Tagtuyot

Binubuno ko ngayon ang writer’s block. Mga isang buwan ko na yata ito nilalabanan para kahit papaano may maisulat akong tula (o tulang tuluyan, na mas kaya kong gawin sa ngayon). Binabasa ko ulit yung mga tula nina Rio Alma, Bobby Anonuevo, mga makata ng LIRA, pati na yung  isang koleksiyon ng mga tula na itinipon nina Cirilo Bautista at Allan Popa. Pero kadalasan, wala pa rin akong mapiga ni isang taludtod na matino. Kung pagtatae pa ito, para lang akong umutot. Bad Trip.

***

Kung sa ispiritwalidad ay may tinatawag na “dark night of the soul,” marahil ang writer’s block ko sa ngayon ang katumbas nito sa aking pagsalunga sa mundo ng panitikan. Sinusubukan kong hanapin ang katuturan ng aking sariling panulat pero hindi ko pa rin maapuhap kahit man lamang isang bakas ng pag-asa na may kuwenta pala ang aking pagtutula. Minsan pa nga, pinagduduhanan ko nga ang aking sarili kung kaya ko ngang sumulat ng tula. Nahihirapan kasi ako ngayon isataludtod ang aking mga konsepto, bagama’t  marami rami na rin akong naiisip sa ngayon. Halimbawa, buhay-tambay, ritwal ng isang naghahanap ng panibagong trabaho, etsetera. Pero kapag pinipilit ko na isulat ang unang mga linya, sabay namang nawawalang-parang-bula ang aking mga ideya. Hayun, back to square one. 

***

Nabanggit ni Teo Antonio sa kaniyang pasakalye sa kalipunang Dili’t Dilim, ni Mike Coroza, na inaakala ng ilang makata na madaling gumawa ng tulang may sukat at tugma. Kabaliktaran naman ang problema ko rito. Nahihirapan akong gumawa ng tula na umaayon sa padron na may sukat at tugma (hal. awit, dalit, tanaga). Kaya sa ngayon, nahihirati ako sa pagsulat ng tulang tuluyan. Lango pa rin ako sa impluwensiya nina Alma, Anonuevo at Mallarme.  Ngunit gaya na ng sinabi ni Antonio sa pasakalye “Ang sukat at tugma ay lumang sisidlan na pinaririlag ng talinghaga at mga tunay na makata ang makapagbibigay ng kariktan.” Kaya, kailangang ko ring sanayin muna ang aking sarili sa pagsulat, o kahit paano ay pag-unawa sa mga alintuntunin sa pagsulat ng mga tulang may sukat at tugma  bago mag-eksperimento sa mga bagong uri ng tula. 

Ang pagtula ay hindi biro. 

Pahabol: Gayumpaman, naaakit pa rin ako sa tula. Para bang sa loob ng limitadong espasyo nito ay marami nang maaaring mapahiwatigang mensahe ang makukuha ng isang mambabasa. Lalo na kapag paulit-ulit itong binabasa.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s