Reunion

Matagal ka nang dumadalaw sa pagtitipon na ito, nagunita mo habang muli kang pumapasok sa bahay ng isa mong may-kayang lolo. Dito pinagdarausan ang pagsasalu-salo ninyong magkakamag-anak tuwing Pasko, naalala mo. Habang iyong minamasdan ang tarangkahan, ang kumukutitap na parol na nakasabit sa bintana, at ang malawak na bakuran, muli mong naalala ang taun-taong pagpunta ninyong mag-anak dito upang makipagkumustahan sa mga kadugo na matagal-tagal ding hindi ninyo nakikita.

Pagsapit mo sa bakuran, naalala mo naman kung paano ka nasasabik noon na pumunta sa pagtitipon upang magmano sa mga lolo, lola, tito, tita, ninong at ninang,  bukod sa pag-asam mong makatanggap ng pamasko sa kanila. At kahit hindi mo namalayan, noon, waring nasasabik kang marinig ang mga papuri sa iyo ng mga kamag-anak: Magkamukha kayo ng tatay mo, ang laki mo nang bata,  balita ko matalino ka raw sa klase. Naalala mo pa na minsang pinapapupunta ka pa sa harapang bahagi ng  bakuran upang umawit ng mga Christmas song, magtanghal ng sayaw-pambata o tumula. Madalas ay pinagpapalakpakan ka kahit batid mo ngayong katawa-tawa ang mga pinaggagawa mo noon. Sintunado ka sa pag-awit. Matigas ang iyong katawan sa pagsayaw. Nabubulol ka habang tumutula.

Ngayon, isang oras mula nang pagkarating mo rito, pakiramdam mo ay talagang matagal na mula nang huli kang dumalaw sa pagtitipon.  Ikaw na ang pinagmamanuhan ng mga bata mo pang pinsan. Minamasdan mo ang paligid kung sino sa iyong mga lolo, lola, tito, tita, ninong at ninang  ang nariyan (pa). Hindi ka na tinatawag sa harapan upang magtanghal ng mga katawa-tawa at katuwa-tuwang gawain. At madalas, umuupo ka na lang sa mesa upang madalas makinig sa mga usapang pangmatanda. Politika. Buhay ng mga sasapit na sa edad-medya. Kamustahan sa mga naulila ng mga sumakabilang-buhay na.

At sa gitna ng mga huntahan at sayahan, naibulong mo sa iyong sarili na kailangan mo pang dumalaw sa mga ganitong pagtitipon.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s