dela Cruz”  ni Jose “Pete” Lacaba.

Patawa rin ang paglalarawan ni Mang Jun sa mga tauhang nakasalamuha ni Jojo, halimbawa na lang ang pa-ingles ingles na pananalita ni Gardonet (“Ispik. Ar yu a komyunis?”) , ang masungit na kasera (landlady) ni Jojo sa dormitoryo (“Kung may pagkapusa kami, may pagka-aso naman si landlady”), at ang kaibigan niyang pintor,  (“‘makulay’ ang buhay ni Herbie”). Pabiro rin ang pag-hahalaw ni Mang Jun sa ilang islogan at kasabihan : “Gutom lang ito,’Makibaka, huwag matakot’,” at  “Ang tao nga namang nagigipit, sa patay ng iba kumakapit.”

 Nakapaloob din sa nobela ang ilang pagbabalik-tanaw na naglilinaw sa naging katauhan ni Jojo, pati na ang paglalarawan sa Maynila noong dekada sitenta. Halimbawa na lamang ang tagpo na kung saan ginugunita ni Jojo ang naging buhay niya sa probinsiya at ang ipinagkaiba nito sa mga karanasan niya sa Maynila. Pagdating naman sa paglalarawan ng panahon (“milieu), gumamit si Mang Jun ng mga salita, patalastas, islogan at pangalan na naging palasak noong dekada sitenta, gaya ng “trip” (kasayahan), “ajax” (ahente ng gobyerno na nainiktik sa mga aktibista) at  “Para sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan” ( ang opisyal na motto ng pamahalaan para itaguyod ang Batas Militar).  

Gayumpaman, sa likod ng mga patawang hirit at birong ibinabato ni Jojo ay mababakas naman ang mga problemang kinaharap ng mga aktibista:  ang panunupil ng mga may-kapangyarihan, ang pagbabalewala sa kanila ng mga guro at kahit ng mga kamag-anak, at ang pagkabatid na gaano man sila ka-ideyalistiko ay may mga karanasang hind nila tuwirang mauunawaan base sa pagti-tieorya lamang. Mapapansin ang huling puntong ito sa tagpo na kung saan napadpad si Jojo sa bahay ng aleng tumulong sa kaniya matapos siyang himatayin.

Sa palagay ko ay matagumpay na nailahad ng nobela ang mga tagong kuwento ng pakikibaka ng mga aktibista noong panahon ng Batas-Militar. Bagama’t sa una ay ikinukuwento sa iyo sa paraang matatawa ka, ipipinid mo naman ang libro na paglaon ay mapag-isip-isip mo ang mga tago at lantarang tunggalian at pang-aapi sa ating lipunan. Na sa kasamaang palad ay nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon matapos ipinangako nina Jojo na “hindi sila magpapahuli sa mamang salbahe.”

 

17 thoughts on “Noong panahon ng Batas Militar

  1. helo po pwde po humingi ng help may report po kc me tungkol sa panitikan ng bagong lipunan..hmmm..radyo at telebisyon..at ang pelikulang pilipino sa panahong ito.sana matulungan mo po me..tnx.

    • salamat sa pagbasa ng post na ito. Hmm. suggestion ko, basahin mo o at least magresearch ka tungkol kay Lualhati bautista(ilang mga works niya ay “desaparicido” at “dekada 70″) or yung mga poems nila Virgilio Almario o Bienvenido Lumbera. Medyo malaki kasi yung field of martial law literature, so yun lang ang maibibigay sa iyo.

      Good luck sa pagsasaliksik!

    • hello! marami-rami kasi yun mga naganap noong dekada 70. pwede kang magsimulang magresearch sa martial law (start ka sa google pero gumamit ka rin ng books and articles), tapos maraming kaugnay na paksang ito maaari mong pag-aralan.

  2. Thank you po sa pag-post nito, naging malaking tulong po ito para sa culminating-task namin sa Araling Panlipunan 1. Sana po ay ipagpatuloy niyong gumawa nang mga nakakatulong na salaysay. Salamat po ulit.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s