Alingasngas

Tampok ngayon sa mga pahayagan at telebisyon ang kontrobersya hinggil sa kaso ng itinuturing ng midya na mga “Alabang Boys.” Nagsimulang umalab ang usaping ito noong mga huling dalawang linggo ng Disyembre nang mabasura ang mga kaso ng pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot na isinampa laban sa tatlong binata; dahil dito, nagduda naman ang mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na siyang humuli sa mga suspek, na sinuhulan ng mga kaanak ng apat na binata ang tatlong piskalya ng Department of Justice (DOJ). Ang tugon naman ng huli: nabasura ang kaso dahil mahina ang mga ebidensyang sinama ninyo sa charge sheet.

Nagmula naman sa mga may-kayang pamilya ang tatlong suspek (Richard Brodett, Joseph Tecson, Jorge Joseph); anak ng isang radio brodkaster na si Johnny Midnight ang huli.

Habang isinusulat ang blog post na ito, nagkakaroon ng mga pagdinig sa Batasan hinggil sa isyu ang House committee on drugs.

***

Binida ngayon sa dyaryo at radyo si Major Ferdinand Marcelino, ang pinuno ng PDEA Special Enforcement Service. Siya at ilan pang tauhan ng ahensya ang humuli sa “Alabang Boys” sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Quezon City at Alabang.  Nakalathala sa Philippine Daily Inquirer ang isang artikulo na tumatalakay sa naging karera ni Marcelino mulang buhay-mahirap hanggang maging sundalo ng Philippine Marines at nang maging mataas na ahente ng PDEA. Ininterbyu rin siya sa DZMM kaninang umaga at napadako rin sa kaniyang talambuhay ang panayam. Maya maya pa ay binasa na ng mga ankor, sina Gerry Baja at Anthony Taberna, ang maraming text message na pumupuri sa panghuhuli nina Marcelino sa “Alabang Boys.”

Hanggang kailan kaya pupurihin, at susuportahan, sina Marcelino? Hanggang sa susunod na dalawang linggo na lang ba dadagsa ang mga text message na para sa kanila?  Hindi kaya magsawa rin tayong subaybayan ang usapin gaya ng nangyari kay Jun Lozada?  Pati na kina Francisco Gudani?  

Tulad ng dati, magkakaroon ng mga hearing upang malaman (daw) ang simuno’t dulo ng mga pangyayari mulang pagsampa ng mga kaso hanggang sa paglabas ng isang release order na nagpapalaya umano sa apat. Tulad ng dati, isasalang ng midya sa madla ang mga panibagong kahihindik-hindik at nakakainis na kabanata ng usapin upang pag-usapan, pagtalunan, at kaaasaran nating lahat. Tulad ng dati, mabilis pa sa alas-kuwatro ang pagduduro ng mga kasangkot sa isa’t isa upang mabaling ang sisi sa panibagong iskandalo ng bayan. (Siya nga pala, pambungad sa 2009 ang “Alabang Boys” drug case. Bagong Taon, lumang buhay.) At malamang tulad ng dati, may susulpot na bagong isyu na siyang pagtutuonan ng pansin ng gobyerno midya negosyante at madla upang paglaon ay matabunan na ang alingasngas sa suhulan hinggil sa “Alabang Boys” drug case.

Tignan natin…

***

Mainit na pahabol:

Hindi ko alam kung ano ang nakain ng isa sa mga abogado ng tatlong binata, si Atty.Felisberto Verano, kaya’t pinangatwiranan niya ang kaniyang paggawa ng isang release order na mayroon pang letterhead ng DOJ. (Kaso, sabi sa balita, mali ang spelling sa apelyido ni Sec. Raul Gonzalez na nakalagay sa release order; “s” ang huling letra sa halip na “z.”). Ayon sa abugado, kaya naman niya ginawa ang nasabing order ay upang mapabilis ang proseso ng paglaya sa tatlong binata. Dagdag pa niya, “Its Christmas.”

Sa aking palagay, hindi mo na kailangang may degree ka sa Civil Law mulang University of Santo Tomas, Ateneo School of Law, o San Beda (bukod sa pagiging topnotcher sa mga bar exams) para malaman mong ilegal ang ginawa ng butihing abugado. Hindi ka naman ang kalihim ng DOJ pero bakit papangahasin mong gumawa ng isang kautusan? Depensa naman ni Atty. Verano, gusto lang daw niyang mapabilis ang proseso sa paglaya ng mga suspek dahil magpa-Pasko na noon. Ang swerte naman nila kung nagkataong nakalusot ang abugado. Lahat naman yata ng mga nakakulong sa preso, na hindi naman nabababaan ng huling paghatol sa kanilang mga kaso, ay gustong makalabas ng kulungan, mapa-Pasko man o hindi.

Sa pagkakaalam ko, hindi ito ang unang pagkakataon na may naaakusahan ng pagsusulat, nang walang basehang legal, ng isang kautusang pandepartamento. Noong 1993, itinuro ang isang abugado ng isang telecommunication company na siyang gumawa ng isang desisyon ng Korte Suprema. Kasama sa mga nasangkot sa isang kaso ang nasabing kompanya. Lumala ang gulo hanggang sa napilitang magbitiw ang mahistrado ng Korte; siya dapat ang sumulat ng desisyong ito.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s