Lagalag

-…Nabasag/ na kristal ang hanggahan ng pagtuklas/ at wala na/waring nalalabing birheng/ gubat para sa lagalag…-Michael Coroza, “Katiyakan”

Kani-kanina ko lang naalala ang siping ito mula sa isang tula ni Mike Coroza na tungkol sa kawalan ng katiyakan sa panahon ngayon (“postmodernismo” kung tawagin ng mga akademista).  Actually, matagal ko nang pinagninilayan kung bakit mas alam ko pa yung mga napupuntahan kong mga lugar na malayo-layo (hal. UST, Sampaloc, Boracay) kaysa sa sariling baranggay/subdivision.

Nakatira ako sa Lagro Subdivision, isa sa mga marami-raming subdivisiong itinirik dito sa Fairview simula pa noong dekada sitenta. Pawang mga empleyado sa gobyerno at mga pribadong kompanya ang karamihan sa tinatayang 20,000 residente ng Lagro, na isa na ring hiwalay na baranggay.

Kung tutuusin, wala na ngang “nalalabing birheng gubat” dito na maaari ko pang galugarin, tuklasin, saliksin. To be more exact, talahiban pa ang Lagro noong mga 1970s, ng simulang tayuan ito ng mga subdivision, ayon sa mga kwentong naririnig ko tungkol dito. Kasama na rito yung mga isinasalaysay ni Papa ng kaniyang mga karanasan noong mga taong nagtatrabaho pa siya rito bilang isang inhinyero. Dagdag pa ng mga kwento, ginawa ring tapunan  ang Lagro ng mga bangkay ng mga “nai-salvage” na suspek. Iba na ngayon.  Sa kasalukuyan, puros mga bahay, tindahan, at ilang paaralan ang nakatayo ngayon sa Lagro. Kapag naglalakad ka sa mga kalye rito, kakompetensiya mo naman ang mga manaka-nakang dumaraan na kotse jeep tricycle sa pagbagtas sa aspaltong daanan. (Matagal na mula noong huling naibalitang may itinapong mga bangkay ng mga suspek na “isinalvage” ng mga pulis.)

So, kung ganoon ang kalagayan, parang wala nang bagong lugar o tanawin akong makikita sa aming subdivision, magawa ko mang muling libuting ang buong baranggay. About two to three years ago, nilakad ko ang magkabilang dulo ng Lagro, mula sa bahay namin sa “itaas” na parte ng baranggay hanggang sa tinatawag naming dulo, na katabi ng entrance ng La Mesa Dam. Trip-trip ko lang kaya ko ginawa iyun, mistulang may naramdaman akong mini-wanderlust ako noong mga panahong iyon. Kung gusto ko namang medyo mas mabilis na paglalakbay, binibisikleta ko rin ang daanang iyon, sumusuot sa mga kung-anong-mga-eskinita na hindi dinadaanan ng mga jeep.

Pare-parehos naman ang mga eksenang nakikita ko. Mga kalyeng sa pangkalahatan ay matahimik, maliban sa mga umpukan ng mga naglalaro ng basketbol sa kalsada, o mga nagtsitsimisang mga kasambahay na nakaupo sa mga bangketa.  Mga bahay na gawa sa konkreto at may bubungang yari sa GI sheet. Mga naka-parkeng mga sasakyan.

Tuloy, parang gusto kong mainggit sa mga probinsiyanong malayang nakapaglilibot sa kanilang mga baryo. At least, mayroon silang napaglalanguyang ilog o sapa, nakakaakyat sa mga puno, at nakapaglalaro sa mga bukid. Mas marami silang choices sa kasayahan na pupwedeng pagpipilian. Hindi tulad kong isang middle class guy na kung sawa na sa panonood ng TV ay malaon nang nabuburat sa paglalakbay sa elektronikong mundo ng Internet.

Pero, heto ang sarili kong kontra-pwelo sa aking pangangarap. Kung sakali mang naging probinsiyano ako, o may pagkakataong maging isang probinsiyano sa loob ng isang maikling panahon, hindi kaya ang kabaligtaran ang hahangarin ko? Na gusto namang makapunta (o makabalik) sa lungsod? Kasi naman, baka isang romantized view yung inaakala kong masayang-paglalakbay-sa-kabukiran-sa-probinsiya. O kung totoo nga man kahit papaano ang ganoong pananaw, baka isang aspeto lang ito ng buhay-probinsiya. Base sa mga narinig (at nabasa ) ko nang kuwento tungkol sa buhay-probinsiya, talagang kailangan mong magbanat ng buto upang ikaw ay mabuhay. Kung nasa bahay ka, kailangan mong tumulong sa a.) paghuhugas ng mga pinggan o b.)  ang umayuda sa tuwing may handaan tuwing may pista. Kung nasa bukid ka naman, kailangang mo namang tumulong sa pagbubungkal ng lupa, pagtatanim ng punla, pag-aalaga nito hanggang sa dumating ang panahon ng anihan. At mukhang hindi ako sanay sa mga ganoong gawain.

(Hindi ko pa nabababanggit ang panganib na pwedeng maipit ang mga nasa probinsiya sa labanan sa pagitan ng mga rebele at sundalo.)

Kung gayon, saan na ako lalagi?

Kailangan ko pa sigurong hanapin ang “birheng gubat” na gusto kong tuklasin. At baka hindi na ito makikita sa kasalukuyan kong tintirhang subdivision o sa minimithiing probinsiya.

Kailangan ko pang maglagalag.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s