Tungkol sa isang manunulat na Oragon

Una kong nakilala si Abdon “Jun” Balde, Jr. noong nag-aaral pa ako sa UST at kasama sa mga nag-aasikaso ng isang literary workshop para sa aming campus paper. Naimbita kasi siya bilang isa sa mga panelists ng Varsitarian Palihang Pampanitikan para sa makiling kuwento. Noong mga panahong iyon, alam ko na isa sa mga tinitingalang kuwentista sa Filipino si Balde, kaya’t nabigla’t natuwa ako nang mabasa sa panitikan.com na nagtrabaho muna siya bilang isang inhinyero sa loob ng 30 taon. Napagsabayan niya ang dalawang animo’y malalayong larangan.


Ngunit bago pa nito ay narinig ko na ang pangalan ni Balde nang basahin ko ang isa pa niyang nobela, ang Hunyango sa Bato, para gawan ko ng rebista (book review) sa Varsitarian, ang aming campus paper. Patungkol ito sa buhay ng isang inhinyero at paano siya naipit sa katiwaliang nagaganap sa pagpapatupad ng mga construction projects.


Kamakailan lamang ay nabasa ko ang isa na namang nobela ni Balde, na patungkol din sa buhay ng mga inhineryo’t kontratista. Ngayon ko lang nabili ang Sa Kagubatan ng Isang Lungsod bagama’t noon pang 2002 ito inilathala ng UST Publishing House.

Umiinog ang salaysay ng nobela sa buhay nina Bobby Mercado at ng kaniyang asawa, si Chit. Bagama’t mula sa isang mayamang angkan si Bobby, dumanas naman ito ng kahirapan nang mamatay ang kaniyang mga magulang matapos bumagsak ang sinasakyang eroplano. Matapos “makapasa” sa engineering board exams, itinayo niya ang isang kompaniya, ang MCEC, sa tulong na rin ng kaibigang si Dennis. Nagsimula lamang ito bilang isang construction firm, ngunit nang lumaon ay pinasok na rin ang quarrying at ang pagpaparenta ng mga heavy duty equipment (bulldozer, trak, mixer). Pumasok ito sa isang proyekto sa Albay, kung saan nakilala niya si Laredo, isang matandang kontratistang Bikolano. Sumali sila sa bidding na tinangka nilang lutuin sa pamamagitan ng pag-uusap-usap, kasama ang isa pang kontratista, kung sino ang mananalo sa nakatakdang bidding at ang porsyento ng kanilang hatian sa kita.

Habang abala si Bobby sa pagpupundar ng kaniyang kompaniya ay nakilala naman niya si Chit. Nang lumaon ay niligawan na niya ito. Lingid sa kaalaman ng negosyante/inhinyero, mayroon nang kasintahan ang babae, si Mike Suarez, ngunit nadestino ang huli sa Mindanao bilang isang sundalo sa militar. Isang araw, nabalitaan na lamang ni Chit na kasama si Mike sa mga sundalong tinambangan sa Saranggani (bahagi pa ng probinisya ng South Cotabato). Bagama’t wala siyang nakuhang mga malinaw na detalye kung nabuhay nga si Mike, umasa naman siyang mabubuhay ito sa bandang huli.

Gayumpaman, patuloy pa rin sa panliligaw si Bobby kay Chit hanggang sa inalukan na niya ito ng kasal habang nagbabakasyon sila sa Bikol. Bagama’t noong una ay nagugulumihanan si Chit, sa huli ay tinanggap niya ang alok ni Bobby.

Nang lumaon ay lumago naman ang kompaniya nina Bobby at Dennis, ang Mercado Construction and Equipment Corporation (MCEC), ngunit kasabay nito ay nagsimula namang umasim ang pagsasama nina Bobby at Chit. Madalang nang umuuwi sa bahay ang si Bobby, dahil umano sa maraming nakatambak na trabaho, ngunit, dahil na rin sa mayroon na siyang nililigawan ibang babae. Humantong naman ito sa isang matinding away nang malaman ni Bobby na naging kasintahan pa ni Chit si Mike bagama’t pumayag ang una na magpaligaw sa kaniya.

Sa gitna ng pangunahing naratibo ng nobela ay sasanga naman ang salaysay sa malalim na pagkakaibigan nina Chit at Mercy, ang asawa ni Dennis; ang pakikipagrelasyon ni Chit sa isang mensahero ng pinasukang kompaniya, ang pag-iibigan nina May (anak nina Bobby at Chit) at Jayson (na inakalang anak ng isang sekretarya ni Bobby at ng isang tauhan niya) at ang pagpasok nina Bobby at Dennis sa pagpupuslit ng ipinagbabawal na gamot. Hahantong ang nobela sa (literal) na pagkukrus ng landas ng negosyo at pamilya, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na hawak ni Bobby ang pagkontrol sa banggaan ng mga ito.

Kapansin-pansin na linyar ang pagsasalaysay sa nobela. Binagtas ng naratibo ang pagsisimula ni Bobby Mercado sa negosyo ng construction hanggang sa magkaroon ng pamilya at maging isang makapangyarihang negosyante’t smuggler. Detalyado naman ang pagsasalarawan sa mga tauhan, mula sa pisikal na anyo nila hanggang sa kanilang mga ugali’t trabaho. Mapapansin ding nilahukan ni Balde ang nobela ng ilang alamat mula sa Bikol (sa eksena ng pagbibiyahe nina Bobby’t Chit sa Albay) gaya ng “Daragang Magayon,” at “Takay.” Sa unang tingin ay pawang pagkukuwento lamang ito ng isang tour guide ng mga eksotikong tagpo, ngunit mababatid sa kabuuan ng nobela ang ugnayan nito sa buhay nina Chit at Bobby. Bukod pa rito, nagpasok din si Jun Balde sa nobela ng ilang salitang Bikolano at terminolohiya sa inhineryia, tulad ng lintian na libong (“nakakalito!”), Tabangan kan Kagurangnan (“Tulungan ako ng Diyos!”) , “Items of Work” at “Prequalify (to bid).”


Napatunayan ni Jun Balde na maaaring magamit ng sinumang manunulat ang kaniyang naging karanasan sa anumang larang upang makapagkuwento tungkol sa masalimuot na buhay sa mundo. At, hindi lamang siya ang nakilala ko nang husto dahil sa nobela, ngunit pati na ang buhay ng mga inhinyero, na madalang na ngayong mabasa sa mga katha o mapanood sa telebisyon.

3 thoughts on “Tungkol sa isang manunulat na Oragon

    • maraming salamat po sa iyong komento, at nakakataba ng puso na may mga nagpapahalaga pa rin sa kasalukuyan sa panitikang Filipino! padayon mga sumusubaybay sa sariling literatura at wika!

    • madagdag ko nga pala, maaaring mabili ang librong ito sa naumang sangay ng national bookstore. O para makasigurado, tumungo lamang po kayo sa ust publishing house para makabili ng kopya ng sa kagubatan ng lungsod.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s